Tatlumpu

6.2K 133 14
                                    

Matapos kong ikuwento ang lahat ay iba't-ibang reaksyon ang nakuha ko mula sa kanila. Tawa nang tawa yung Estong, habang si Brando ay para bang namamangha. Yung dalawa naman ay hindi ko mawari kung natatakot ba sa kuwento ko o mismong sa akin natatakot. Isang reaksyon ang pumukaw sa akin, ang reaksyon ni Tatay Pitoy. Nakatulala lang siya sa sahig. Iniisip ko tuloy kung narinig ba niya ang lahat ng ikinuwento ko. Maya-maya ay napakunot siya ng noo.

"Magpahinga ka na. Mamaya ay makakaalis ka na. Mabigat ang kaso mo kaya hindi ka dapat magtagal dito. Mas mahihirapan ka kung papaabutin pa natin ng ilang araw," utos niya sa akin.

"Ha? Paano po?" tanong ko.

"Basta. Kapag sinabi ni Boss, totoo yun. Maniwala ka na lang. Mas makapangyarihan pa yan kesa sa mga baguhang pulis ditto," pagmamalaki ni Brando.

"Tawagan mo si Berting. Sabihin mo manghihiram ako ng pera. Pakisabi kailangan ko ngayon din," utos niya kay Samuel. Hindi ko kilala kung sino yung Berting na tinutukoy niya pero pakiramdam ko ay katulad din nila itong preso.

"Para saan po yung pera?" pag-uusisa ko.

"Syempre kailangan ng pampadulas para makalabas ka. Lalo na mabigat yung kinakaharap mong kaso." Nahiya ako dahil si Tatay Pitoy pa ang sasagot ng perang kakailanganin para makaalis ako dito. Nag-isip ako ng paraan kung paano makakatulong. Wala naman akong alahas.

Yung gamit kong cellphone! Tama! Kahit papaano ay makakatulong iyon. Kaagad kong kinuha sa bulsa ang aking cellphone pero iba ang nakapa ko. Isang kumpol ng pera. Tuwang-tuwa ako nang maisip na binigyan nga pala ako ng pera ni Ate Shiela bilang regalo sa kaarawan ko. Sumasang-ayon pa din talaga sa akin ang tadhana.

Walang ano-ano kong inabot ang pera ka Tatay Pitoy. Hindi ko na binilang dahil alam kong kulang pa iyon sa lahat ng ginawa niyang tulong sa akin.

"Aba. Mukhang mayaman ka ah. Kapag nakalabas ka padalahan mo kami dito ng maraming alak at sigarilyo ah?" biro sa akin ni Samuel.

"Oo nga. Samahan mo na din ng mamahaling tsokolate," segunda naman ni Gardo.

"Ano bang akala ninyo? Mag-a-abroad yung tao? Tatakas yan, mga hunghang!" pagalit ni Tatay Pitoy.

"Sige na Miguel, huwag mo nang pansinin ang mga yan. Matulog ka na at gigisingin na lang namin kapag okay na ang lahat.

Hindi na ako masyadong nag-usisa pa. Sinunod ko na lang ang gusto ni Tatay Pitoy. Doon niya ako pinahiga sa kama niya habang siya ay tumabi muna kay Brando.

***

"Hoy. Gumising ka diyan. Pinapagising ka ni Boss," tapik sa akin ng hindi ko kilalang lalaki.

Sobrang inaantok pa ako kaya noong una ay hindi ako bumabangon. Ang aga-aga kung makagising, akala mo kung sino.

"Ano? Akala ko ba gusto mong lumabas dito?" Doon pumasok sa isip ko na wala nga pala ako sa sarili kong kuwarto, at ang lalaking gumigising sa akin ay si Brando, isang preso.

Nawala ang antok ko at napabalikwas.

"Nasaan si Tatay Pitoy?" tanong ko.

"Nandun, kausap yung isa sa mga pulis na kakampi natin," nakangiting sagot sa akin ni Brando.

Pinagmamasdan ko lang sina Tatay Pitoy habang kausap ang isang pulis. Kinakabahan ako, sana lang talaga mapapayag niya ito.

"Huwag kang mag-alala. Makakalabas ka ditto," muling paninigurado ni Brando. Doon ko naisip na bakit hindi sila tumatakas dito kung kayang-kaya naman pala nila.

"Iniisip mo siguro kung bakit hindi kami tumatakas, ano? Eh kayang-kaya naman kung tutuusin. Alam mo kasi, wala na kaming pamilyang babalikan sa labas. Dito kami nakahanap ng totoong pamilya. Hindi namin kayang iwan ang isa't-isa," nakangiting kuwento sa akin ni Brando.

THE PLAYMATETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon