"Sige po. Salamat," sabay baba ng telepono. Tapos na silang mag-usap.
"Anong sabi?" tanong ko kay Isay.
"Pumayag. Mamaya daw hapon siya pupunta." sagot niya. Natuwa ako sa nalaman. Sa wakas ay matutuldukan ko na ang lahat ng ito. Magkakaroon na din ng kasagutan ang aking mga tanong.
"Teka. Saan pupunta yung ate mo?" tanong ko kay Isay habang tinatanaw si Ate Dan. Napansin ko kasi na umasim ang timpla ng mukha nito noong magkasagutan silang magkapatid. Not actually sagutan na parang nag-aaway, pero mukhang tinamaan ito sa sinabi ni Isay. Medyo na-curious tuloy ako at parang gusto kong malaman ang nangyari noon.
"Hayaan mo siya. Ganyan talaga yan, laging may S." Napailing na lang si Isay.
"S? Anong S?" tanong ko sa kanya. Hindi ko kasi alam ang ibig sabihin nun.
"Sumpong. Madalas yang ganyan, iniintindi ko na lang."
"Ano bang nangyari, bakit parang galit na galit siya dun sa ninong niya?" pag-uusisa ko. Hindi naman sa tsismoso pero siguro likas na sa akin ang matanong. Isa pa, gusto ko din na humaba ang oras na ilalagi ko sa bahay nina Isay para mas makasama ko pa siya nang matagal. Natigilan bigla si Isay at parang nag-iisip kung ano ang susunod na sasabihin. Marahil ay hindi niya gustong pag-usapan ang bagay na iyon. Hindi na ako umasang sasagutin pa niya ang tanong ko.
"Si Tita Sweet kasi ang sinisisi niya kung bakit naging ganyan ang buhay niya," mahinahong tugon ni Isay. Medyo nakakagulat dahil sinagot niya ako, halata naman kasing ayaw niyang magkuwento tungkol doon.
"Bakit naman?" muli kong tanong kay Isay.
***
Nakarinig ng malalakas na katok sa pinto si Andres o mas kilala bilang Tita Sweet sa mga malalapit na kaibigan
"Sino yan? Saglit lang," tanong ni Sweet. Kakatapos lang niyang maligo kaya't nakatapis pa siyang lumabas sa banyo upang pagbuksan ang taong kumakatok sa kanilang pinto.
Hindi pa din ito tumitigil sa pagkatok.
"Ito na nga! Excited? Nakakaloka, sinabi nang saglit lang eh." Nagmamadali siyang lumapit sa pinto at binuksan ito. Laking-gulat niya nang makita ang inaanak na si Dan habang umiiyak at 'tila wala sa sarili.
"Anong nangyari sa iyo? Bakit ka umiiyak?" nag-aalalang tanong ng matandang bakla.
"Ninong, may problema ako," hagulgol ni Dan. Napayakap siya sa kanyang ninong.
"Ano iyon? Halika dito sa loob. Nakakaloka kang bata ka, dis-oras na ng gabi." Pinapasok niya ang umiiyak na si Dan sabay sarado ng pinto.
"Ano ba ang dahilan ng pag-iyak mo?" muli niyang tanong sa dalaga.
"Ninong—" hindi niya masabi ang gustong sabihin. Pero para kay Dan ay ang kanyang ninong lang ang makakaintindi sa pinagdaraanan niya ngayon. Hindi niya magawang magsabi sa kanyang mga magulang. Punong-puno siya ng takot. Isa pa, parang pangalawang magulang na niya ito dahil si Sweet ang madalas na mag-alaga sa kanya noong bata.
"Ano ba iyon? Sabihin mo ang gusto mong sabihin, handa akong making," pagpapalubag ng loob ni Sweet sa kanyang inaanak.
"Kasi—Mag-promise ka na hindi mo sasabihin kina mama," atungal di Dan. Hinawakan nito ang kamay ni Sweet at tinitigan sa mata.
"Sige, I promise. Ano ba kasi iyon?" pilit pa ni Sweet. Panandaliang tumahimik si Dan na para bang humuhugot ng lakas ng loob.
"Ninong, buntis po ako." Mas lalo siyang napaiyak nang sabihin iyon. Sobrang hirap ng pinagdaraanan niya, lalo na noong wala siyang mapagsabihan.