Labing-tatlo

13.1K 213 28
                                    

"Papa, hindi pa ba tayo pupunta kina lola?" tanong ng panganay na anak ni Marco na si Pong.

"Sa isang araw pa anak, hindi pa puwedeng iwan ni papa ang trabaho kasi mapapagalitan siya ng boss niya," sabat ni Shiela, ang chinitang asawa ni Marco.

"Magtatagal po ba tayo doon? Nanaginip po kasi ako kanina, nakita ko si lola na walang tigil sa pag-iyak, kaya po niyakap ko siya. Baka po namimiss na niya kami ni Xyrylle," malabing na sambit ng panganay nilang anak. Anim na taon pa lang ito ngunit akala mo ay matanda na kung magsalita. Matalinong bata at madaldal. Palaging nangunguna sa klase. Namana niya ang angking talino ng kanyang ama.

"Ahmm, itatanong natin sa papa mo mamaya ah. Ngayon, huwag muna natin kausapin si papa kasi pagod siya. Maligo na muna kayo, pagkatapos ay tsaka natin itatanong. Dali, punta na kayo kay yaya para makapaglinis na kayo ng katawan," utos ni Shiela sa dalawang anak.

"Ayaw ko pong maligo. Malamig eh," ungot naman ng apat na taon na si Xyrylle, ang bunsong anak ng mag-asawa. Ayaw kasi niyang naiistorbo sa tuwing naglalaro kaya't lahat ng dahilan ay sasabihin niya. Maldita ang batang ito, laging inaaway ang kanilang yaya.

"Maligamgam naman ang tubig na ipapaligo sa iyo ni yaya, hindi ka lalamigin. Maligo ka na, kaamoy mo na si Lily oh. Dali, para mabango ka na ulit," pang-uuto niya dito, si Lily ay ang alaga nilang aso.

"Ayaw ko nga po, naligo na kaya ako kanina. Hindi pa naman po ako mabaho eh," angal pa ni Xyrylle.

"Xyrylle, anong sabi ko sa inyo? Hindi ba dapat laging sumusunod kay mama!" sigaw ni Marco.

Agad na tumayo si Xyrylle at sumunod sa nauna nang bumaba na si Pong. Takot kasi ang magkapatid sa kanilang ama, hindi ito nananakit pero kapag nagsalita na ito ay agad na susunod ang dalawa.

Lumapit si Shiela sa asawa at minasahe ang likod nito. "Okay ka lang ba hon? Kamusta ang araw mo sa trabaho?" magkasunod na tanong ni Shiela.

"As usual, nakakapagod," sagot ni Marco sabay buntong-hininga.

"Maiba ako, pinayagan ka bang mag-leave for one week ni Sir Steve?" muling tanong ni Shiela sa kanya, hindi agad siya naka-imik sa tanong ng asawa.

"Don't tell me na hindi siya pumayag, two weeks ago ka pa nagpaalam sa kanya hindi ba?" mariing sambit ni Shiela.

"Oh, easy ka lang. Wala pa naman akong binabanggit tungkol doon." natatawang sabi ni Marco sa asawa.

"Actually, pumayag siya. Hindi naman kasi ako madalas humingi ng leave kaya't pinagbigyan niya ako," patuloy ni Marco.

"Ayun naman pala eh, so anong problema? Bakit 'tila nanlulumo ka? Akala ko tuloy hindi ka napagbigyan," tanong ni Shiela.

"Wala namang problema, hindi lang ako kumportable. Medyo matagal na din kasi akong hindi nakakabisita sa bahay. Isa pa, makikita ko na naman ang demonyong iyon."

"Marco!" nanlalaking mata na singhal ni Shiela kay Marco.

"Bakit?" balik na singhal nito sa asawa..

"Mabuti't wala ang mga bata at hindi ka nila naririnig, hanggang kailan ba magiging matigas 'yang puso mo pagdating sa kapatid mo?" bulyaw ni Shiela.

"Pwede ba Shiela, pagod ako." Ang tanging naging tugon ni Marco sabay talikod sa asawa at saka pumasok ng banyo.

Hindi maintindihan ni Shiela ang asawa. Ilang beses na niyang nakasalamuha ang kapatid nitong si Miguel, para sa kanya ay napakabait nito at wala naman siyang nakikitang dahilan upang magalit si Marco kay Miguel nang ganun.

Nang makilala niya ang asawa ay mayroon na itong poot na nararamdaman para sa kapatid, lumayas siya sa kanilang bahay dahil hindi daw niya kayang tiisin na makasama si Miguel. Namuhay siyang mag-isa na malayo sa pamilya, tiniis niyang hindi makasama ang pinakamamahal na ina. Nakapagtapos si Marco ng pag-aaral sa sarili nitong sikap hanggang magkaroon siya ng trabaho.

THE PLAYMATETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon