Nakita ko si Liza na pinasasayaw at pinakakanta ng kaniyang ina sa tapat ng kanilang bahay. Nagkakatuwaan sila dahil bibung-bibo ang apat na taong gulang na bata. Idagdag mo pa ang kanyang mala-anghel na ngiti.
Lumapit ako dahil natutuwa rin ako sa kanya. Nakangiti pa ako habang papalapit nang bigla siyang tumitig sa akin. Nawala ang kanyang matamis na ngiti at napalitan ito ng ekspresyon na para bang iiyak. Hindi na ako nagulat sa reaksiyon niya, pero natanong ko sa aking sarili kung nakakatakot nga ba talaga ang hitsura ko.
Noon pa man kasi ay iniiwasan na ako ng aking mga kalaro. Hindi ko alam kung bakit, pero para bang natatakot sila sa aking presensya. Lumaki akong halos walang kaibigan. Palaging mag-isa at tanging mga laruan lang ang kausap.
Hindi ko naman magawang kalaruin ang aking kapatid na babae dahil iba ang kanilang laro. Manika at lutu-lutuan ang madalas nilang nilalaro noon. At kung wala namang pasok ay naglalaro sila ng kanyang mga kaibigan ng Chinese Garter at Piko sa kalsada.
Pero parati akong sinasali ni Ate Faye, ako lang ang tumatanggi.
"Si Miguel talaga, o. Ang hilig mag-paiyak ng bata," pagbibiro ng pinsan kong si Brenda. Galing siya ng probinsya at lumuwas lang ng maynila upang mag-aral.
Kasundo ko siya dahil parehas kami ng kursong kinukuha sa isang pamantasan. May ilang subjects din na magkaklase kami.
"Hala. Wala naman akong ginagawa. Bakit umiiyak ka baby?" pag-aalo ko sa bata ngunit tuluyan na itong umiyak at 'tila takot na takot nang hahawakan ko sana siya.
"Uy, lawayan mo 'yan. Baka ma-usog mo," giit ni ate Divine—ang mommy ni Liza.
Napakunot ako ng noo nang marinig ko iyon.
"Sigurado po ba kayo? Kagigising ko lang, hindi pa ako nagsisipilyo," pag-bibiro ko sa kaniya, suot-suot ang ngiting pumipigil ng tawa.
"Dalian mo na, takot na takot na kaya sa iyo 'yong bata," pamimilit pa niya sa akin.
"O, sige po, kayo ang bahala." Wala na akong nagawa kung hindi ang sumunod.
Mas lalo pang lumakas ang iyak ni Liza noong akmang hahawakan ko na ang kaniyang pusod para sana lawayan. Pilit itong sumasampa sa kaniyang ina kaya naman minadali ko na lang ang paghawak sa kaniyang pusod para hindi na siya matakot.
Ang totoo kasi ay hindi ko naman talaga siya nilawayan, dinampi ko lang nang bahagya sa aking labi ang hinlalaki ko at kunwari ay binasa ko ito ng aking laway. Hindi kasi ako naniniwala sa mga bati-bati at usog na yun. Hindi naman masama ang maniwala sa mga pamahiin ngunit ang isang iyon ay medyo baboy para sa akin.
Umalis na rin ako kaagad para huminto na sa pag-iyak si Liza. Hindi na rin ako lumingon pa dahil baka mas lalo lang matakot at umiyak ang bata.
Sanay na ako na may mga batang katulad ni Liza ang umiiyak kapag nakikita ako. Hindi naman sa pangit ako, pero dahil siguro sa edad kong labing-walo at malaki akong tao ay napagkakamalan nila akong kapre. Madalas din kasi akong ipinapanakot ng mga kapitbahay kong nanay sa mga anak nila.
Sige kukunin ka ni kuya mo Miguel, ang madalas nilang linya sa mga anak tuwing nagkukulit at umiiyak ang mga ito.
***
Linggo ngayon kaya't wala akong pasok sa eskuwela, maging sa part-time job ko.
Pumunta ako sa bahay nina Liza upang manghiram ng batya dahil inutusan ako ni Mama.
Mukhang walang tao.
Sumilip ako sa bintana nila upang tingnan kung sino ang pwede kong mahiraman. Nakita ko si Liza na nakaupo sa sahig at may isa pang batang babaeng nakatalikod, nakasando ito na puti. Inilibot ko ang aking mata sa paligid upang tingnan kung may iba pa bang tao bukod kina Liza.
