Kinakabahan ako pero gustong-gusto kong makita ang nasa loob nito.
Hindi ako nakatiis kaya tumayo ako at sinilip ang ataul pero hindi kita ang nakahiga doon mula sa aming puwesto. Dahan-dahan akong naglakad papasok kung nasaan ang ataul.
Nang makita ko kung sino ang nasa loob nito ay umumbok ang aking mga mata na wari ba'y lalabas na ito sa kanilang bokilya. Ramdam na ramdam ko ang mabilisang pagtibok ng aking puso. Isinuray-suray ko ang aking paningin sa paligid. Ang hirap ipaliwanag ng aking nararamdaman ngayon. Sindak . . . mas higit pa dito ang aking dinarama.
Kilala ko kung sino ang babae sa loob ng kabaong na iyon. Hindi ako puwedeng magkamali. Siya yun.
Ang babaeng pinaglalamayan ngayon ay yung babaeng nagpupumilit sa akin na makipagtalik sa dilim.
Nangangatal na ako sa sobrang pagkasuklam.
Hindi maaari ito. Hindi! Maging ibang tao ay nadadamay nang dahil sa mga kababalaghang nangyayari sa akin.
Naalala ko noong gabi na iyon ay nakita ko sa bahay nina Ate Divine yung batang babae na may hawak na dalawang pugot na ulo, at isa doon ay ulo ng babaeng ito.
Nakaramdam ako ng pag-aalala para sa may-ari ng isa pang ulo na hawak nung bata dahil maaaring sa mga oras na ito ay napahamak na rin siya, huwag naman sana. Unti-unting pinalaya ng aking mga mata ang luha dulot sa tinding takot at pagkabahala sa maaaring madamay.
Maraming bagay ang pumapasok sa aking isip. Nagsimula akong makarinig ng samu't-saring boses. Hindi ko maunawaan ang mga sinasabi nila pero patuloy sila sa pagsasalita. Para silang galit na galit sa akin. Pumikit ako at pilit na nilabanan ang mga boses na umaalingawngaw sa aking diwa. Nababaliw na nga siguro ako.
"Migs, okay ka lang ba?" Tapik sa akin ni Isay. Wala pa ako sa sarili kaya't nagulat akong humarap sa kanya. Hindi ako kaagad nakasagot sa tanong niyang iyon.
"Uy, ayos ka lang ba? Nandito na si Tita Sweet," nakangiti niyang saad sa akin. Maya-maya pa ay may narinig na akong isang maingay na boses.
"Oh, ayusin ninyo diyan yung mga abuloy ah! Baka kinukupitan ninyo pa yan, multuhin kayo ni Magdalena," sigaw nito. Ayun na marahil si Tita Sweet.
"Isaaaaaaay!" tili ni Tita Sweet nang makita si Isay. Kaagad naman itong lumapit upang makipagbeso-beso.
"Kumusta na! Dalagang-dalaga ka na. Noong huli tayong magkita, sobrang nene mo pa," masiglang bati nito habang hinihimas ang malambot na buhok ni Isay at muling nagsalita, "Ang ganda mo hija. Kamusta ang mama at papa mo? Ang ate mo?"
Nabaling ang tingin sa akin ni Tita Sweet bago pa man makasagot si Isay sa katanungang iyon.
Nang makita niya ako ay nanlaki ang kanyang mga mata at kasabay ang pagkawala ng siglang taglay niya kanina.
Hindi na ako nagtaka sa reaksyon niyang iyon. Isa siyang manghuhula, marahil ay nahulaan niyang nababaliw na ako.
Halata kay Isay ang pagtataka.
Napayuko na lamang ako.
"Parang kilala kita?" Umikot-ikot siya sa akin na para bang kinikilala ako nang husto.
Medyo nakakaramdam na ako ng ilang sa ginagawa niyang iyon.
"Magkakilala kayo?" tanong ni Isay.
Umiling lamang ako.
"Malamang isa yan sa nadala mo sa dilim bakla ka. Ang guwapo pa naman oh. Magkano binayad mo diyan?" sigaw ng isang babae na parang bakla din kung magsalita. Aaminin kong nairita ako sa sinabi ng isang iyon pero pinigilan kong magalit. Hindi ko alam kung nahalata ba ako ni Isay dahil hindi ko napigilan ang pagkunot ng aking noo.