Dalawampu't apat

8.1K 154 33
                                    

"Good morning sir. Ano pong kailangan nila?" tanong ng magandang receptionist sa akin.

"Ah, magpapasa lang ako ng resignation letter sa opisina," nakangiti kong sagot ko sa kanya.

"Okay sir. Can I have your ID?" Gumanti siya ng ngiti. Ibang ngiti ito, mukhang type pa yata ako ah.

Nagmamadali kong hinanap ang aking ID sa maliit na bag na dala-dala ko. Peste. Mukhang nakalimutan ko pa yata sa bahay. Pero ang alam ko ay nandito lang iyon eh. Palagi ko kasing dala ang bag na ito sa tuwing aalis. Tiningnan ko ang notebook na nasa loob ng bag, baka nasingit lang.

Wala talaga. Nakakaasar.

"Miss. Okay lang ba kung walang ID? Nakalimutan ko kasi eh. Malayo kung babalikan ko pa sa bahay," paliwanag ko sa kanya.

"Sige. Tutal cute ka naman. Hindi ka naman mukhang gagawa ng masama," sabay ngiti at kindat niya sa akin.

Habang naglalakad papuntang elevator ay hinahalukay ko pa din ang laman ng aking bag, nagbabakasakaling makita ang nawawala kong ID. Wala talaga. Baka nga naiwan ko sa bahay. Habang hinihintay na bumukas ang elevator ay pasipol-sipol pa ako. Nasa 23rd floor kasi ang opisina na pupuntahan ko kaya't kailangan ko talagang sumakay ng elevator. Pero kung nasa second o third floor lang iyon ay mas pipiliin ko ang gumamit ng hagdan.

Habang naghihintay ay may narinig akong boses ng isang batang lalaki. Matinis na mga halakhak ang kasalukuyang nagpaparindi sa aking mga tainga.

Napapikit na lang ako.

Eto na naman sila.

Ayaw akong tantanan.

Unti-unti na namang binabalot ng pangamba at takot ang aking buong pagkatao. Ayaw ko na. Kailangan ko nang makausap ang ninong ni Ate Dan. Habang tumatagal ay mas lalo akong nasisiraan ng bait.

Pumikit na lamang ako at pilit na inalis ang naririnig kong boses. Pero patuloy pa din ang pagrehistro ng nakakakilabot na hagikgik sa aking dalawang tainga. Wala akong magawa kung hindi hintayin na mawala ito. Ilang segundo lang ay narinig kong bumukas ang elevator.

Sakto! Salamat naman.

Pagdilat ko ng aking mga mata ay biglang may batang tumakbo papalabas galing sa elevator. Noong umpisa ay wala akong nararamdaman na takot, sinundan ko pa ito ng tingin. Pero nagulat ako dahil noong humarap siya sa akin ay nakilala ko siya. Nanlaki ang aking mga mata dahil siya yung batang nakita ko sa aking kwarto. Blanko ang kanyang mukha. Mabilis ang mga pangyayari dahil bigla na lang siyang nawala sa aking paningin. Noong akmang hahabulin ko ito ay biglang nagsalita ang nag-iisang sakay ng elevator. Isang matandang babae na nasa pitumpung taong gulang pataas. Nakahawak siya sa pinto ng elevator upang hindi ito magsara.

"Sasakay ka ba?" sigaw niya sa akin. Nakakunot ang mga noo nito tanda ng pagkainis. Nagmamadali akong pumasok sa elevator at pinindot ang 23rd button. Sumara agad ang pinto.

Ngayon ko lang napagmasdan ang hitsura niya, sobrang tanda na pala. Nakasuot siya ng black na floral dress at may balabal na nakapulupot sa leeg. Tinitingnan ko siya sa reflection ng elevator para hindi niya mahalata. Ilang segundo lang ang lumipas nang biglang magpatay sindi ang ilaw sa loob ng elevator. Nakita ko pa siyang tumingala at tiningnan ang pundidong mga ilaw. Lintek na, ayaw ko ng mga ganitong eksena. Nakahinga ako nang maluwag noong bigla na lang itong naayos.

Nakita ko na lang yung matanda na may kinuha sa kaniyang maliit na kulay pulang bag. Inilabas niya ang isang suklay na kulay ginto. Nagsimula niyang gamitin ito sa manipis at kulay puti niyang buhok. Nagtaka ako dahil bawat hagod niya ng suklay sa kanyang ulo ay nalalagasan siya ng buhok.

Bigla siyang nagsalita, "Hindi ka makakatakas sa iyong nakaraan. Ang buhay na iyonh inutang ay may kabayaran." Nakakatakot at nakakakilabot ang binigkas niyang iyon. Mas lalong nagpatindig ng aking balahibo ay iba ang boses na aking narinig kumpara sa narinig ko noong una siyang magsalita.

THE PLAYMATETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon