"Bumaba ka riyan hijo! Baka kung mapaano ka. Diyos ko mahabagin," sigaw ng matandang babae na kapit-bahay nina Aling Norma.
"Aling Norma, si miguel po nasa bubong ninyo. Mukhang tatalon po yata!" Tumatakbong sinalubong ng batang si Tony kay Aling Norma na kabababa lang ng tricycle galing sa palengke. Agad namang kumaripas ng takbo papauwi ang ina ni Miguel.
Nang makarating sa bahay ay nakita niyang nagkakagulo ang mga tao kaya't agad siyang tumingala para alamin kung nandoon ba sa kanilang bubong si Miguel. Hindi nga nagsisinungaling si Tony dahil nakita mismo nang dalawa niyang mata ang anak.
"Diyos ko, ang anak ko!" pag-aalala ni Aling Norma.
"Mama!" sigaw naman ng batang si Miguel na hindi mo makikitaan ng takot. Nakangiti pa ito habang nakatayo sa dulo ng mataas na bubong. Kumakaway ito't tinatawag ang kaniyang ina. Lalo namang humagulgol ng iyak si Aling Norma at halos mahimatay na dahil anumang oras ay maaaring mahulog ang kaniyang bunsong anak.
Gumawa ng paraan ang mga kalalakihan sa kanilang lugar upang mailigtas ang nasa panganib na si Miguel. Kumuha ang isa sa kanila ng hagdanan upang akyatin ang bubong at kunin ang bata. Ang iba naman ay naglabas ng mga kutson at pinagpatung-patong ang mga ito para kung sakaling tumalon si Miguel ay malambot ang kaniyang babagsakan.
Lahat ay kabado at sa tuwing hahakbang si Miguel papalapit sa pinakadulo ng bubong ay napapasigaw ang lahat.
Nakaakyat ang isa sa kanila at dahan-dahang lumapit kay Miguel. Nang akmang tatalon ito ay nagmadali ang lalaki at bigla niya itong kinulong sa kaniyang dalawang braso. Nakahinga nang maluwag ang lahat lalo na si Aling Norma, napatalon naman sa tuwa sina Faye at Marco habang ibinababa ng lalaki si Miguel. Laking pasasalamat ng mag-anak sa ginawang kabayanihan ng kanilang kapitbahay.
Pumasok agad sa bahay sila Aling Norma at nag-uwian na rin ang mga usisero. Kinausap si Miguel ng kaniyang ina kung bakit nito naisipang umakyat sa bubong.
"Anak naman, pinag-alala mo ako sa ginawa mo." Mangiyak-ngiyak siya habang si Miguel ay hindi pinapansin ang kaniyang ina.
"Miguel, bakit ka umakyat doon? Hindi mo ba alam na delikado iyon," sigaw niya sa anak, nilingon ni Miguel ang ina sabay sabing "Sabi po kasi ni Carlo, e, naglalaro lang naman po kami."
Si Carlo na naman. Sa isip-isip niya.
"Tsaka sabi po kasi ni Carlo kapag tumalon ako doon, makakalaro ko ulit si Kuya Miko," paglalahad ni Miguel sa ina.
Tila nagpantig naman ang tainga ni Aling Norma sa sinabi ni Miguel at kahit hindi niya gusto ay nagawa niyang pagbuhatan ng kamay ang kaniyang bunsong anak.
"Ayan ka na naman! Sinabi ko 'di ba sa iyo na 'wag kang magsisinungaling! Wala na ang Kuya Miko mo. Hindi na natin siya makakasama! Itigil mo na ang paggamit sa pangalan ng kuya mo sa mga kalokohan mong ito. Itigil mo na rin yang kakabanggit sa Carlo na 'yan!" sigaw niya habang umiiyak. Umiiyak din si Miguel.
Nakatingin lang sina Marco at Faye at halatang nagulat sa ginawa ng kanilang ina, hindi kasi sila nito sinasaktan lalong-lalo na ang bunsong si Miguel. Kilala nila ang ina bilang isang mahinahon at mapag-pasensiya.
Maski si Aling Norma ay nabigla sa kaniyang ginawa, agad niyang pinakalma ang sarili at lumuhod para yakapin ang umiiyak na si Miguel. "Sorry, anak. Hindi sinasadya ni mama. Sorry," hagulgol ni Aling Norma.
"Totoo naman po 'yong sinasabi ko, e. Sinunod ko lang naman po si Carlo. Tsaka gusto ko lang naman makasama ulit si Kuya Miko," humihikbing sabi niya sa ina.
"Oo, alam ko. Kahit ako gusto kong makita ang kuya mo. Tumigil ka na sa pag-iyak ha, bukas na bukas ay dadalaw tayo sa kuya at papa mo," pag-aalo niya kay Miguel. Niyakap niya ang anak habang patuloy ang pag-agos ng kaniyang mga luha. Halos mangiyak-ngiyak din sina Faye at Marco.
Kinabukasan ay nagtungo sila sa sementeryo upang dalawin ang kanilang ama at ang kamamatay lang na si Miko. Nagtirik sila ng kandila at nagdasal para sa kaluluwa ng mga namayapang mahal sa buhay. Nanatili sila doon at hinihintay na maubos ang kandilang sinindihan. Habang naghihintay ay mahahalatang malalim ang iniisip ni Aling Norma, umupo sila ni Miguel sa lapag. Sina Faye at Marco naman ay naglalaro sa damuhan, niyaya ni Faye si Miguel ngunit pinili nitong hindi sumali at manatili sa tabi ng ina.
Pasensiya na mahal kung napagbuhatan ko ng kamay ang anak natin, hindi ko sinasadya. Alam kong ayaw mong sinasaktan ang mga anak natin. Sana nandito ka, sana magkasama nating hinaharap ang ganitong mga klaseng problema. Alam kong masaya na kayo riyan ng anak nating si Miko. Lagi niyo kaming patnubayan, lalo na ang mga anak natin. Sa isip niya habang kinakausap ang asawa.
Biglang nahinto si Aling Norma nang maramdamang hinahatak ni Miguel ang kaniyang damit. Tumingin siya sa anak at napansin niyang may itinuturo ito sa malayo, tiningnan niya ang direksyon kung saan nakaturo ang kamay ng anak.
"Mama, ayun si Carlo, o. Sumama siya sa atin. Pero hindi ko po sinabi kung paano pumunta rito, a. Baka po magalit na naman kayo sa akin," inosenteng sabi ni Miguel sa ina.
Pero ang ipinagtataka ni Aling Norma ay wala namang tao sa direksyon na itinuturo ng anak maliban sa isang patay na puno. Tiningnan niya ang anak at nakita niya na sinsero ito sa mga sinasabi.
"Nasaan anak? Wala naman, e. Baka guni-guni mo lang iyon," nakangiting tugon niya sa anak.
Tumingin muli si miguel doon ngunit hindi na niya nakita pa ang kalaro. Inilibot niya ang kaniyang mga mata para hanapin ang sinasabi niyang kalaro na si Carlo ngunit hindi na niya ito nakita. Maski si Aling Norma ay tiningnan din ang paligid, pero wala naman siyang makitang bata. Nang haharapin na niya si Miguel para sabihing 'wag nang pansinin ang mga nakikita ay nagulat siya sa binulong ng anak, "SHHHHHH... HUWAG KA PONG MAINGAY MA. NAKAPASAN PO SIYA SA LIKOD MO, GUSTO KA RIN PO YATA NIYANG KALARO...."