Tatlumpu't tatlo

6.5K 126 13
                                    

Lingid sa kaalaman nila ay narinig ng mga bata ang lahat ng kanilang pag-uusap. Nagtatago ang mga ito sa isang lugar kung saan maaari nitong marinig ang usapan sa ibaba.

"Hala! Narinig mo yung sinabi nung lalaking may kulay sa mukha? Kukunin daw ng demonyo yung katawan mo! Hala ka!" pananakot ni Xyrylle kay Liza.

"Hindi totoo yan!" Paiyak na si Liza dahil sa mga sinasabi ni Xyrylle sa kanya.

"Shhh. Huwag nga kayong maingay! Baka marinig nila tayo. Malaman pa nilang nakikinig tayo sa usapan ng matatanda," saway ni Pong sa dalawa. Tinakpan niya ang bibig ng kapatid kaya't nagpumiglas ito na gumawa naman ng ingay.

Kaagad na nagtakbuhan sa kuwarto ang tatlo at umarteng parang walang alam sa nangyayari. Nang umakyat si Divine ay naglalaro na ang mga ito at may kanya-kanyang mundo.

Nagpaalam na si Tita Sweet dahil marami pa itong aasikasuhin sa burol ng kanyang pamangkin. Isiningit lang niya ang pagpunta kina Faye dahil sa kagustuhang matulungan ang pamilya ni Miguel.

"Salamat po sa oras at sa kabutihang loob." Iniaabot niya ang kanyang kanang kamay para sana kamayan si Tita Sweet ngunit bigla siya nitong niyakap. Kahit papaano ay nabawasan ang bigat na nararamdaman niya nang dahil sa yakap na iyon.

Sa kanto kung saan dumaraan ang mga sasakyan ay naghiwalay na sina Faye, Isay at Tita Sweet. Pinasakay muna nila ng taxi ang matanda at saka magkasamang nagtungo ng ospital sina Isay at Faye upang kumustahin ang kalagayan ni Aling Norma.

Wala pang limang minutong nakakasakay si Tita Sweet ay sumakay na din kaagad ang dalawa.

Tahimik sa loob ng sasakyan. Walang kang ibang maririnig kung hindi minsanang pag-ubo ng drayber.

"Hindi ko alam kung paniniwalaan ko ba si Tita Sweet, Ate Faye," saad ni Isay habang nasa loob ng taxi.

"Ako man. Hangga't hindi ko pa nakakausap si Miguel, hindi ko kayang paniwalaan ang mga sinabi niya." Sumandal siya sa salamin ng taxi at itinuon ang paningin sa labas.

Habang nasa gitna ng biyahe ay biglang nawalan ng kontrol ang drayber ng sinasakyan nilang taxi. Kinabahan si Isay dahil muntik na silang bumunggo sa isang poste, buti ay nakarekober ang drayber at kaagad na huminto. Mas lalo na ang pangamba ni Faye dahil sa dinadala niyang bata. Hindi niya kayang mawala ito dahil ang batang iyon ang tanging ala-ala na maiiwan ni Max sa kanya.

Ang kaba ay biglang napalitan ng galit. Muntik na silang maaksidente nang dahil sa kapabayaan ng drayber.

Nakatulala lamang ang drayber, habang sina Isay at Faye naman ay hinahabol ang paghinga.

"Ano ba naman yan? Bakit hindi kayo nag-iingat? Lasing po ba kayo." Galit na sigaw ni Faye.

"Nakita ninyo ba iyon?" nakatulala pa ring tanong ng drayber.

"Ang alin ho?" Mahinahon pa din si Isay kahit na muntik na silang mamatay.

"May bata yata akong nasagasaan," kinakabahang paglalahad ng drayber. Hindi siya sigurado ngunit may batang tumawid sa kanyang harapan kung kaya't napithit niya nang biglaan ang manibela.

Walang ano-ano ay biglang may sumalpok na truck sa taxi kung saan sila nakasakay. Nagulat ang lahat ng tao na nandoon. Nagkagulo at kaagad nilang nilapitan ang durog na sinasakyan nina Faye. Dead on the spot ang drayber dahil wasak ang harapang bahagi ng sasakyan. Habang sina Isay at Faye naman ay kaagad na isinugod sa ospital dahil sa mga matitinding sugat na tinamo.

Halos wala nang buhay si Faye habang nasa ambulansya. Walang kaalam-alam ang lahat sa kanilang sinapit.

***

THE PLAYMATETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon