"Kailanman ay hindi ko inisip na kayo pang mga magulang ko ang bibigo at mananakit sa aking damdamin." Mabilis na tumangis ang aking anak ngunit hindi ako maaring magpadala sa kanyang pagtangis."Ito ang nakatakda mong kapalaran Hya, ikaw ay nabuhay ngunit hindi kahulugan noon ay palagi kang masaya. Darating ang kapalarang sadyang masasaktan ka." Wika ko.
"Ayoko makipag-isang dibdib sa isang estranghero! Hindi nyo man lamang ako binigyan ng pagkakataon na makapamili ng lalaking mapupusuan ko?!"
"Magtigil ka Hya! Hindi ka namin pinalaki upang magkaganyan!" Muling suway sa kanya ng kanyang Ina.
"Ngunit pinalaki nyo ako ng may paninindigan sa kung ano ang aking kagustuhan at sa kung ano ang tama, ito sa palagay ko ay tama. Hindi ko gustong makasal sa taong hindi ko kilala at lalo sa taong ni minsan ay hindi ko pa nakakasalamuha, paumanhin Ama, Ina, ngunit hindi ko ito matatanggap." Dali-dali syang lumabas ng bulwagan at tinalikuran kaming lahat.
"Patawad, Prinsipe, nabigla lamang ang aking anak. Kami na ang bahalang kumausap sa kanya. Kawal, ihatid ang prinsipe sa kanyang silid." Utos ko.
"Salamat, Haring Noah." Bigay galang ng prinsipe at lumisan.
"Hindi ba't tama ako, Noah?" Nangingilid ang luha sa mga mata ng reyna. Muli akong napaisip sa mga tinuran ng aking anak, kung maaari lamang na bawiin ang aking pasya ay ginawa ko na. Ngunit hindi ugali ng isang hari ang bawiin ang mga utos at salitang kanya nang binanggit sa harap ng kanyang nasasakupan, isa iyong kahihiyan.
**
Hyacinth~
"Bakit ganoon, bulwa? Nais nila akong ipakasal sa taong hindi ko naman kilala." Narito ako sa aking silid kasama ng aking sariling bulwa, tumatangis.
"Marahil ay para lamang iyon saiyo prinsesa, ikaw ay nasa wastong gulang na. Hindi ba't nararapat lamang na ikaw ay maikasal na?"
"Pati ba naman ikaw bulwa ay hindi ako nauunawaan? Matatanggap ko pang ikakasal ako sa edad kong ito ngunit hindi sa taong hindi ko kilala."
"Itigil mo na ang iyong pagtangis prinsesa Hya, maaari mo pang kausapin ng maayos ang iyong Ama."
"Hindi ko alam bulwa, batid kong kapag nagdesisyon si Ama ay hindi na iyon mapipigilan pa. Patawad bulwa ngunit nais ko munang mapag-isa." Yumuko sya at tuluyang nilisan ang aking silid, pinagpatuloy ko ang aking pagtangis dahil sa bigat ng aking dibdib.
Pakiramdam ko'y nawala bigla ang aking pagkamasayahin, ano't tila binibenta ako ng aking ama? Ayaw na ba nya akong alagaan?
Kung titignan, ang prinsipeng iyon ay matikas. Gwapo at sadyang maharlika, ano't sa akin sya magpapakasal? Samantalang napakarami pang prinsesa bukod sa akin.
--
Kinabukasan...
"Patawad prinsesa ngunit pinapatawag na kayo ng hari sa silid kainan."
"Susunod ako." Walang gana kong sagot, nakakapanibago. Nawala ang aking sigla, labis akong nagdaramdam. Hanggang sa narating ko ang silid kainan ay parang kasing bigat ng dambuhalang bato ang aking mga paa maging ang aking kalooban.
"Narito na pala sya." Rinig kong sabi ng aking Ama, ang kausap ay ang panauhing prinsipe.
"Aking prinsesa, halika maupo ka." Agad na humili ng silya ang para sa akin ang prinsipe ngunit hindi ko tinanggap ang inaalok nyang silya.
"Kaya ko ang aking sarili." Walang gana kong sabi.
"Hya! Hindi ganyan ang pag-uugali ng isang prinsesa." Ang aking ina ang unang sumita sa akin, ang kanyang mga titig ay tila gusto akong saktan. Bigla ay nagpuyos ang aking galit at sama ng loob magmula pa kahapon.
"Mawalang galang na ngunit hindi rin naman ganyan ang pag-uugali ng isang magulang, Ina! Kung ipakasal nyo ang inyong anak sa taong hindi nya kilala ay katumbas na rin ng pagbebenta! Ano't tila nais nyo akong ibenta na lamang sa isang magbabakal?! Kailanman ay hindi ko kayo binigyan ng sakit ng ulo o problema kaya't hindi ko maunawaan kung bakit nyo ito ginagawa!" Totoong galit na ako sa mga oras na ito at kahit na kasabay ng bawat bigkas ko ng mga salita ang luhang pumapatak sa aking mata ay iwinaksi ko ito. Kailangan kong maging matigas upang maipaglaban ko ang aking sarili.
"Bawiin mo ang sinasabi mo, Hya!" Galit narin ang aking ama ngunit hindi ako nagpatinag.
"Bakit ko babawiin? Hindi ba't tama naman ako? Para saan at ibinebenta ninyo ako?"
**
Author's note:
CLARIFICATION:
Lilinawin ko lang po ha. Ang Kahariang 'Chanta' (gawa-gawa ko lang 😁) ay pinamumunuan ni Haring Noah at Reyna Hyana.
Ang Bulwa( babaeng tagasilbi) ay gawa-gawa ko lang din 😁
Sa mundo nila, wala silang kapangyarihan maliban lang kay HYACINTH, NOAH at HYANA. Pero ang kanilang kaharian ay mayaman sa mga iba't-ibang armas isa na do'n ang Espada.
Gusto ko lang na 'yong tatlo lang ang may special powers, bakit ba 😁
Si Prinsesa Hyacinth naman ay nagtataglay ng lakas na parang isang higante, gano'n! Yung parang ang lakas-lakas nya, kaya nya ring mang-hipnotismo at magpasunod ng tao. Ginawan ko rin sya ng powers na napapagalaw nya ang mga bagay bagay gamit lamang ang kanyang isip, tapos 'yong mabilis na pagkilos eme eme gano'n!
Ang kakayahang 'yon ay nagmula pa sa kanilang naunang lahi.
So malinaw na tayo guys ha? Lahat 'to kathang isip ko lang at wala akong ginaya sa anomang palabas, nagpapaliwanag lang ako ah 😁
Sya nga pala, malapit nang lumabas ang ating poging si Lawrence Foust ☺️
**