Bumalik ang aking ulirat nang dahil sa ingay ng mga bata sa labas. Narinig kong nagtatakbuhan at naglalaro ang mga ito.
Hindi ko alam na nakatulog pala ako rito sa sofa.
Ibinaling ko ang aking tingin sa orasan na nakasabit sa aming dingding pero sira yata ang orasan namin dahil nakahinto ito sa alas-tres, subalit kung titingnan mo sa labas ay dapit-hapon na.
Bumangon ako at tiningnan ang mga tao sa labasan, ngunit wala naman akong nakita maliban sa iilang mga bata. Medyo mabigat ang pakiramdam ko. Nagtaka ako dahil medyo naiba ang ayos ng mga gamit sa bahay, pero ipinagbalewala ko rin agad dahil madalas naman na pabago-bago ang ayos ng aming bahay sa tuwing maglilinis si mama.
Asan kaya ang mga tao rito? tanong ko sa aking isipan.
"Ma?"
"Ate Faye?" Paulit-ulit kong sigaw.
Dahil walang tao sa bahay, lumabas na ako para hanapin sila pero paglabas ko ay may napansin akong kakaiba. Napakalinis ng kalsada, 'tila katulad ng mga napapanood ko sa mga nakakatakot na pelikula. Sobrang tahimik at tanging ihip lang ng hangin ang iyong maririnig. Doon pa lang ay napa-isip na ako, maya-maya pa ay dumilim ang paligid at bigla na lang akong may narinig na munti at umaalingawngaw na tinig.
"Tagu-taguan, maliwanag ang buwan . . . .
Masarap maglaro sa dilim-diliman . . . .
Wala sa likod, wala sa harap . . . .
Pagkabilang kong tatlo nakatago na kayo . . . .
ISA . . .
DALAWA . . . .
TATLO . . . ."
Habang kumakanta ang isang batang nakalapat ang mukha sa kanang braso’t nakasandal sa pader ay nagtakbuhan ang iba pang mga bata.
Maya-maya ay nakita ko ang isa sa kanila na papalapit sa aking kinatatayuan. Noong umpisa ay hindi ko makilala kung sino ito hanggang sa nabangga niya ako.
Nagulat ako sa aking nakita dahil kilala ko ang batang iyon. Kinilabutan at naparalisa ang buo kong katawan. Noong mga oras ding iyon ay nasabi ko sa aking sarili na nananaginip lang ako. Napatingin sa akin ang bata at tiningnan ako nang mata sa mata.
Nakita ko ang aking sarili. . . .
Nakita ko ang sarili ko noong limang taong gulang pa lamang ako . . . .
Pero ngumiti lang siya sa akin at dumiretso sa likod ng malaking puno ng mangga.
Sinundan ko siya kaagad ng tingin hanggang maglaho siya nang tuluyan sa dilim. Dahil sa gulat ay hindi pa rin ako makagalaw.
"Anong nangyayari? Nasaan ako?" Paulit-ulit kong tanong sa aking sarili.
Nagkaroon ako ng lakas upang makagalaw at nagdesisyon ako na sundan siya sa dilim para alamin kung ano ang nangyayari. Nagtungo ako sa likod ng puno ng mangga kung saan siya naglaho.
Pero bigla na lang akong nagulat nang may lumabas na ibang mga bata—tantiya ko ay nasa apat hanggang walong taong gulang ang mga ito. Hindi ko sila makilala pero papunta sila sa aking kinatatayuan. Inaaninag ko kung sino ang mga ito ngunit hindi ko talaga sila makilala.
Napaatras ako dahil sa takot nang biglang magsalita ang isa sa kanila . . .
"DEMONYO KA! MGA DEMONYO KAYO!" Nanlilisik ang kaniyang mata at ang balintataw ng mga mata nito ay nanliliit sa tinding galit.
Papalapit pa rin sila nang papalapit sa akin habang ako naman ay paatras nang paatras.
Paglingon ko ay saka ko pa napagtantong malalaglag na ako sa isang napakalalim na bangin kaya huminto ako sa pag-atras.
Maya-maya ay may narinig akong tumatawag ng pangalan ko, pero hindi ko makita kung sino.
"MIGUEL! MIGUEL!"
Hindi na ako makahinga sa sobrang takot pero patuloy pa rin sila sa paglapit sa akin at para bang gusto nila akong ihulog sa bangin.
Nang malapit na sila sa akin ay pinikit ko na lamang ang aking mga mata—sapantahan ko’y iyon na ang aking katapusan.
Biglang napadilat ang aking mga mata kasabay ang paghahabol ng aking hininga. Nakita ko sina Mama at Ate Faye na halata ang pag-aalala sa mukha.
"Ano ba ang nangyayari sa iyo anak?" nag-aalalang tanong ni Mama sa akin.
"Ano po bang nangyari?" tanong ko sa kanila, walang kaalam-alam sa mga nangyari.
"Hinimatay ka kanina pagkauwi ni Brenda, nakita ka na lang namin na nakahandusay sa sahig at walang malay," bulalas naman ni Ate Faye.
"At ngayon lang bago ka magising ay ungol ka nang ungol. Ano bang nangyayari sa iyo anak?" Maiyak-iyak na sabi ng aking Ina.
Natahimik ako sandali at inalala ang mga nangyari. Mula sa pag-uusap namin ni brenda hanggang sa panaginip ko, pero pinili kong hindi na banggitin pa ang mga nangyari.
"Baka po dahil sa sobrang pagod kaya nahimatay ako. Madami po kasing ginagawa sa school at pagod pa ako sa fast food na pinagtatrabahuhan ko," pagdadahilan ko sa kanila at mukha namang kinagat nila ang aking rason.
"O siya at magpahinga ka na, masyado mo kaming pinag-aalala. Huwag ka na munang pumasok bukas sa school at sa trabaho mo, magpahinga ka muna. Hindi ka robot para abusuhin ang sarili mo," puno ng awtoridad na utos ng aking Ina.
"Osige po. Pasensiya na po at napag-alala ko pa kayo."
Tumingin ako kay Ate Faye dahil hindi ko matingnan sa mata si Mama, umiiyak na kasi siya. Ayaw ko pa naman na nakikita siyang umiiyak.
Ngumiti lang si Ate Faye at ginulo ang buhok ko hanggang sa iwan na nila ako sa kuwartong mag-isa. Hindi pa rin mawala sa isip ko ang nangyari sa aking panaginip lalo na ang mga katagang sinabi sa akin ng isa sa mga bata doon.
DEMONYO KA! MGA DEMONYO KAYO!