Nang mapansin ni Divine na madaming tao ang nagkakagulo sa harapan ng kanyang bahay ay agad na bumaba ito sa sinasakyang taxi karga ang kanina pang tulog na si Liza.
"Ano po ang nangyayari? Bakit may mga pulis dito?" natatarantang tanong ni Divine sa mga kapitbahay. Naisip niya nung una na baka nanakawan sila, palinga-linga siya at hinahanap ang kasama sa bahay na si Brenda.
"Divine, si Brenda!" bulalas ni Celso, isa sa mga kapitbahay nila na kanina pa nandoon.
"Bakit? Anong nangyari kay Brenda? Nasaan siya?" magkakasunod na usisa ni Divine.
"Patay na ang pinsan mo, Divine. Nakita ang bangkay niya na naliligo sa sarili nitong dugo kaya sapantaha ng nakararami ay pinatay siya," sabat naman ni Mang Mundoy, isa sa mga nakatatanda sa kanilang lugar.
"Ha? Paano nangyari iyon? Ang sabi niya sa akin ay may pasok siya ngayong araw," aniya sa mga kaharap habang naluluha.
"Hindi namin alam, ang pinsan niyang si Miguel ang unang nakakita sa bangkay. Siguro ay siya ang nararapat mong kausapin. Nakikiramay nga pala kami sa iyo," pakikiramay ni Mang Mundoy sabay yuko at saka umalis.
Pumasok si Brenda sa kanyang bahay at doon tumambad sa kanya ang sariwa pang dugo sa sofa. Nandoon ang iilang mga pulis na naiwan para kapanayamin siya.
"Kayo po ba si Mrs. Divine Catubay?" salubong sa kanya ng isa sa mga naka-unipormeng pulis.
"Oo, ako nga," tugon niya dito.
"Ako po si SPO1 Alvin Somido, maaari ko po ba kayong makausap sandali?" magalang na tanong nito kay Divine.
"Sige, saglit lang at ilalapag ko muna itong anak ko sa kama," paalam niya sabay pasok sa kanilang kuwarto, saglit lang ay lumabas na din ito.
"Pasensiya na kayo misis kung pumasok na po kami ng walang pahintulot galing sa inyo, nagpaalam po kami kay Ms. Faye, ang sabi niya sa amin ay okay lang daw at siya na ang bahalang magpaliwanag sa inyo," mahinahong pahayag ng pulis.
"Ah, ayos lang sa akin yun. May alam na ho ba kayo kung sino ang gumawa nito?" tanong ni Divine.
"Wala pa misis, pero ginagawa na po namin ang lahat para mapabilis ang paghuli sa criminal," paniniguro sa kanya ng pulis.
"Salamat naman kung ganun, hindi pa din ako makapaniwala." Hindi na napigilan ni Divine ang pagluha dahil sa sobrang galing makisama nitong si Brenda, wala siyang masamang masasabi sa dalagang nag-aaruga sa kanyang anak tuwing siya ay pumapasok ng trabaho. Kahit na madalas niya itong mapagsabihan ay hindi nito nagawang sumagot sa kanya.
"Matanong ko lang kayo misis, wala po ba kayong kakilala na nakaalitan o nakasamaan niya ng loob?" usisa pa ng pulis.
Nag-isip sandali si Divine kung mayroon ba itong nakaalitan, ngunit sa pagkakaalam niya ay napakabait nitong bata at ni minsan ay hindi ito nasangkot sa anumang gulo.
"Wala naman, halos lahat naman ng kapitbahay namin ay kasundo niya. Masiyahing bata si Brenda kaya imposible na magkaroon siya ng kaaway," paliwanag ni Divine.
"Ang narinig ko ay pinag-aaral niyo daw po itong bata? Tama po ba misis?" Muling tanong nito sa kanya.
"Ay naku hindi naman ako ang mismong nagpapaaral sa kanya, pinapadalhan pa din siya ng kanyang mga magulang na nasa probinsya."
"Inaabutan ko lang siya ng maliit na halaga bilang siya ang madalas na nag-aalaga sa aking anak. Napansin ko kasi na madalas kulang ang pera na pinapadala sa kanya ng mga magulang niya," paglalahad ni Divine.
"Si Miguel, 'yung batang nakakita sa bangkay ng biktima, malapit ba sila sa isa't-isa bilang magpinsan?" patuloy ang pag-uusisa ni SPO1 Somido.
"Oo, sobrang close ang dalawang iyon. Katunayan ay iisa ang eskuwelahang kanilang pinapasukan," sagot niya dito.