"Ayos ka lang ba?" tanong ni mama.
"Opo, ayos lang ako," sagot ko sa kanya. Hindi ko siya tiningnan, bagkus ay pabagsak akong umupo sa sofa.
Umakyat na lang si mama sa itaas at naiwan kaming dalawa ni Ate Faye sa ibaba.
Hindi ko maintindihan pero bakit naulit na naman ang pangitaing iyon? Anong ibig sabihin nun? Bakit ako pa? Bakit sa'kin pa nangyayari ito?
"Huy, malalim yata ang iniisip mo? Kanina lang ang saya-saya mo dahil nandito yung one and only mo." Hindi ako umimik.
"Anong balita? Di'ba break na sila ng dati niyang boyfriend, si ano.. Yung palagi mong kinikuwento.. Si ano..." Hindi niya mabanggit kaya sumagot ako.
"Si Ron," pagdudugtong ko sa kanya.
"Ayun, oh ano na? Umepek na ba yung mga dasal mo?" kantiyaw pa ni Ate Faye sa akin.
"Ate, tumigil ka nga diyan," irita kong saway sa kanya. Tinalikuran ko siya para hindi niya makita ang pagkunot ko ng noo.
"Ay oo nga pala, hindi ka marunong magdasal," pang-aasar pa niya sa akin.
"Maiba nga ako, ano ba 'yang iniisip mo? I-share mo naman sa amin ni mama, bahala ka nakakabaliw kapag sinasarili ang mga problema." Biro ngunit may lamang sambit ni Ate Faye.
Hindi ako sumagot, hindi dahil sa napikon ako pero dahil may kirot akong naramdaman sa mga sinabi niya. Una, hindi talaga ako marunong magdasal, may kirot dahil totoo pero hindi dahilan iyon para mapikon o sumama ang loob ko kay ate. Pangalawa, nababaliw na ba talaga ako? hindi pangkaraniwan ang mga nararanasan ko nitong huling mga araw. Hindi normal.
"Uy. Tingnan mo ito, tahimik na naman. Sabihin mo kung ano 'yang iniisip mo. Mahirap ang mayroong dala-dala, lalo na't sinasarili mo pa," seryosong pangaral ng aking kapatid.
"Hindi ko alam ate, hindi ko din maintindihan ang sarili ko. Tulad ngayon, sobrang kinakabahan ako pero hindi ko alam ang dahilan. Pakiramdam ko ay may masamang mangyayari," pagbabahagi ko sa kanya. Buong araw kasi ay kung anu-anong masasamang bagay ang naranasan ko. Pilit ko na lang winawaksi sa aking isipan ngunit paulit-ulit lang. Kaya ngayon ay nagkapatong-patong na ang lahat.
"Paanong kinakabahan?" pagtataka ni Ate Faye.
"Ewan ko ba, marahil ay tama ka ate. Nababaliw na nga yata ako," malungkot kong tugon sa kanya. Baka nga hindi na ako normal. Masakit mang tanggapin ngunit iyon lang ang rasyonal na dahilan ng lahat ng aking nararanasan.
"Ano ka ba, biro ko lang 'yun sa iyo. Hindi ka nababaliw at hinding-hindi ka mababaliw, lagi mong tatandaan na nandito lang kami sa tabi mo," sambit niya sa malumanay na boses. Masarap pakinggan ang mga katagang iyon lalo na't nanggaling ito sa taong mahal mo. Tumango lang ako sa kanya bilang sagot.
"Pero iwasan mo na ang pag-amoy ng medyas tuwing tanghali ah? Nakakabaliw talaga yun," kantiyaw niya sabay tawa nang malakas.
Ito talaga si Ate Faye oh, akala ko seryoso na pero biglang magpapatawa.
"Ate naman eh," pagmamaktol ko sa kanya.
"Ang seryoso mo naman kasi masyado ngayon, pangit ka na nga tapos lalo ka pang papangit niyan dahil hindi ka man lang ngumingiti," patuloy na pangungutya ni Ate Faye sa akin.
"Salamat ah. Mahal na mahal mo talaga ako," sarkastikong tugon ko sa .kanya.
Sa gitna ng aming pag-aasaran, nagkunwari akong napipikon at nag-walk out.
"Bahala ka na nga diyan, mas lalo akong nahihilo sa mga sinasabi mo." Sabay iwan sa kanya sa sala upang magpahangin sa labas ng pintuan.
"Tingnan mo ito, sobrang napakapikon. Bumalik ka nga dito, kapag ikaw nga ang nang-aasar diyan e," nakatawang sambit ng makulit kong kapatid.
"Ewan ko sa iyo." Hindi ako lumingon at dire-diretso akong lumabas patungo sa harap ng aming pintuan.
Umupo ako sa isang maliit na bangkito na gawa sa kahoy, ewan ko ba pero bigla ko na lang naramdaman na gusto kong mapag-isa. Napatingin ako sa tinutuluyang bahay ni Brenda. Nagtaka ako dahil ang sabi sa akin kanina ni mama ay nakita niyang umalis ang mag-ina, at sa mga oras na ito ay nasa eskuwelahan naman si Brenda pero bakit nakabukas ang kanilang pintuan?
