Tatlumpu't pito

4.9K 117 19
                                    

"Huwag kang mag-alala, hindi ko hahayaan na agawin niya ang buhay na dapat ay sa iyo. Basta't sundin mo lang ang lahat ng sasabihin ko sa iyo ha?" Iyon ang bilin ko sa kanya.

Kailangan kong unahan ang demonyo.

Kailangan kong mapatay si Liza bago pa niya makuha ang kaluluwa ng dalawang babaeng mahal ko.

Kailangan kong mapatay si Liza bago pa man maangkin ng demonyo ang kanyang katawan.

Kapag nagawa niyang patayin sina Ate Faye at Liza ay makukumpleto na ang anim na kaluluwa. Ibig sabihin nun ay bigo ako sa pagligtas ng kanilang buhay.

Ito lang ang alam kong paraan upang matutulungan si Liza. Sa ganitong paraan ay hindi na maaagaw ang kanyang katawan.

"Huwag kang matatakot kapag-"

Napaatras ako dahil biglang tumunog ang pinto nang pagkalakas-lakas. Tunog ito ng puwersahang pagbukas. Si Liza naman ay napatakip na lang ng tainga dahil sa gulat.

Dahil sa pagkataranta ay agad kong binuhat si Liza. Umatras ako hanggang sa mapunta kami sa pinakagilid.

Tatalon na sana ako upang wakasan ang aming mga buhay ngunit isang boses ang nagpatigil sa aking gagawin.

"Miguel! Parang awa mo na. Huwag mong idamay ang anak ko." Humarap ako sa kanya habang hawak-hawak nang mahigpit si Liza. Nakita ko na may kasama siyang tatlong guwardya, nakatutok ang kanilang baril sa akin.

Bigla akong pinanghinaan ng loob. Alam kong walang kasalanan si Ate Divine sa mga nangyayari, lalong-lalo na si Liza. Alam kong kapag ginawa ko iyon ay parang sinira ko na rin ang buhay niya dahil hindi biro ang mawalan ng isang anak. Pero gusto kong matulungan si Liza. Ayaw kong matulad siya sa sinapit ni Miguel.

"Bitawan mo ang bata!" sigaw ng isang hindi kilalang boses.

Awtomatiko kong inilabas ang patalim na ginamit ko pa kanina upang makalas ko ang aking pagkakatali. Itinutok ko ito sa leeg ni Liza.

Ramdam ko ang panginginig ng bata, takot na takot siguro siya.

"Mama!" pag-iyak ni Liza. Kumakawala siya mula sa aking mahigpit na pagkakahawak ngunit hindi ko siya hinayaan.

"Bitawan mo ang bata! Demonyo ka talaga. Ilang buhay pa ba ang kailangan mong paslangin?" Biglang sumulpot si Kuya Marco.

"Hindi mo ako naiintindihan Kuya." Nagsisimula nang mangilid ang luha sa aking mga mata.

"At wala akong panahon para intindihin ang isang demonyong tulad mo!"

"Isa pa, hindi kita kapatid. Matagal nang patay ang kapatid ko!" Singhal niya. Katulad nang dati ay matigas pa rin siya pagdating sa akin. Hindi ko naman siya masisisi sapagkat nawalan siya ng dalawang kapatid nang dahil sa kagagawan ko.

Alam kong wala ding patutunguhan kung patuloy akong magpapaliwanag. Isa akong demonyo na nakagawa ng napakalaking kasalanan. Hinding-hindi nila ako maiintindihan, at mas lalong hindi nila ako paniniwalaan.

"Huwag mong saktan ang anak ko. Nagmamakaawa ako sa iyo." Ang hirap makita sa ganung sitwasyon si Ate Divine. Parang dinudurog ang puso ko dahil sa patuloy niyang pag-iyak.

Hindi ko alam kung normal ba sa isang demonyo ang maawa at magkaroon ng konsyensya. Normal ba na magsisi at ang magmahal?

Hindi siguro.

Pero dahil ito ang nararamdaman ko ngayon, masasabi kong binago na nga ako ng pagmamahal. Pagmamahal kay Isay, at pagmamahal sa pamilyang aking kinalakihan.

Hindi ko mapigilan ang mga luhang pumapatak sa aking mata. Hindi ko man lang nasilayan sa huling pagkakataon ang mga taong naging bahagi ng aking buhay. Gusto kong yakapin si Isay, si Ate Faye, ang mga pamangkin ko, lalong-lalo na si Mama.

THE PLAYMATETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon