Nagmamadaling maglakad si Isay patungo sa terminal ng tricycle, mahuhuli na kasi siya sa pangalawang klase na papasukan niya. Hindi na siya nakapasok sa kanyang unang klase dahil pag-uwi niya ng kanilang bahay ay wala pa ang ate na si Dan. Kinailangan muna niyang mag-saing at magluto ng ulam na kakainin ng kaniyang mga magulang pag-uwi nito galing sa pagtitinda ng gulay.
Ang pagtitinda ng gulay sa maliit na palengke ng kanilang bayan ay ang siyang ikinabubuhay ng pamilya ni Isay, ngunit hindi ito sapat upang mapag-aral siya ng kanyang mga magulang sa kolehiyo. Kaya nagtatrabaho siya bilang isang service crew sa isa sa mga sikat na fast food chain dito sa bansa para suportahan ang sarili. Dalawang taon na lang naman ay magtatapos na siya, dalawang taon na lang ang hihintayin niya upang makaahon ang kanyang pamilya sa kahirapan.
Habang naglalakad ay biglang may malamig na hangin ang dumapo sa katawan ni Isay, nagsitayuan ang kaniyang balahibo at sa hindi malamang dahilan ay nakaramdam siya ng kaba. Maya-maya pa ay narinig niya ang aso ng kanilang kapitbahay na umaalulong, nagsimula na siyang matakot kaya mas binilisan pa niya ang paglalakad. Pero sa bawat bahay na daraanan niya ay kataka-takang umaalulong ang mga aso dito. Sa buong buhay niya ay ngayon lang siya natakot ng ganito, nakadagdag pa ang madilim na kalsadang kaniyang dinaraanan.
Sa wakas ay nakarating na din siya sa terminal ng tricycle, mag-a-alas-otso na ng gabi pero ngayon pa lang siya makakasakay. Kanina pa niya tinitext ang kaibigang si Brenda pero hindi ito sumasagot, gusto kasi niyang malaman kung nagkaroon ba ng pagsusulit sa kanilang unang klase. Pagkasakay niya ng tricycle ay biglang tumunog ang kaniyang cellphone kaya agad niya itong kinuha sa bulsa, medyo nahihirapan pa siya sa pagkuha dahil may kasikipan sa loob ng tricycle pero pinilit niya itong makuha sa pag-aakalang mensahe ni Brenda ang kanyang natanggap.
"Sorry na hon. Promise, hindi ko ginusto 'yung nangyari."
Isang mensahe galing sa kanyang ex-boyfriend na si Ron, nagsalubong ang mga kilay ni Isay dahil sa nabasa. Agad niyang binura ang mensahe ng binata, muntik pa niyang maibato ang cellphone kung hindi lang niya napigilan ang sarili. Nagsimula nang umandar ang sinasakyan na tricycle, galit niyang ibinulsa ang lumang cellphone at tumingin sa kawalan. Hanggang ngayon ay galit pa din siya sa dating kasintahan. Si Ron ang kauna-unahan niyang naging nobyo, masuwerte ito dahil sa dinami-dami ng manliligaw ni Isay ay ditto niya ibinigay ang matamis niyang oo.
Nakatulala lang si Isay at pinagmamasdan ang bawat madadaanan, nang biglang huminto ang sinasakyan dahil bababa ang isa sa mga sakay nito. Natuon ang kanyang pansin 'di kalayuan sa hinintuan ng tricycle dahil sa pamilyar na mukha. Nakita niya ang kaibigang si Brenda na naglalakad papasok sa isang madilim na eskinita. Noong una ay hindi pa siya sigurado dahil may kalayuan ito at nakatalikod pa sa kanya si Brenda, pero bago tuluyang pumasok sa eskinita ay lumingon pa ito sa kanya at nagkatitigan pa sila. Walang duda na si Brenda nga iyon, pero ano ang ginagawa niya sa lugar na iyon? Inaasahan pa naman ni Isay na nasa paaralan ang kaibigan at hinihintay siya. Inisip na lang niya na baka ibang tao iyon at kahawig lang ni Brenda.
Paghinto ng sinasakyan sa entrada ng kanilang paaralan ay agad siyang bumaba at nagbayad ng pamasahe. Dali-dali niyang tinungo ang silid-aralan at naabutan niyang nagsisimula na ang kanilang klase.
