"Sige po Tita Sweet, balik na lang kami siguro nina Mama dito," pagpapaalam ni Isay.
"Sige hija, matagal na panahon ko na ding hindi nakakausap ang Mama mo. Ang ate mo? Siguro naman, sa tagal ng panahon ay napatawad na niya ako?" malungkot na tanong ni Tita Sweet.
"Ah—eh—, sige po sabihan ko," nauutal na tugon ni Isay. Ayaw niyang sabihin dito na hanggang ngayon ay hindi pa din siya napapatawad ni Ate Dan.
"Kung kailangan ninyo ng tulong ko sa pagpapaliwanag sa nanay ni Liza, handa akong tumulong. Baka sakaling sa akin ay maniwala siya." saad ni Tita Sweet.
Tuluyan na kaming nagpaalam ni Isay kay Tita Sweet. Hindi man lahat ng katanungan namin ay nasagot, kuntento na kami sa aming mga nalaman. Ako na siguro ang bahalang tumuklas kung paano ko mapipigilan ang nais ng mga demonyong iyon.
Habang nasa biyahe pauwi ay parehas kaming tahimik ni Isay. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa kanyang isipan.
"Okay ka lang ba?" tanong ko sa kanya. Umiling lang siya.
"Bakit? Anong gumugulo sa isip mo?" tanong ko sa kanyang muli. Panandalian siyang tumahimik.
"Mamamatay din ba ako gaya nina Brenda?" Para na siyang iiyak, yun pala ang kanina pa bumabagabag sa kanyang isip. Niyakap ko siya at isinandal ang ulo sa aking dibdib. Ito lang ang magagawa ko para kahit papaano ay mabawasan ang kanyang pag-iisip.
"Hindi. Hindi ako papayag. Gagawin ko ang lahat para hindi ka madamay dito," tugon ko sa kanya.
"Galit na galit siya sa akin. Ramdam na ramdam ko yun sa boses niya. Ayaw ko pang mamatay Migs."
"Huwag mong isipin yun, magtiwala ka lang sa akin." pagpapalubag loob ko sa kanya.
Una kong inihatid si Isay sa kanilang bahay. Naka-idlip pala siya habang nakasandal sa akin. Ginising ko na lang siya noong nandoon na kami sa kanilang tapat.
"Nandito na tayo sa bahay ninyo." Pag-gising ko kay Isay. Kaagad siyang bumaba at nagpaalam. Bababa pa sana ako para ihatid siya pero pinigilan niya ako. Anong oras na din kasi iyon, baka hinahanap na daw ako nina Mama. Hindi na ako bumaba at itinuro na lang sa driver yung daan papunta sa lugar namin.
Nang makarating ang sinasakyan kong taxi sa aming lugar ay nagpahatid na ako mismo sa tapat ng aming bahay, medyo pagod na din kasi ako kaya tinatamad na akong maglakad. Medyo nagulat ako dahil may sasakyan ng pulis sa tapat ng bahay nina Ate Divine.
Ano na naman ba ang nangyayari? Kinakabahan tuloy ako. Inisip ko na lang baka may lead na sa kaso ni Brenda.
Kaagad akong nagbayad sa driver, sinilip ko pa ang bahay nina Ate Divine ngunit nakasara ito. Pagpasok ko ng bahay ay nakita ko silang lahat na nandoon. Naglalaro sina Pong, Xy at Liza sa lapag. Habang sina Ate Faye, Kuya Marc, Mama, Ate Shiela at Ate Divine ay nag-uusap kaharap ang tatlong pulis. Noong maramdaman nila ang aking presensya ay halos sabay-sabay silang nagsilingunan.
Unang lumapit sa akin si Mama na umiiyak at kaagad akong niyakap. Nakita ko ang malungkot na mukha nina Ate Faye at Ate Shiela, habang sina Kuya at Ate Divine ay hindi ko mawari dahil parang may galit silang nararamdaman sa akin.
Lumapit sa akin ang dalawang pulis at kaagad ikinulong ang aking mga kamay sa bakal na posas. Halos lumuwa ang aking mga mata sa pagkabigla. Bakit nila ginagawa sa akin ito? Bakit nila ako pinosasan?
"Ano pong nangyayari?" pagtataka ko.
"Sir, sumama na lang po kayo sa amin sa presinto at doon kayo magpaliwanag." matigas na saad ng isang bigotilyong pulis.
"Ha? Anong ginawa ko? Ma, Ate Faye, anong nangyayari?" nagtataka kong tanong.
Puwersahan akong isinasama ng mga pulis papunta sa kanilang sasakyan pero nanlalaban ako.