Ibig sabihin ay may tao sa loob nito. Hindi ko maunawaan ngunit hanggang ngayon ay kinakabahan pa din ako, maya-maya pa ay nakita ko ang isang batang babae na lumabas sa kanilang pintuan. Nanlaki ang aking mga mata dahil parang pamilyar sa akin ang batang iyon, nakaputi itong sando at may buhok na lagpas-balikat.
Hindi ko maalala pero sigurado akong pamilyar siya sa akin, nakayuko ito habang naglalakad na walang sapin sa paa.
Bigla siyang huminto sa paglalakad, unti-unti niyang itinaas ang kanyang ulo at dahan-dahan na ipinihit patungo sa direksyon kung nasaan ako. Matatalim na titig ang ibinato niya sa akin, kumabog ang aking dibdib dahil sa tingin na iyon. Nanginig ako sa mga sumunod niyang ginawa, nilabas niya ang napakahabang dila. Ginawa niya iyon habang nakatitig sa akin. Mas lalo pa niyang ibinuka ang kanyang bibig at pina-ikot ang mahabang dila sa paligid nito.
Bigla namang may humawak sa aking balikat na siyang ikinagulat ko, paglingon ko ay si Ate Faye lang pala. Ibinalik ko ang aking tingin doon sa bata ngunit wala na ito, hinanap ko siya pero hindi ko na siya nakita pa.
"Oy. Sorry na, biro lang 'yun," pagsusumamo ng aking kapatid sa pag-aakalang kaya ako lumabas ay dahil napikon ako sa sinabi niya.
Hindi ko na pinansin si Ate Faye dahil bigla kong naisip si Brenda, tumakbo ako papunta sa loob ng kanilang bahay dahil ang lakas ng kutob ko na may masamang nangyari sa aking pinsan. Hindi man ako lubusang sigurado, pero dahil sa nakita ko na lumabas mula sa kanilang pintuan ang hindi kilalang batang babae, ay maaaring tama ang kutob ko. Dumiretso ako sa kanilang loob nang hindi iniisip na puwede akong mapagbintangan na isang magnanakaw kung sakaling may mawalang gamit sa kanilang bahay. Bahala na, ang importante ay masigurado kong ligtas ang aking pinsan.
"Miguel, saan ka pupunta?" Sa pangalawang pagkakataon ay binalewala ko si Ate Faye.
Pagpasok ko sa kanilang bahay ay nanlumo ako sa aking nasaksihan, nakita ko ang katawan ng aking pinsan na naliligo sa sarili niyang dugo at palagay ko ay wala na siyang buhay. Lumapit ako sa aking pinsan upang alamin kung may pulso pa ba ito, sa kabila ng ganung hitsura niya ay umaasa pa din ako na maaari pa siyang mailigtas. Ngunit naramdaman ko ang lamig ng kanyang katawan tanda na wala na siyang buhay. Kitang-kita sa kanyang hitsura ang hirap na pinagdaanan, nakabuka ang kanyang bibig at nakadilat pa ang mga mata.
"Ate Faye! Si Brenda!" sigaw ko, tuluyan nang umagos ang luha sa aking mga mata. Hindi ko alam ang gagawin ko, natataranta ako nang sobra.
"Ate Faye, tulong!" sigaw kong muli habang umiiyak.
Nagmamadali namang tumakbo si Ate Faye papunta sa akin, "Anong nangyari?" Bungad na tanong niya at nang makita niya si Brenda ay napasigaw na lamang din siya.
Sumunod na dumating si mama, "Diyos ko, ano ang nangyari dito?" natatarantang tanong ng aking ina.
Panaka-nakang dumating ang ilan sa mga tsismosa naming kapit-bahay. "Tumawag kayo ng ambulansya!" sigaw ng isa sa kanila.
Lahat ay natataranta dahil sa hitsura ng aking pinsan, hindi pangkaraniwan ang kanyang pagkamatay. Pero sino ang maaaring gumawa nito sa kanya? May kinalaman kaya ang aking pangitain sa pagkamatay ni Brenda?
'Yung bata! Maaaring may kinalaman siya sa pagkamatay ng aking pinsan. Pero paano ako nakasisiguro? Hindi ko nga alam kung sino siya, hindi ko alam kung ano siya.
Mga ilang minuto lang ay dumating na ang ambulansiya , kasunod nito ay ang mga pulis. Dinala nila ang bangkay ni Brenda para maimbestigahan, samantalang ako ay inanyayahan ng mga pulis para sa gagawin nilang report dahil ako daw ang saksi. Nagpaunlak naman ako dahil gusto kong mabigyan ng hustisya ang akin pinsan. Kung hindi ko man siya nagawang iligtas ay gagawin ko ang lahat upang mabigyan siya ng hustisya.