Haring Noah~"Ama!" Malakas na tawag sa akin ng aking anak.
"Ano't tila napakadali mong natapos sa pamamasyal?"
"May nakita akong kaaya-ayang mga bulaklak kung kaya't ito'y aking kinalap upang gawin palamuti sa aking ulo." Masiglang sabi nito.
Hinihiling ko lamang na makita ko pa ang masigla mong mukha sa oras na malaman mong ikaw ay makiki-isang dibdib na.
"Kailangan mo pa ba ang bagay na iyan anak? Lubos ka ng maganda sa aming mga mata ng iyong Ina."
"Batid ko, ngunit nais kong maging maganda at kaaya-aya sa lahat ng naririto sa palasyo, Ama." Hinawakan ko ang kanyang kamay at itinapat sa kanyang dibdib.
"Maganda ka na rito anak, kaya't hindi ka na dapat pang nag-aalala." Ang ngiti nyang napakaganda, sana'y hindi maglaho sa sandaling panahon na aking sasabihin ang nalalapit na nakatakda.
"Salamat Ama, maiwan na kita. Nais ko ng umpisahang gawin ito." Tumango na lamang ako at tinungo nya na ang kanyang silid.
"Mahal na hari, pinapatawag kayo ng mahal na reyna. Naroon sya sa inyong trono." Ani ng aming punong kawal. Tumango ako at tinungo ang aking reyna.
"Ipinatatawag mo raw ako?"
"Hindi ako mapalagay, Noah." Bakas sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala.
"Maging ako rin, ngunit ito lamang ang tamang gawin nang sa gayo'y sa oras na mawala tayo'y may matitirang gagabay sa ating anak."
**
Hyacinth~
Masaya ako ngunit may nararamdaman akong pag-aalala na hindi ko mawari kung ano, habang kausap ko ang aking ama kanina lamang ay parang may kakaiba.
Sapantaha ko'y mayroon itong itinatago sa akin, isinawalang bahala ko na lamang ito at ipinagpatuloy ang aking ginagawa.
--
"Mahal na prinsesa, ipanapatawag po kayo ng mahal na hari at reyna sa punong bulwagan." Ani ng isa sa mga punong kawal na nakabantay sa labas ng aking silid.
"Darating ako." Sagot ko at nagpalit ng kasuotan na dinagdagan ng ginawa kong palamuti sa aking ulo, kay ganda, kabigha-bighani.
Nang makarating ako sa punong bulwagan ay tila napakaraming tao ang naririto at nasa akin ang kanilang mga tingin.
"Ipinapatawag nyo raw ako Ama, Ina? Ngunit mawalang gana na, ano't napaka-rami yatang tao ang naririto ngayon?"
"Tabihan mo ako rito sa aking trono anak pagkat maya-maya lamang ay darating na ang ating panauhin." Si Ina.
Sumunod ako at umupo sa tabi nya, hindi ko mawari ang aking nararamdaman pagkat masyado akong kinakabahan ngayon.
Hindi nga nagkamali ang aking ina pagkat may kawal na nag-ulat na dumating na ang mga inaasahang panauhin, ilang sandali pa'y natatanaw ko ang mga paparating.
"Magbigay pugay sa Prinsepe Mulan!" Ani ng aking Ama kaya't nagbigay pugay ang mga naririto.
"Kinagagalak kong makarating dito sa inyong palasyo mahal na haring Noah." Yumuko ito at nagbigay pugay sa aking ama.
Kataka-taka, anong ginagawa ng prinsipe ng ibang kaharian dito sa palasyo?
"Ano't hindi ka nagbibigay pugay sa ating panauhin, Hya?"
"Paumanhin ngunit ako'y nagtataka lamang, anong ginagawa ng prinsipe ng kabilang kaharian dito sa ating palasyo, Ama? May suliranin bang kinakaharap ang ating kaharian?" Hindi sya nakasagot agad, nagtapon lamang sya ng tingin sa aking Ina.
"Hyacinth, sya si Prinsipe Mulan mula sa kaharian ng Ingdo, Prinsipe Mulan sya si Hyacinth ang prinsesa at susunod na magiging reyna ng kahariang Chanta, maligayang pagdating dito sa aming palasyo." Wika ng aking Ina at matamis na ngumiti sa nasabing panauhin.
"Hindi nyo sinasagot ang aking katanungan, Ama?"
**
Haring Noah~
"Panahon na upang iyong malaman, bilang ikaw ang susunod na reyna ng ating kaharian at nangangailangan ka ng hari na makakatuwang mo sa pamamahala. Kaya't pumili na ako ng prinsipe na iyong makakaisang dibdib ilang araw mula ngayon." Nakita ko ang pagkagulat sa mukha ng aking anak. 'Patawad anak, kinailangan ko itong gawin nang sa nagbabadyang digmaan ay handa ka na.'
"Ano?! Isa itong malaking kalokohan, Ama! Bakit nyo ako ipakakasal sa isang taong hindi ko naman kilala? Nawawala na ba kayo sa inyong pag-iisip, Ama?!"
"'Wag mong pagtaasan ng boses ang iyong ama, Hya! Para lamang ito sa iyong kapakanan nang sa gayon ay maaga pa lamang ay nalalaman mo na ang pangangalaga sa kahariang balang araw ay iyong pamamahalaan!"
"Para sa akin? Ano't tila kayo ay nagsisinungaling? Kaya kong pamahalaan ang ating kaharian kahit nag-iisa lamang ako! Para saan pa't sinanay nyo ako upang makipaglaban at hubugin bilang isang pinuno?"
"Buo na ang aming pasya, Hya."
**