Brenda's P.O.V.
"Brenda, day-off ko ngayon. Lalabas kami ni Liza, gusto mo bang sumama?" pag-aaya sa akin ni Ate Divine—ang mommy ni Liza. Asawa siya ni Kuya Harold, pinsan ko sa side ni Nanay. Sina Miguel naman ay pinsan ko sa side ni Tatay. Nasa ibang bansa si Kuya Harold kaya't kinuha nila ako upang mayroong makasama ang kanyang pamilya sa bahay. oong una kasing salta ko dito sa maynila ay umuupa lang ako ng kuwartong malapit sa eskuwelahang pinapasukan ko, at noong nalaman ni Kuya Harold na nasa maynila ako ay doon na niya ako pinatira sa kanilang bahay kasama ang kaniyang mag-ina.
"Ay, salamat na lang po ate. May exam po ako mamaya eh. Ingat na lang po," pagtanggi ko habang inaayos ang gagamitin kong uniporme mamaya.
"Sige, ikaw ang bahala. Basta bago ka umalis ay siguraduhin mong naka-kandado ang pinto," bilin niya sa akin.
"Anong oras po ba kayo aalis?" tanong ko kay Ate Divine.
"Mga alas-diyes, sa labas na kami manananghalian. May stock diyan sa ref, ikaw na bahalang mamili ng uulamin mo," bigkas pa niya.
"Sige ate," sagot ko sa kaniya, nakita ko naman si Liza na pupungas-pungas pang lumabas ng kuwarto.
"Oh baby, anung gusto mong almusal?" tanong sa kaniya ni ate. Hindi ito sumagot at nagpakarga lang sa kaniyang ina.
Ipinagluto ko siya ng dalawang hotdog at ipinagtimpla ng gatas, tsaka ko sinimulang maglinis ng bahay. Mag-aalas diyes na nang ako ay matapos, sakto naman ay nakita kong naka-gayak na ang mag-ina.
Nag-paalam si Ate Divine sa akin at nag-iwan ng ilang mga habilin tungkol sa bahay. Nagulat ako nang biglang lumapit sa akin si Liza na malungkot, pinupog niya ako ng halik at binigyan ng isang napakahigpit na yakap. Ang mas lalong ikinagulat ko ay ang ibinulong niya sa akin.
"Mamimiss kita Tita. Paalam," bulong niya na sa tingin ko ay hindi narinig ng kaniyang ina dahil busy ito sa paglalagay ng kolorete sa mukha. Ang bulong na iyon ay nagdulot sa akin ng pangamba. Hindi ko mawari ngunit may kung anong pumasok sa isipan ko na ang pagpapaalam na iyon ay hindi simpleng paalam, ngunit agad ko ding ipinag-balewala.
Bago pa tuluyang umalis ay may huli pa siyang sinabi, "Pupuntahan ka niya."
Doon ako mas lalong kinilabutan, hindi ko maintindihan ang mga pinagsasabi ng batang ito. Pero natakot ako nang sobra, maya-maya pa ay tuluyan na silang nagpaalam at kumaway sa akin si Liza. Nakatingin lang ako sa kanya at palaisipan pa din sa akin ang mga katagang binitiwan niya.
Tapos na akong maglinis ng bahay, ilang minuto na din nang umalis sina Liza. Nakaramdam ako ng pagod kaya't naisipan kong humiga muna sa sofa, tutal ay mamaya pa namang alas dos ang pasok ko, may oras pa ako para makapag-pahinga.
Binuksan ko ang T.V. para malibang habang nagpapahinga. Sa sobrang pagod ay kusang pumipikit ang aking mga mata. Ngunit pilit ko itong nilalabanan dahil baka mapahaba ang tulog ko at hindi ako makapasok. Sa gitna ng pakikipagtuos ko sa aking antok ay nagulat na lamang ako dahil biglang nasira ang signal ng aming telebisyon, kaya't gumawa ito ng sobrang lakas na ingay. Napabalikwas ako at agad na inayos ang antenna, pero hindi ko ito maayos kaya pinatay ko na lang. Nagtungo ako sa kusina upang tingnan kung ano ang pwedeng makain. Habang naglalakad ay hindi ko naiwasang mapatingin sa orasan. Napansin kong hindi ito gumagana, "Paanong naging alas-tres na agad?" tanong ko sa aking sarili.
Nang buksan ko ang refrigerator ay sumingaw ang nakasusulasok na amoy kaya't agad ko itong isinara, naduduwal ako dahil sa sobrang baho ng kung ano man ang laman ng refrigerator na iyon. Dumiretso ako sa lababo at tuluyan na akong sumuka, pero nandiri ako sa mga bagay na lumabas sa aking bibig.
