Tatlumpu't dalawa

6K 142 23
                                    

"Iha, maaari ko bang malaman kung sino ang nasa larawang iyon?" sabay turo sa larawan na kanina pa nagpapagulo ng kanyang isipan. Hindi na siya nakatiis pa.

"Alin po riyan?" tanong ni Faye habang tinatanaw ang mga larawan. Tumayo si Tita Sweet at lumapit sa estante, kinuha niya ang larawang tinutukoy. Kaagad niya itong iniabot kay Faye at muling umupo sa sofa.

Tinitigan muna ito saglit ni Faye at pinunasan ang kakaunting alikabok na namuo sa salamin ng larawan.

"Si Miguel ito noong limang taong gulang pa lamang," sagot ni Faye na tinititigan ang lumang larawan ng kapatid.

Biglang nanlaki ang mga mata ni Sweet sa narinig mula kay Faye. Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. Ang bata sa larawan, ay siya ding batang kasama ni Miguel noong makita niya ito sa presinto.

"Bakit po?" paulit-ulit na tanong ni Isay pero parang hindi niya ito naririnig.

"Okay lang po ba kayo?" tanong ni Faye. Maging siya ay nahihiwagaan sa biglang pananahimik ng kanyang bisita.

"Wala na si Miguel!" bulalas niya. May mga likidong nangingilid sa kanyang mga mata at nagbabadyang tumulo anumang oras.

"Ha?" Nagsalubong ang dalawang kilay ni Faye.

"Matagal nang wala si Miguel." Nakatulala lamang si Tita Sweet habang binibitawan ang mga katagang iyon.

"Hindi na si Miguel ang nasa katawang iyon. Matagal nang nakuha ng demonyo ang katawan niya. Ang kasama ninyo nang mahabang panahon ay hindi na si Miguel," rebelasyon ni Tita Sweet. Ngayon lang niya napagtanto ang lahat.

Bigla na lang tumulo ang luha sa mga mata ni Faye. Ayaw niyang maniwala sa mga sinasabi ni Tita Sweet. Hindi niya kayang paniwalaan ang mga bagay na iyon.

"Wala siyang amnesia. Kaya wala siyang maalala sa kanyang pagkabata ay dahil hindi naman siya si Miguel." Unti-unti na niyang napagtatagpi-tagpi ang mga pangyayari.

"Imposible 'yang sinasabi mo! Mabuting tao ang kapatid ko, hindi siya demonyo!" singhal ni Faye. Sarado ang kanyang isipan sa posibilidad na iyon.

"Sa maniwala ka't sa hindi, ganyan din ang pagkakakilala ko sa kanya. Isang beses ko pa lang siyang nakakausap pero alam ko na mabuti siyang tao. Ang hindi ko lang maintindihan, paanong nangyari na wala siyang alam dito?" palaisipan pa din iyon kay Tita Sweet.

"Hindi ko sigurado kung tao ba talaga siya." Hinawakan ni Tita Sweet ang kamay ni Faye upang pagaanin ang kalooban nito.

"Tama na!" Hindi siya galit kay Tita Sweet ngunit hindi niya maunawaan ang nadarama. Gusto niyang paniwalaan na nag-iimbento lang ito ng istorya. Pero sa kabilang banda ng kanyang isipan ay may nagsasabing dapat siyang maging bukas sa posibilidad na iyon.

"Sigurado po ba kayo dito Tita Sweet? Matagal ko nang kaibigan si Miguel, at kailanman ay hindi ko siya nakitaan ng kasamaan," pahayag naman ni Isay.

Doon naisip ni Faye kung bakit noon pa man ay demonyo na kung ituring ng kanilang panganay si Miguel. Kailanman ay hindi niya ito nakitaan ng kahit kaunting pagmamahal kay Miguel. Naalala din niya ang pangalan ng sinasabi ni Miguel na kalaro niya noong bata. Nakatatak sa kanyang isipan ang parating bukambibig ng bunsong kapatid noon, si Carlo, na kailanman ay hindi nila nakita.

***

Ang sakit ng ulo ko.

Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa akin. Maya-maya ay naramdaman ko ang aking mga kamay na para bang nakagapos.

Kinabahan na ako.

Hindi nga ako nagkamali, nakagapos ako. Nagsimula na akong magpumiglas.

Nasaan ako? Bakit ako nakatali?

THE PLAYMATETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon