Anong oras na, kailangan ko nang makauwi. Nandito ako sa waiting shed na 'di kalayuan sa istasyon ng pulis at nag-aabang ng masasakyan. Bakit pa kasi ako pumayag magpa-interview sa mokong na iyon eh. Mukhang hindi naman siya naniniwala sa mga sinabi ko. Tumingin ako sa suot-suot kong lumang relo na pagmamay-ari pa ng aking ama. Alas-diyes y media na.
Kamusta na kaya sa bahay? Kamusta na kaya si mama? Ma-i-text nga si Ate Faye.
Agad kong kinuha ang cellphone na pinaglumaan ni ate, medyo bago pa naman at halos wala pang gasgas pero dahil nga nagamit na ito ni Ate Faye ay luma na ito para sa akin.
Message Sending Failed!
Napakunot ako ng noo.
Wala na naman pala akong load. Lagi ko na lang nalilimutan.
Luminga-linga ako sa aking paligid upang tingnan kung saan puwedeng bumili ng load. Pero mukhang wala naman yata. Umupo ako saglit sa mahabang bakal na inilaan para sa mga nag-aabang ng masasakyan at humiling na sana ay may dumaan na kahit isang taxi man lang. Pero ilang minuto na ang lumilipas ay puro mga pribadong sasakyan ang dumadaan. Walang anu-ano'y biglang tumunog ang aking hawak na cellphone.
Incoming Call.... Isay....
Ay. Tumatawag si Isay, nakaramdam ako ng tuwa sa kabila ng inis na aking nararamdaman. Naalala ko na hindi pa pala niya alam ang tungkol sa pagkamatay ni Brenda. Isa siya sa malalapit na kaibigan ng aking pinsan at dapat lang na isa siya sa mga unang makakaalam nito.
"Hello? Hello Isay," bungad ko sa kanya.
"He-- Mig--" Paputol-putol aking naririnig dahil sa sobrang hina ng signal.
"Hello? Isay?" sagot kong muli. Maya-maya ay nakarinig ako ng napakatinis na tunog.
"Aray!" Masakit sa pandinig ang sobrang pagkatinis nito.
"Shit. Ano yun?" tanong ko sa aking sarili. Pagtingin ko sa aking cellphone ay ibinaba na ito ni Isay. Gusto ko man siyang tawagan ay hindi ko magawa dahil walang load ang aking cellphone.
Naglakad-lakad ako upang maghanap ng bukas na tindahan na maaari kong pagbilhan ng load.
Pero wala talaga akong makita. Maya-maya ay laking-tuwa ko nang may makita akong paparating na taxi, agad akong nagtungo sa gilid ng kalsada at nagsimulang kumaway upang mapansin ng taxi driver. Pero sa kasamaang palad ay hindi ito huminto.
Nakakainis, wala namang sakay ang taxi na yun pero bakit hindi ako hinintuan. Nakakainis talaga, kapag hindi mo kailangan sumakay ng taxi ay hihintuan ka. Pero tulad ngayon na kailangan kong makasakay ay wala man lang ni isa akong makitang dumadaan. Sinusubok yata ng tadhana ang pasensya ko.
Mga isang kilometro na din ang nalalakad ko mula dun sa istasyon ng pulis, sigurado ako na dito ay mayroon na. Mas maliwanag at mas matao. Dun kasi ay medyo madilim kaya siguro wala masyadong dumadaan na mga taxi. Marahil ay natatakot sila na maging biktima ng hold-up.
"Hi cute, gimik tayo," bati sa akin ng hindi kilalang boses.
Napalingon ako at nakita ko ang isang average looking na babae. Tantiya ko ay nasa labing-walo hanggang dalawampung taong gulang ito. Naka-itim siyang damit at halos lumuwa na ang kanyang dibdib. Nakasuot siya ng puti at sobrang ikling saluwal. Ang labi niya ay parang namamaga sa pagkapula na terno sa sapatos nitong pagkataas-taas ng takong.
Ngumunguya siya ng bubble gum, habang ang kanyang kanang kamay ay may hawak na sigarilyo. Wala siyang sagot na nakuha sa akin at naglakad lang ako papalayo nang bahagya sa kanya pero napansin kong sumusunod siya sa akin.
"Aba, masungit ah. Ayan ang tipo ko sa mga lalaki. Sige na, kahit huwag mo na akong bayaran," pangungulit niya. Inaamin ko na alam ko ang ibig niyang sabihin. Pero wala akong panahon sa mga ganung bagay.