Kulay itim at malapot na likido. May napansin din akong mga gumagalaw na bagay mula dito.
Nang titigan ko ay mas lalo akong nasuka at nandiri, mga maliliit na uod ang mga gumagalaw na iyon. Pakiramdam ko ay nanlalaki ang aking ulo at 'tila ito sasabog. Binuksan ko ang gripo upang magmumog. Pagluwa ko ng tubig ay napansin ko ang isang munting bagay na nagmula sa aking bibig at laking gulat ko nang makita ang isang ngipin. Kaagad kong tiningnan ang aking mga ngipin sa salamin at hindi ako nagkamali dahil sa akin nga galing ito. Isa-isa pang natanggal ang aking mga ngipin kung kaya't hindi ko na malaman ang aking gagawin. Dinampot ko ang mga ito at sinubukang ibalik sa dating kinalalagyan dahil sa sobrang pagkataranta, hanggang sa may marinig akong katok mula sa aming pintuan. Dali-dali akong tumakbo patungo doon habang nakatakip ang kanang kamay sa aking bibig, halos maiyak na ako nang dahil sa nasaksihan ko kanina.
Agad kong binuksan ang pinto at tiningnan kung sino 'yung kumakatok ngunit wala namang tao. Tiningnan ko ang paligid para siguraduhin kung sino iyon ngunit ni isa ay wala akong makita.
Kinakabahan na ako.
Sinubukan kong lumabas para tingnan kung bakit wala ni isang tao sa kalsada, na imposibleng mangyari sa lugar namin dahil sa sobra itong matao.
Lumabas ako dahil napansin kong maging sa bawat bahay ay walang mga tao, dumiretso ako kina Miguel. Kumatok ako pero walang sumasagot, hindi nila ako pinagbubuksan.
"Ate, gusto mo laro tayo?" sabi ng isang tinig na hindi kalayuan sa aking kinatatayuan.
"Sino ka?" tanong ko dito matapos akong lumingon sa aking likuran.
"Taguan tayo, ako ang taya. Kapag nakita kita, PATAY ka." Sambit nito sa nakakatakot na tinig habang nakangiti.
"Sino ka ba? Anong kailangan mo sa akin?" natataranta kong tanong.
"Tagu-taguan, maliwanag ang buwan..." Nagsimula siyang kumanta at humakbang nang dahan-dahan, natatakot na ako dahil sa sinasabi niya lalo na noong mapansin kong may dala-dala siyang malaking itak at nakasayad ang pinakadulo nito sa lupa.
"Huwag kang lalapit, pumapatol ako sa bata," paninindak ko sa kanya ngunit mukhang hindi ito epektibo dahil patuloy pa rin siya sa pagkanta at paghakbang palapit sa akin.
"...pagkabilang kong sampu nakatago na kayo... ISA..." Doon na ako nagpasyang tumakbo at umuwi sa bahay, ni-lock ko ang pinto dahil kahit hindi ko aminin ay sobrang takot na takot na ako.
Dumiretso ako sa kuwarto nina Ate Divine at nagtago sa kanyang aparador. Malaki ito kaya't kasyang-kasya ako, sinarado ko ito nang mabuti maging ang pintuan ng kuwarto. Sa bawat malalim na paghinga ay dinig ko ang malakas na tibok ng aking puso, pinagpapawisan ako nang malagkit at nagdadasal na sana ay magising na ako sa bangungot na ito. Maya-maya ay narinig ko ang boses ng bata, "..PITO... WALO..." Habang papalapit ang sampu ay lalong lumalakas ang kanyang boses tanda na papalapit din siya sa aking kinalalagyan, mas lalo akong kinabahan. Umiiyak na ako dahil sa sobrang takot na nararamdaman ko.
"... SIYAM..." Narinig ko ang tunog ng pintuan ng kuwarto na bumubukas nang dahan-dahan,
Imposible, ni-lock ko iyon. Sa isip-isip ko. Sa sobrang takot ay ipinikit ko na lamang ang aking mga mata.
"..SAMPU." Narinig ko 'yung bulong ng bata galing sa aking likuran, binigkas niya ang huling bilang mismo sa aking kaliwang tainga, nanlaki ang aking mga mata dahil sigurado ako na nasa likod ko lang siya. Maya-maya ay naramdaman ko ang isang matalas na bagay na humiwa sa aking lalamunan. Binuksan ko ang pinto at lumabas ng aparador. Hindi ako nagkamali, bumubulwak ang napakadaming dugo mula sa aking leeg. Nanlabo ang aking paningin at tuluyan na akong hindi nakahinga. Hinayaan ko na lang ang aking katawan na bumagsak sa sahig dahil alam kong ito na ang aking katapusan.