Habang nakasilip ay narinig ko na lang na nagsalita si Liza. Laking gulat ko nang marinig ang sinabi nito habang kinakausap 'yong bata,
"Bakit mo papatayin si Tita Brenda?" Pautal-utal na sambit ni Liza habang hawak ang isang barbie.
Nagitla ako't nanigas sa aking kinatatayuan, hindi makapaniwala sa sinabi ni Liza.
Hindi lumipat ng tingin ang aking mga mata dahil sa sindak. Medyo napaatras ako nang biglang ibinaling ng mga bata ang kanilang mga atensiyon sa akin.
"O, anong ginagawa mo riyan at 'tila gulat na gulat ka?"
Laking gulat ko nang biglang nagsalita't tinapik ng aking pinsang si Brenda ang likod ko na naging dahilan ng aking pagbalikwas.
"Ha? A, manghihiram sana ako ng batya kaya sinisilip ko kung sinong tao."
Sumilip ulit ako sa bintana upang tingnan sina Liza ngunit. . . wala na 'yong batang babae. Ang manikang hawak niya ay nasa lapag na't magkahiwalay ang ulo nito't katawan.
Nakita ko na lang na nasa loob na pala si Brenda at kinuha ang batyang hinihiram ko. Lumabas din agad ito at iniabot sa akin ang batya.
Habang papauwi ay iniisip ko pa rin ang sinabi ng batang si Liza at iniisip ko rin kung sino 'yong batang kalaro niya dahil wala namang ibang bata sa bahay na iyon bukod kay Liza.
Nang makauwi ako ay hindi pa rin ako mapakali. Agad kong tinext si Brenda para i-kuwento ang mga narinig at nakita ko.
Mga ilang minuto lang ay dumating na rin siya at agad kong ikinuwento 'yong pangyayari.
"Ano ka ba? Wala naman ibang bata roon. Ano na naman 'yong mga nakikita mo?" Pinagtawanan lang ako ni Brenda.
"Pero seryoso, may nakita nga akong batang kalaro ng pamangkin mo. Nakasando tapos kulot ang buhok na lagpas sa balikat," pag-lalarawan ko sa aking pinsan habang idinidiin ang kapit sa kaniyang mga balikat.
"Sabi ko naman sa iyo, tigilan mo na 'yong kaka-katol mo," pang-aasar pa nito at sabay inalis ang aking pagkakakapit sa kaniya.
"Seryoso nga ako, tinanong pa ni Liza kung bakit daw ba papatayin ka, tas pagtingin ko putol na 'yong ulo ng manika," pangungumbinse ko rito.
Bigla lang siyang natahimik at hindi na ako pinag-tawanan.
Nagsimula na siyang mag-kuwento sa mga kakaibang ikinikilos daw ni Liza kapag dalawa lang sila sa bahay na iyon tuwing pinababantayan sa kaniya ang pamangkin.
"Hindi ko nga rin alam, e. Kapag dalawa na lang kami sa bahay, sa umpisa ang kulit-kulit at maharot. Pero sa tuwing matutulog kami ng tanghali, pag-gising ko ay gising na siya."
"Tila ba may kalaro. Kinakausap niya ang kaniyang sarili. Pinababayaan ko na lang kasi bata, e," seryosong pagpapabatid ni Brenda.
"Minsan tinanong ako ng batang iyon kung paano ko raw ba gustong mamatay. Hindi ko alam ang magiging reaksiyon ko," dagdag pa nito.
"Takot na takot ako noon pero bigla niya akong niyakap at sinabing huwag daw agad akong mamamatay kasi iiyak siya. Ang weird hindi ba? Hindi ko na lang ikinuwento sa mommy niya dahil baka isipin pa na kung ano-ano ang itinuturo ko sa anak niya."
"Minsan nga parang ayaw ko nang bantayan ang batang 'yon, pero sayang naman kasi 'yong binibigay ng mommy niya. Dagdag din 'yon sa allowance ko. One time pa, sabi niya sa akin—Alam mo, gustong-gusto kitang patayin habang tulog, kaso magagalit si mommy.—Gabi pa niya sa akin sinabi 'yon kaya takot na takot ako," dagdag ni Brenda.
Habang nagkukuwento si Brenda ay sobrang kinikilabutan ako. Hindi ako makapaniwala sa aking mga naririnig mula sa kaniya. Hindi ko alam kung niloloko lang ba ako ng pinsan ko o talagang totoo 'yong mga sinabi niya sa akin.