Kailangan kong humingi ng tulong, hindi ko alam kung kanino ako lalapit para matulungan ako sa mga nangyayaring ito. Noong mga panahon na iyon ay isang tao lang ang naisip kong tawagan, si Isay. Kahit alam kong wala siyang alam sa mga bagay na ganito ay sigurado akong maiintindihan niya ang pinagdaraanan ko.
Dali-dali kong tinawagan si Isay, kagabi ko pa siya gustong tawagan pero mahina ang signal kaya't hindi kami magkaintindihan. Hindi ko alam kung nabalitaan na ba niya ang nangyari kay Brenda.
"Hello? Miguel?" sagot ng nag-aalalang si Isay. Hindi ko maintindihan kung bakit ganun ang tono ng kanyang boses.
"Hello. Isay. Kumusta? Pumasok ka ba sa trabaho?" tanong ko sa kanya.
"Hindi ako pumasok. Ayaw kong pumasok. Natatakot ako Miguel. Tulungan mo ako, may nagbabanta sa buhay ko," sagot niya na halata mong maiiyak na. Ano yung sinasabi niyang pagbabanta? Sino naman ang gagawa noon?
"Ha? Anong ibig mong sabihin?" pag-aalala ko, hindi siya sumasagot. Narinig ko na lang ang pag-hikbi niya sa kabilang linya. Hindi kaya may kinalaman dito ang ex-boyfriend niyang si Ron? Maaari.
"Pupuntahan na lang kita diyan sa inyo. May kailangan din akong sabihin sa iyo." Kahit na may sarili akong iniisip ay hindi ko natiis na hindi puntahan si Isay. Tumawag ako sa kanya upang humingi ng tulong pero maging siya pala ay nangangailangan nito.
Nagmamadali akong bumaba para pumunta kina Isay. "Oh Miguel, nakuha mo ba yung nakalimutan mo?" tanong ni mama sa akin. "Opo, pasensya na Ate Shiela kanina ah. Sige mauna na ako. Kanina pa ako hinihintay sa opisina," paalam ko sa kanila. Nakita kong masama ang tingin sa akin ni Kuya Marco, pero hindi ko na inintindi pa yun. Sanay na kasi ako.
Sumakay ako kaagad ng Tricycle at nagpahatid sa bahay nina Isay. Medyo malayo ang lugar nila kaya medyo mahal ang pamasahe. Pero okay lang iyon, mas importante ang kaligtasan ng babaeng pinakamamahal ko.
Nang makarating ako sa kanila ay agad akong nagbayad sa drayber at nagtungo sa pintuan nila. Hindi pa man ako kumakatok ay sinalubong na ako ni Ate Dan, ang nakatatandang kapatid ni Isay.
"Nandun. Nagkukulong sa kuwarto niya. Hindi pumasok eh, nag-eemo yata dahil sa break-up nila nung mayabang niyang ex," kunot-noong bungad sa akin ni Ate Dan.
"Akyatin mo nga iyon dun. Baka maglaslas eh. Hindi pa din nag-aalmusal yun," bungad sa akin ni Ate Dan. Alam na kaagad niya na si Isay ang pakay ko. Kung sabagay, wala namang iba.
"May dala ka bang tsibog diyan?" Hindi ako nakapagsalita. Medyo nahiya ako dahil wala man lang akong dala na kahit na ano.
"Biro lang. Sige na, umakyat ka na dun. May permiso mo ako.May tiwala naman ako sa iyo eh," sabay kindat. Noon pa man ay nararamdaman ko nang ayaw ni Ate Dan kay Ron. Kapag pumupunta kasi kami ni Brenda kina Isay at nandun ang boyfriend ng kapatid niya, mas inaasikaso pa niya kami. Alam ko din na na alam niya na may nararamdaman ako para kay Isay.
"Sige Ate Dan, may kailangan lang akong sabihin kay Isay," nakangiti kong paalam sa kanya.
Agad akong umakyat at nagtungo sa kuwarto ni Isay. Kumatok ako ng mga tatlong beses tsaka niya ako pinagbuksan. Halata sa mga mata niya na wala pa siyang tulog.
Pagkabukas ng pinto ay agad niya akong niyakap. Iyak lang siya nang iyak. Tinatanong ko kung ano ba ang nangyayari pero hindi siya sumasagot. Hinayaan ko na lang muna siya na umiyak. Medyo affected ako dahil hindi ko kayang makakita ng babaeng umiiyak, lalo na't mahal ko pa. Ginantihan ko din siya ng yakap, yung yakap na may pagkalinga. Gusto kong iparamdam sa mga oras na ito na nandito lang ako sa kanyang tabi.
"Ano ba ang nangyayari Isay? Sabihin mo sa akin," bulong ko sa kanya. Hindi pa din siya kumikibo. Mahigpit na yakap lang ang iginanti niya.
Maya-maya ay bumitaw siya sa pagkakayakap sa akin. Hinayaan ko lang siya. Hinawakan niya ang aking magkabilang pisngi at hinimas nang marahan. Nang mga oras na iyon ay nakaramdam ako ng kuryente sa aking buong katawan. Tiningnan niya ako ng diretso sa mga mata kaya naman tumibok ang aking puso nang pagkabilis-bilis. Dumadagundong ito na kasing lakas ng isang tambol.