"Sorry ma'am," nakayuko niyang bati sa matandang guro.
Lumingon ito sa kanya at bahagyang ibinaba ang suot na salamin, tumango lang ito tanda ng pagbati at pagsabi na umupo na sa kanyang silya. Dumiretso siya sa kanyang upuan habang hinihingal pa dahil sa pag-akyat ng hagdanan. Tiningnan niya ang silya na inuupuan ni Brenda ngunit bakante ito, mas lalong naguluhan si Isay dahil doon. Maaari kayang si Brenda nga ang nakita niya bago pumasok? Hindi siguro.
Habang nagkaklase sila ay hindi mapakali si Isay, gustong-gusto na niyang matapos ang klase dahil hindi niya mawari ang nararamdaman. Nag-aalala siya para sa kaibigang si Brenda. Napansin ng kanilang guro na si Mrs. Santos na hindi siya pinapakinggan ni Isay kaya't nag-init ang kanyang ulo.
"Ms. Limpin! Can you define the meaning of Economics?" bulyaw nito, pero walang reaksyon mula kay Isay. Hindi niya naririnig ang sigaw ng guro. Ang buong klase ay nakatingin na sa kanya.
"Ms. Isabela Limpin!" muling singhal nito ngunit wala pa din sa sarili si Isay kaya't hindi niya naririnig ang guro. Siniko siya ng katabing si Dorene para sabihing kanina pa siya tinatawag ng kanilang guro. Napatingin naman kaagad siya sa katabi at tinanong kung bakit siya siniko nito.
"Si ma'am, kanina ka pa tinatawag," bulong nito kay Isay. Para namang nagising sa pagkakatulog si Isay at agad na tumingin sa kinaroroonan ng kanilang guro.
"Yes ma'am?" natataranta niyang tanong.
"Nakikinig ka ba sa discussion?" mataray na tanong ni Mrs. Santos.
Hindi siya nakasagot.
"Late ka na nga, hindi ka pa nakikinig. Aba, mahiya ka naman sa mga magulang mo na nagpapaaral sa iyo," pangaral nito sa kanya, gustuhin man niyang mangatwiran ay hindi na niya ginawa dahil alam niya ang kaniyang pagkakamali. Minabuti na lang niyang manahimik at tanggapin ang lahat ng mga sasabihin ng masungit na guro.
"Sa susunod, kung may problema ka sa bahay ninyo ay huwag mong dadalhin dito sa paaralan," patuloy pa nito.
"Ma'am, sorry po," nakayuko niyang tugon sa mga sinabi ng guro.
Narinig niya ang mga kaklase na naghahagikgikan. Pero binalewala na lang niya iyon kahit na parang gusto nang sumabog ng kaniyang ulo sa sobrang kahihiyan. Nang matapos ang kanilang klase ay agad niyang tinawagan si Miguel upang ipaalam dito na hindi pumasok si Brenda. Alam kasi niya na hinahanap din ito ni Miguel.
"Hello? He... Isa..." sagot ng nasa kabilang linya, pero nagpuputol-putol ang signal nito.
"Hello! Miguel," medyo may pagka-malakas niyang tugon sa kaibigan dahil mahina ang signal.
"He..." Sagot muli nito, walang anu-ano ay bigla na lang siyang may narinig na napakatinis na tunog.
"Ahh." Biglang layo niya ng cellphone sa kanyang tainga dahil ang tunog na iyon ay sobrang sakit sa pandinig. Maya-maya ay may natanggap siyang tawag mula kay Miguel.
"Hello, Miguel. Nasaan ka?" bungad ni Isay. Pero walang sumasagot mula sa kabilang linya.
"Hello."
"Hello."
"Bakit hindi ka nagsasalita?" tanong niya sa kausap.
"Mamamatay ka," bulong ng hindi kakilalang boses.
"Ha? Ano 'yun? Miguel," muli niyang tanong dahil hindi niya maintindihan ang sinasabi nito.
"Mamamatay ka." Ngayon ay mas malakas ang boses ng nasa kabilang linya kaya dinig na dinig niya ang mga katagang binitiwan nito. Nakapangingilabot ang boses na iyon. Dahil sa takot ay naihagis niya nang hindi sinasadya ang kaniyang hawak na cellphone. Natulala siya dahil isang pagbabanta ang kanyang natanggap mula sa hindi kilalang tao.