Lima

19.5K 363 74
                                    

Dahilan ng mga sunod-sunod na mga katanungang pumasok sa aking isipan, hindi ako kumibo. Tahimik lang akong naghihintay sa nilulutong pagkain ni Mama. Malalim ang iniisip na animo'y may sarili akong mundo at walang pakialam sa mga nangyayari sa aking paligid.

Bigla ko na namang narinig ang malamig na tinig ng isang batang lalaki---katulad sa aking panaginip.

"Tagu-taguan, maliwanag ang buwan . . ."

Malakas na hangin ang biglang dumampi sa aking batok at nagsimulang magsitayuan ang mga balahibo nito.

Hinanap ko kung saan nagmumula ang munting tinig na iyon. Nagmadali akong tumakbo patungong pintuan upang silipin kung may mga batang naglalaro sa labas ngunit tanging mga tsismosa lang naming kapitbahay ang aking nasilayan. Masyado pang maaga para sa mga bata na maglaro, karamihan siguro ay mga tulog pa.

"masarap maglaro sa dilim-diliman . . .

wala sa likod, wala sa harap . . ."

Pumikit ako at pinakinggang mabuti ang tinig na iyon, dahan-dahan kong sinundan ito.

Sa itaas, isip-isip ko sabay ibinaling ang tingin sa itaas na bahagi ng aming bahay.

Tumakbo ako roon para tingnan kung saan at kung kanino nagmumula ang misteryosong tinig, natuwa ako dahil kung tama ang aking hinala ay nandito na nga sina Pong.

"O? Saan ka pupunta? Luto na ito," nagtatakang tanong ni mama ngunit hindi ko siya pinansin at dire-diretso lang akong umakyat sa hagdan.

Pinakinggan kong muli ang tinig at nasigurado kong nagmumula iyon sa aking kuwarto.

"pagkabilang kong tatlo nakatago na kayo . . .

ISA . . .

DALAWA . . .

TATLO . . ."

Dahan-dahan akong naglakad papunta roon at nang makarating ako sa pinto ay marahan ko itong binuksan para sana silipin lang kung sino ang nasa loob ngunit sabay ng aking pagbukas ay siya ring tigil ng bata sa kaniyang pagkanta.

Nagulat ako dahil wala namang tao.

Tahimik ang buong paligid, doon na ako nagsimulang kabahan at makaramdam ng takot.

Isasarado ko na sana ang pinto nang biglang may bolang tumalbog mula sa kaliwang bahagi ng aking kuwarto. Hindi pamilyar ang bolang iyon dahil mukhang sobrang luma na.

Kahit takot na takot ay lakas loob akong pumasok. Tiningnan ko kung saan galing ito at nakitang nakabukas ang aking aparador.

Bumaling ako sa tumatalbog na bola na nasulyapan ko pang gumulong sa ilalim ng aking kama.

Lumuhod ako para silipin at kunin ang bola. Dahan-dahan akong lumapit sa kama at ibinaba ang aking ulo.

Sobrang kabado ako, halos marinig ko na ang tibok ng aking puso sa sobrang bilis at lakas ng kabog nito.

Ipinasok ko na ang aking kamay upang abutin ang bola sa ilalim ng kama ngunit biglang may dumungaw na bata sa aking harapan-ang mas nakakakilabot pa ay wala siyang mukha.

Napaatras ako sa sobrang takot at napalapit ako sa bukas na aparador. Hindi ko alam ang aking gagawin, nakatitig lang ako sa ilalim ng kama dahil baka bigla akong sunggaban ng batang nakita ko. Nawala na ang bata. Hinihingal ako sa sobrang gulat.

Ilang segundo lang ay may narinig akong tumawa sa aking likuran. Nagsitayuan ang mga balahibo ko sa aking narinig, nasa likuran ko lang ang bata.

Iniisip ko pa lang iyon, ay tila mamamatay na ako. Hindi ako makatayo, para akong lantang gulay na naubusan ng lakas dahil sa sobrang takot.

"Laro tayo," sabi ng munting tinig at sabay tawa ng nakapangingilabot.

Nanginginig kong ginalaw ang aking ulo papunta sa aking kanan kung saan ko naririnig 'yong boses no'ng bata. Paglingon ko ay wala namang bata, pero nang ibaling ko ang aking ulo sa aking harapan ay tumambad sa akin 'yong bata na walang mukha.

"Ahhhhhhh!" Napasigaw ako sa sobrang gulat.

Agad kong pinilit tumayo at tumakbo pababa. Muntik pa akong malaglag sa hagdan. Pakiramdam ko ay katapusan ko na.

"O? Bakit pawis na pawis ka? Kain na," tanong ng aking ina habang nagsasalin ng sinangag.

Agad akong umupo, hindi pa din kumikibo at nakatulala lang.

Sasabihin ko ba? Baka hindi maniwala si mama, sa isip-isip ko

"Namumutla ka? Nilalagnat ka ba?" Agad na lumapit si Mama sa akin at hinipo ang aking noo.

"Aysusmaryosep! Ang taas ng lagnat mo!" nag-aalalang sigaw ni mama.

Hindi pa rin ako nagsasalita sa tindi ng trauma na inabot ko kani-kanina lang, napalunok lang ako at napapikit. Naramdaman ko ngang nahihilo at nasusuka ako.

"Kumain ka na para makainom ka agad ng gamot." Halata sa kaniya ang pag-aalala habang bakas naman sa mukha ko ang labis na takot.

Kinuha ni Mama ang isang garapon sa itaas ng refrigerator na naglalaman ng sari-saring gamot, binuksan niya muna ito bago inilapag sa lamesa. Nagsimula na niyang tingnan ang mga pangalan nito at nang makakita ng paracetamol ay agad niya itong iniabot sa akin.

Napansin naman niya na hindi ko ginagalaw ang aking pagkain kaya't sinita niya ako, "O? Kumain ka na para makainom ka ng gamot."

Hindi ko alam kung makakakain pa ba ako. Sobrang wala akong ganang kumain kahit paborito ko pa ang niluto ni Mama. Pero dahil sa ayaw kong mag-alala pa siya ay hindi na lang ako nagpahalata.

THE PLAYMATETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon