Tatlumpu't isa

6.4K 139 23
                                    

Kinaumagahan, kaagad na nabasa ni Isay ang mensahe na ipinadala sa kanya ni Faye. Hindi siya mapakali kaya't humingi siya ng tulong kay Tita Sweet. Mas gusto niya na ito na lang ang magpaliwanag sa mga nangyayari. Dahil ayaw ni Isay na malaman pa ng kanyang pamilya ang mga nangyayari ay napagdesisyunan niyang sila na lang ang pupunta sa bahay nina Miguel. Isa pa, hindi niya alam ang mangyayari kapag nagkaharap sina Tita Sweet at Dan.

Hindi naman nagawang tanggihan ni Tita Sweet ang kanyang anak-anakan dahil nangako siya na kung kakailanganin nila ang tulong nito ay handa niya itong ibigay.

Samantala, dahil hindi kaagad nakatulog si Faye ay tanghali na siya nang magising. Bigla niyang naalala ang kapatid na si Miguel. Aasikasuhin pa pala niya ang pagkuha ng abogado nito at makikipagkita pa siya kay Isay upang alamin ang pagkatao ng sinasabi ni Liza na si Sarah.

Dali-dali siyang bumangon at nag-asikaso ng susuutin. Pagbaba niya ay gising na ang lahat. Si Aling Norma ay nasa kusina at naghahanda ng pananghalian.

"Oh. Uminom ka na muna ng kape," bati sa kanya ng ina nang mapansin na nagmamadali siyang pumunta ng banyo.

Hindi na niya ito pinansin. Dire-diretso siya sa banyo at para bang hindi napansin ang sinabi ng ina.

Pagkatapos niyang maligo ay napansin niyang wala si Marco at ang mga pamangkin sa sala. Si Aling Norma at Shiela lang ang naiwan doon.

"Nasaan ang mga bata?" tanong niya kay Shiela na noong mga oras na iyon ay katatapos lang din maligo.

"Nandoon kina Divine, natatakot kasi siyang maiwan na silang dalawa lang kaya pinapunta ko na muna ang mga bata doon. Nagpaalam ang kuya mo na doon na lang din muna upang bantayan sina Pong," sagot ni Shiela nang hindi nakatingin kay Faye. Nasa harapan ito ng salamin habang nagsusuklay.

"Ah ganun ba," tugon naman ni Faye na nagpupunas ng basa pa niyang buhok.

"Isa pa, aalis din tayo di ba?" Nilingon ni Shiela si Faye.

"Oo. Pasensya na nga pala at na-late ako ng gising." Lumapit ito sa salamin at nagsuklay rin.

"Ayos lang. Alam ko naman na hindi madali ang pinagdadaanan mo." Napansin ni Shiela na namamaga ang mga mata ni Faye, senyales na halos buong magdamag itong umiyak.

"Ano nga pala ang sabi ng kaibigan ni Miguel? Hindi pa ba sumasagot sa text mo?" Isa-isang inayos ni Shiela ang mga CD na nakakalat sa lamesa.

"Ay, oo nga pala. Saglit Ate Shiela, kukunin ko lang ang telepono ko sa itaas," paalam niya.

Tumatakbong umakyat ng hagdan si Faye at walang sinayang na oras. Pagbaba niya ay kaagad niyang binasa ang reply ni Isay.

"Siya na lang daw ang pupunta dito." Medyo hinihingal pa siya dahil sa pag-akyat at pagbaba ng hagdan. Hawak-hawak niya ang cellphone at binabasa.

"Hindi ba nakakahiya? Tayo ang may kailangan tapos siya pa ang pupunta dito?" Tumayo ito at inilagay sa taas ng TV ang remote na nakuha niya sa ilalim ng lamesita.

"Kaya nga e. Kaso nasa biyahe na daw siya papunta dito. May kasama daw siya." Tinulungan na din ni Faye sa pagliligpit si Shiela.

"Sino?" Bigla itong napahinto sa pagliligpit at napatingin kay Faye.

"Kilala daw ni Miguel. Iyon daw ang magpapaliwanag ng lahat," kibit-balikat niyang sagot.

"Okay, sige. Sabihan ko na lang si Mama na dagdagan ang niluluto para sa mga bisita mamaya." Pagkatapos noon ay nagpunta na si Shiela sa kusina at naiwang mag-isa si Faye sa sala.

Hindi pa man nagtatagal ay galit na galit na sumulpot si Marco.

"Ngayon ninyo sabihin sa akin na walang ginagawang masama yang kapatid mo!" Kaagad na bulyaw nito. Narinig naman iyon nina Aling Norma at Shiela kaya't napasugod sila sa sala.

THE PLAYMATETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon