Dalawampu't dalawa

7.9K 157 57
                                    

"Ay mommy, si Lily po pala naiwan ko sa kotse." Naalala bigla ni Pong ang alaga nilang aso. Sa sobrang excitement siguro nila ay nalimutan nila ito. Natutulog kasi ang cute na chiuaua noong makarating sila doon.

"Ako na, tapusin mo yang kinakain mo," utos ni Marco habang nagpupunas ng bibig. Katatapos lang niyang kumain. Tumayo ito agad at iniangat ang ginamit na plato upang ilagay sa lababo. Pagkatapos noon ay nagtungo siya sa sasakyan na nasa tapat lang ng kanilang bahay upang puntahan ang alagang aso.

"Kamusta na po kayo ma?" pangangamusta ni Shiela sa kanyang biyenan.

"Ayos lang. Ito, pilit na kinakaya yung mga nangyayari. Hindi ko na alam," napabuntong-hininga na lamang si Aling Norma.

"Huwag na po kayong masyadong mag-isip, mahuhuli din naman ang gumawa nito kay Brenda," pagpapalubag-loob ni Shiela sa ginang.

"Hindi lang naman iyon ang iniisip ko eh. Simula nitong linggo, ang daming nangyari. Nag-aalala ako para sa kapatid ninyo," nag-aalalang simula ni Aling Norma.

"Sino po ba?" pagtataka ni Shiela.

"Si Miguel kasi, simula nitong nag-birthday siya ay kung anu-ano na ang pinagsasasabi. Nabanggit ko na din ito kay Faye, maging siya ay nababahala," kuwento pa ng ginang. Pabulong lang niya itong sinasabi dahil baka marinig ng panganay niyang anak at magkasagutan na naman sila. Madalas kasi silang magbangayan sa tuwing magsasalita ng masama si Marco sa kapatid. Si Aling Norma ang 'tila tagapagtanggol ni Miguel.

"Pasensya na po pala sa inasal ni Marco kanina. Alam niyo naman po ang isang iyon," sabay tingin kay Marco na noong mga oras na iyon ay papasok na ng kanilang bahay.

"Lily!" sigaw ni Pong at ni Xyrylle.

"Oh. Tapusin niyo na yang kinakain niyo," saway ni Marco habang hawak ang kumakahol na si Lily.

Huminto sa pag-uusap sina Aling Norma at Shiela, ayaw nilang marinig sila ni Marco.

"Napakagandang aso," pag-iiba ng usapan ni Aling Norma.

"Ah, si Lily pala ma. Mag-iisang taon pa lang namin siyang alaga." Sumakay na lang si Shiela, tingin pa lang ng kanyang biyenan ay nakuha na niya ang gusto nitong ipaalam.

"Alam niyo ba na sobrang mahilig sa aso ang lolo niyo, anak kung ituring niya ang mga alaga naming aso noon," kuwento ni Aling Norma sa dalawang apo.

"Kaya kayo, alagaan niyong mabuti iyang si Lily para matuwa sa inyo ang lolo," patuloy pa niya.

"Opo lola. Love na love kaya namin si Lily, diba ma?" tugon ni Pong. Tumango lang ang nakangiting si Shiela. Maya-maya ay biglang tumayo si Xyrylle. Nakatingin lang sa kanya ang lahat. Hinihintay kung magkukusa ba itong ligpitin ang platong ginamit. Sila Marco kasi noon ay maagang tinuruan ni Aling Norma na iligpit ang pinagkainan pagkatapos.

Nang mapansin ni Marco na papunta si Xyrylle sa sala at walang balak na iligpit ang pinagkainan ay sinita niya ito kaagad.

"Xyrylle! Anong gagawin mo sa plato pagkatapos kumain?" bulyaw ni Marco. Lumingon lang si Xyrylle at parang walang naintindihan.

"Isa! Hindi ba big girl ka na? Dapat alam mo na ang gagawin diyan," patuloy pa niya. Tumayo naman ang bata at agad na kinuha ang plato sa lamesa. Pero imbes na idiretso sa lababo ay pumunta ito sa kanyang ina at iniabot ang platong ginamit.

"Oh? Anong gagawin ko dito?" pagtataka ni Shiela, umiinom pa siya ng kape kaya't inilapag muna niya ang tasa saka inabot ang plato na ibinigay ng bunsong anak.

"Di ba big girl ka na? Mommy ka na nga eh? Dapat alam mo na ang gagawin diyan." nakakalokong saad ni Xyrylle. Imbes na magalit ay natawa na lang si Shiela. Pero ikinagalit iyon ni Marco.

THE PLAYMATETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon