Hindi ko alam na may klase pala kami tuwing huling sabado ng buwan. Huli na rin kasi ako pumasok dito." Balak ko pa sanang tumungo sa pamilihan upang bumili ng bagong kasuotan " nakasibangot na sabi ni Mayuki.
Nandito kami ngayon sa himnasyo ng paaralan. Malawak at maganda ang looban nito. Kasalukuyang nakaupo kami at hinihintay ang guro namin sa pansariling dipensa. Ayon kay Mayuki, ang guro namin ay dating pinuno ng isang sandatahan para sa digmaan noon. Naalala ko tuloy ang aking papa dahil isa pala syang mandirigma.
" Patungo na dito si Mr. Bertoldo. Umayos na ang lahat " utos ni Alvah.
Nagsiupo na ang lahat sa lapag. Malinis naman ang lapag at wala ni isa sa amin ang nagpasok ng sapin nila sa paa. Nasa walong hilera kami at bawat hilera ay may tatlong estudyante. Nasa ika-anim ako panghuli. Tiningnan ko ang lahat ng nasa huli ng mapansin ko si Xeriol ay nasa ika-walo at panghuli rin sya. Mabilis na lamang akong umiwas ng tingin sa kanya bago pa man nya ako makita.
Nakita ko na ang aming gurong papalapit sa amin. Malaki ang katawan nya ngunit hindi taba ang mga iyon. Matangkad at matikas rin sya kung maglakad. Sa itsura nya, hindi maipagkakaila na dati syang mandirigma.
" Magandang umaga, Mr. Bertoldo " sabay-sabay naming bati.
" Maganda umaga " balik- bati nya rin na napakalalim ng boses. Akala ko ang boses lang ni Xeriol ang pinakamalalim, meron pa pala.
Inilibot nya ang paningin nya hanggang sa mapadako sa akin. Mabilis akong tumayo at yumuko saka nagpakilala.
" Bagong estudyante po ako dito. Ang pangalan ko po ay Allaode Letavez " pagpapakilala ko.
" Letavez? Kapatid mo si Easton? " tanong ni Mr. Bertuldo.
" Opo " magalang kong sagot.
" Inaasahan ko na hindi mo ipapamalas ang ipinakitang galing sa akin noon ng Kuya Easton mo. Puro walang katuturan ang mga ginagawa nya sa oras ng klase ko " saad ni Mr. Bertoldo.
" Magaling po ang Kuya Easton ko lalo na po sa paghawak ng espada " agad kong dipensa sa Kuya Easton ko.
Totoo naman ang aking sinabi. Tinuruan nya ako ng iba't-ibang paraan ng pagdipensa sa sarili lalo na sa paghawak ng espada dahil iyon ang pinakagusto ko. Kaya masasabi kong hindi totoo ang sinasabi nya.
" Ipakita mo sa akin. Maglaban tayo. Samahan mo ako Lefu sa pagkuha ng mga kahoy na espada " saad nya.
Halata sa boses nya na gusto nyang mapatunayan ang aking sinasabi. Ayos lang dahil totoo ang sinasabi ko. Hindi ko maitatangging bihasa ako sa paghawak ng espada, totoong espada.
" Nasisiraan ka na ba ng ulo? " hila ni Mayuki sa akin pababa.
" Oo nga Allaode. Hindi ba't kasasabi lang namin na dati syang pinuno ng isang sandatahang mandirigma. Magaling sya sa paghawak ng anumang sandata " ani Nelo na tila ba nag-aalala sa aking ginawa.
" Ngunit mali naman ang sinasabi nya tungkol sa Kuya ko " pagtatanggol ko sa aking desisyon.
" Hindi mo naman kailangan pang ipagtanggol ang Kuya mo. Kahit hindi sya magaling pagdating sa bagay na iyon, sya pa rin ang laman ng puso ko " kilig at tawang sabi ni Mayuki. Nagawa pa nya talaga maisingit ang pagkagusto nya sa Kuya ko.
Dumating si Mr. Bertoldo na dala ang mga espada. Inilapag nya ang mga ito at inutusang kumuha ako ng isa na agad ko namang kinuha. Pumwesto na kami upang umpisahan ang paglalaban. Hinawakan ko ng dalawang kamay ang hawakan ng espada.
Ako ang unang sumugod sa kanya. Patakbo akong tumungo sa kanya upang tamaan sya ngunit umiwas lamang sya dahilan para mapaluhod ako sa lapag. Masyadong mabilis ang aking ginawa.
BINABASA MO ANG
Elusive Butterfly (BoyxBoy)
FantasyNapakaraming dahilan para pumaslang ng isang lahi. Maaaring ikaw ay nagkasala dahil sa mabigat na kasalanan o kaya naman lumabag ka sa isang batas na mahigpit na ipinagbabawal. Ngunit sa mundong kinagagalawan ni Alloade, ang pagkakaroon ng dalawang...