Anim

18.6K 333 38
                                    

Hinang-hina ako at hinihingal. Hindi ko alam kong namamaligno ba ako o nababaliw.

Umupo ako pero ‘di ko pa rin magawang magsalita. Pinilit kong kumain kahit na wala akong gana. Sa lahat ng mga sinasabi ni Mama ay kakaunti lang ang pumapasok sa aking pandinig at ilan lang din ang mga naintindihan ko. Hanggang ngayon ay blanko pa rin ang aking pag-iisip. Rumirehistro pa rin ‘yong batang walang mukha na nakita ko sa aking kuwarto.

Habang kumakain ay ramdam ko pa rin ang takot, sobrang pinagpapawisan ako. Umiikot ang aking paningin, pumikit-pikit ako't sabay hahawak sa aking ulo.

Para itong pinupukpok ng martilyo sa sobrang sakit---nang biglang may marinig akong iba’t-ibang mga boses.

Pakiramdam ko ay nagsasalita sila sa mismong tabi ng aking tainga. Mas lalong tumindi ang sakit ng aking ulo.

"Anong nangyayari sa iyo?" tanong ni Mama nang mapansin niyang tumigil ako sa pagkain at nakahawak ako sa aking ulo.

Hindi ko pinapansin at pinipilit kong mawala ang mga boses na aking naririnig. Hindi ko maintindihan ang mga sinasabi nila dahil sa sobrang dami at sabay-sabay pa sila na nagsasalita.

Hindi ko na matiis kaya't hindi ko napigilan ang aking sarili na sumigaw. "Ahh! Tigilan n'yo na ako!" Sabay tulak sa lamesa.

Laking gulat naman ni Mama sa aking ginawa. Nakatingin lamang siya sa akin. Pati ako mismo ay nabigla sa aking nagawa. Tuluyan na ring nawala ang mga bulong na umaalingawngaw.

"Anong nangyayari sa iyo anak?" nag-aalalang tanong ng mama ko habang nakalapar ang kanyang mga palad sa magkabila kong pisngi. Iniwas ko ang aking tingin dahil napansin ko ang mga luhang nangingilid sa kaniyang mga mata.

Hindi ko naman alam ang sasabihin dahil baka isipin niya ay nababaliw na ako. Ayaw ko na rin na mas lalo pa siyang pag-alalahanin pa.

"Pasensya na 'ma, sobrang sakit lang po talaga ng ulo ko. Hindi ko lang po kinaya 'yong nararamdaman kong sakit," nahihiya kong sabi sa kaniya at sabay na napayuko.

"Ano 'yong sinasabi mong tigilan ka na? Anak, sabihin mo sa akin ang nangyayari sa iyo. Kahapon lang ay hinimatay ka. Kanina naman ay bumaba kang hinihingal," maluha-luhang tugon sa akin ni Mama marahil ay nagtataka na siya sa ikinikilos ko—mga kilos na hindi ginagawa ng isang normal na tao.

Tumayo ako sa aking kinauupuan at hindi na tinapos pa ang aking pagkain.

Hindi ko alam ang mga isasagot ko sa kaniya dahil maski ako ay hindi alam ang mga nangyayari. Punong-puno rin ng mga tanong ang aking isipan. Kapag nagkaroon ako ng pagkakataon ay aalamin ko ang tunay na nangyayari sa akin, alam kong lahat ng mga katanungan sa aking isip ay may kaukulang sagot.

Pumunta ako ng banyo upang magsipilyo. Pinakiramdaman ko ang paligid dahil natatakot ako sa maaari kong makita.

Nagdasal ako ng mataimtim at hiniling na matapos na ang mga nangyayaring ito sa akin. Pero simula pa lang ng aking dasal ay napahinto na ako, pakiramdam ko kasi ay sinasaksak ng kung anong matulis na bagay ang aking puso. Unti-unti nang sumisikip ang aking dibdib. Kaya agad na akong sumaray-suray palabas ng banyo.

Ewan ko ba, pero simula pa noong bata ako, nararamdaman ko na ito. Sa tuwing magdadasal ako ay may kung anong puwersa ang pumipigil sa akin para gawin iyon. Sa umpisa ay 'tila mahinang kuryente na lumalaganap sa aking katawan hanggang sa namamalayan ko na lang ay hinahabol ko na pala ang aking hininga.

Paglabas ko ng banyo ay nakita kong nililigpit ni Mama ang mga natapong pagkain dahil sa pagtulak ko ng lamesa. Nakaramdam ako ng awa para sa aking ina, malamang ay nag-aalala ito sa aking mga ikinikilos. Hindi ko naman siya masisisi dahil maski ako ay nag-aalala para sa aking sarili. Hindi biro ang pinag-dadaanan ko kaya't malamang ay hindi din biro ang pinagdadaanan niya. Sabi nga nila ay karugtong ng puso ng ina ang bawat nararamdaman ng kanilang mga anak.

Lumapit ako para tulungan sana siya. "O? Anong ginagawa mo? Ako na riyan at magpahinga ka na. Kailangan mo iyon para makabawi ka ng lakas." Garalgal ang boses nito't halata na pinipigilan ang pag-iyak.

Wala naman akong nagawa maliban sa yakapin siya, pinabayaan lang ako ni Mama at hinaplos ang aking likod. "Sorry po 'ma sa ginawa ko kanina habang kumakain, maski ako ay hindi ko alam ang dahilan kung bakit ko nagawa iyon."

Tanging pagyakap nang mahigpit ang naisagot sa akin ni mama. "O, siya. Uminom ka na ba ng gamot mo? Uminom ka na para makapagpahinga ka na," aniya habang nakangiti.

Alam kong itinatago lang niya sa ngiting iyon ang kanyang pag-aalala.

Uminom muna ako ng gamot bago umakyat sa aking kwarto upang magpahinga, ngunit nang maisip ko ang nangyari sa akin ay agad akong bumaba sa sala upang doon mahiga. Natatakot pa rin kasi ako sa mga nangyayari kaya't mas pinili kong matulog na lamang sa sofa.

THE PLAYMATETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon