Nagmadali akong pumasok sa bahay nina Ate Divine, kunwari ay parang walang nangyari.
"Ay naku. Salamat na lang po. Alam niyo naman na hindi ako umiinom ng kape dahil acidic ako eh," medyo natataranta kong sagot sa alok ni Ate Divine. Nakarehistro pa din kasi sa akin ang imahe ng dalawang ulo na hawak nung bata.
Kinuha ko ang isang plastik na silya at doon umupo. Tumingin ako sa kanila at kitang-kita ko ang lungkot sa kanilang mga mata. Tahimik na iniinom ni Ate Divine ang kanyang kape. Halata na kagagaling pa lang niya sa pag-iyak dahil namumugto pa ang kaiyang mata. Napabuntong-hininga ako.
"Migs. Ikaw daw ang unang nakakita sa bangkay ni Brenda?" tanong ni Ate Divine sa akin, napatingin ako kay Ate Faye.
"Opo, kanina kasi nakatambay ako sa labas. Nakita kong bukas ang bahay ninyo kaya nagtaka ako dahil ang sabi sa akin ni mama ay wala daw tao dito. Inisip ko na baka napasok kayo ng magnanakaw kaya pumasok na ako, at doon ko nakita si Brenda," paliwanag ko sa kanya.
Napaisip si Ate Divine. "Hindi kaya talagang magnanakaw ang pumatay sa kanya? Marahil ay nanlaban siya kaya nangyari yun," sapantaha ni Ate Divine.
Puwedeng ganun nga ang nangyari, kahit ako ay iyon ang iisipin ko kung hindi ko nakita ang misteryosong bata na lumabas sa kanilang bahay.
"Pero kung magnanakaw lang iyon, bakit kailangan pa siyang paslangin sa ganung paraan?" pko.
"Sabagay. Tama ka. Hindi pa din ako makapaniwala. Dapat talaga pala pinilit ko na lang siyang sumama sa akin." Garalgal ang boses ni Ate Divine, naiiyak ulit siya. Sa mahabang panahon na nakasama niya si Brenda ay sobrang napalapit ang loob niya sa aking pinsan. Sino ba naman kasi ang hindi mapapamahal sa napakakulit at.... Sige na nga, napakagandang babae na yun. Patay na naman siya eh, pagbibigyan ko na.
"Huwag mong sisihin ang sarili mo Ate Divine. Wala kang kasalanan sa nangyari," sabat ng kanina pang tahimik na si Ate Faye. Tahimik lang siya dahil maya't-maya niyang tinitingnan ang kanyang cellphone. Sigurado ako na hinihintay niya ang mga text ng kanyang manliligaw na si Max.
"Pero hindi ko maiwasan na sisihin ang aking sarili, kargo ko siya dahil dito siya nakatira sa bahay," sagot ni Ate Divine.
"Pero wala naman pong may gusto ng nangyari," saad ko. Wala naman kasi talagang may gusto nito, maski ako ay sinisisi ang sarili dahil batid ko na puwedeng may masamang mangyari kay Brenda dahil sa pangitain kong iyon. Pero hindi ko kaagad napaalam sa kanya.
"Oo nga pala Migs. Hindi ba hinahanap mo kanina si Brenda? Bakit mo siya hinahanap?" tanong ni Ate Faye.
Sa hindi malamang dahilan ay nabigla ako sa tanong ni Ate Faye, pinagpawisan ako nang malamig. Hinahanap ko nga pala si Brenda upang sabihin ang aking pangitain. Napayuko lang ako. Iniisip ko kung sasabihin ko ba yung nakita ko. Siguro nga ay dapat ko nang sabihin yun dahil pakiramdam ko ay magpapatuloy ang bangungot na ito. Siguro ay dapat ko na itong ipaalam sa kanila dahil baka may kinalaman iyon sa pagkamatay ni Brenda.
"Ano kasi. Ahhmmm," nauutal kong sambit.
"Bakit mo hinahanap ang pinsan mo Migs? Hindi ba't magkasama pa lang kayo kahapon?" pag-uusisa ni Ate Divine.
"Ano kasi." Naiilang akong sabihin dahil baka hindi sila maniwala. Nagkatinginan lang ang dalawa.
"Nakita ko kahapon si Brenda na walang ulo. Yun din ang dahilan kung bakit nanikip ang aking dibdib at nawalan ng malay. Sa sobrang pagkatakot siguro," patuloy ko. Pakiramdam ko kasi ay nahihiwagaan na sila sa aking mga kilos. Ramdam ko ito sa kanilang mga tingin.
"Diyos ko mahabagin. Bakit hindi mo kaagad sinabi?" pasigaw na tanong ni Ate Divine. Nagulat ako sa naging reaksyon niya. Maging si Ate Faye ay mahahalatang nagtaka.