"LIZA!" Umalingawngaw ang boses ni Divine sa buong lugar. Narinig ito nina Shiela at Marco na nag-uusap hindi kalayuan.
Nagulat naman si Aling Norma at napatingin sa aligagang si Divine.
"Anong nangyari?" kaagad na tanong ni Shiela nang makita ang pag-aalala sa mukha ng ina ni Liza.
"Si Liza, nawawala." Hindi na napigilan ni Divine ang mapahagulgol.
"Ha? Baka nandiyan lang, naglalaro," pagbabakasakali ni Marco.
"Kinuha po ni Toto Migs si Liza." Biglang sumabat ang batang si Xyrylle.
Napatingin ang lahat sa kanya.
"Xyrylle, sigurado ka ba sa sinasabi mo?" tanong ni Shiela. Hinawakan niya sa magkabilang braso ang anak at iniharap sa kanya.
"Opo. Si Toto Migs po iyon."
Parang pinagbagsakan ng langit at lupa si Divine. Palaisipan para sa kanya kung bakit kinuha ni Miguel ang kanyang anak.
Lumapit si Shiela kay Divine upang yakapin ito. Alam niya ang pakiramdam nito dahil isa rin siyang ina.
"Mabait si Miguel, wala siyang gagawing masama kay Liza." Nang marinig iyon ni Divine ay bigla siyang bumitaw sa pagkakayakap kay Shiela.
"Mabait? Hindi mo pa lubusang kilala si Miguel." Bumaling si Divine ng tingin kay Marco.
"Demonyo si Miguel!" Hindi niya napigilan na sabihin ang rebelasyon ni Tita Sweet.
"Divine, tama na. Hindi makakatulong iyan sa paghahanap kay Liza," sabat ni Marco.
"Tama ka Marco, demonyo siya!" sigaw muli ni Divine.
Nanlaki ang mga mata ni Shiela nang marinig ang sinabi niyang iyon. Naguguluhan ito sa mga sinasabi ni niya. Iniisip tuloy nito na baka nasisiraan na siya ng bait.
Biglang lumapit si Aling Norma sa kanya, nagulat ang lahat nang bigla nitong sampalin si Divine. Napahawak na lang ang huli sa kanyang kanang pisngi.
"Ma!" Hindi inaasahan ni Marco na magagawa ni Aling Norma ang bagay na iyon.
"Kailangan niya iyon para tumigil siya sa mga pinagsasasabi niya," sabay talikod sa kanilang lahat at umalis. Sinundan siya ni Shiela, sumunod din si Pong sa kanila.
Unang beses nilang makitang ganun si Aling Norma. Marahil ay hindi nito kinaya ang mga sinabi ni Divine kay Miguel.
"Pagpasensyahan mo na si Mama, hindi lang niya naiintindihan ang mga nangyayari." Iniupo ni Marco ang umiiyak na si Divine.
"Ang anak ko, tulungan niyo akong mahanap siya," pagsusumamo ni Divine.
"Oo, huwag kang mag-alala. Umiisip na ako ng paraan para matulungan ka."
"Paano mo nga pala nalaman ang tungkol sa bagay na iyon?" tanong ni Marco.
"Ang alin? Ang pagiging demonyo ni Miguel?" balik na tanong ni Divine.
"Oo. Buong buhay ko, akala ko ay walang makakaintindi sa akin sa bagay na iyon," sagot ni Marco.
"Tsaka ko na siguro ikukuwento ang lahat. Kailangang mahanap natin ang anak ko sa lalong madaling panahon. Hindi tayo sigurado sa kung anong puwedeng gawin ni Miguel." Tumayo si Divine at tumingin sa dulo ng pasilyong iyon.
"Saan ka pupunta?" tanong ni Marco nang maglakad si Divine.
"Teka." Nagtataka si Marco kung ano ba ang bagay na tinitingnan ni Divine. Tumayo na lang din siya at sinundan ito.