Labing-apat

11.2K 205 29
                                    

"Magandang araw, ikaw ba si Miguel?" bungad ng isang lalaki sa akin na sa palagay ko ay nasa edad beinte-kuwatro hanggang beinte-siyete.

"Opo, ako nga. May kailangan po ba kayo sa akin?" tugon ko sa kanya.

"Ako si Detective Alfred, maaari ba namin kayong anyayahan sa aming opisina para sa ilang mga katanungan?" magalang na tanong ni Detective Alfred sa akin.

"Para saan po?" pagtataka ko. Napakunot ako ng noo.

"Huwag kayong mag-alala sir, sandali lang naman iyon. Ikaw kasi ang nakakita sa bangkay."

"Aaminin ko na wala pa kaming lead kung sino ang pumatay sa inyong pinsan. Kailangan mo lang sagutin ang ilang katanungan kung gusto mo na magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ng iyong pinsan," paliwanag ni Detective Alfred.

Hustisya? Kung para sa hustisya ay malugod akong sasama sa kanilang opisina. Sa ngayon, ang tanging nais ko ay mahuli ang gumawa nito sa aking pinsan. Napakasama niya para gawin ito kay Brenda. Kailangan kong malaman kung sino ang gumawa nito at yung bata, kailangan kong malaman ang katauhan ng batang iyon.

"Sige. Pero sana hindi ko kailangang magtagal dun, kailangan ako ng mama ko ngayon," paalala ko sa Detective na sa tingin ko ay siya ang hahawak ng kaso ni Brenda.

Nagtungo ako sa bahay upang magpalit ng damit dahil may mga bakas ito ng dugo, bago umalis ay kinausap ko muna si Ate Faye.

"Ate Faye, ikaw muna ang bahala kay mama. Sinabihan ko na si Aling Martha na bantayan ang bahay nina Ate Divine hanggang sa dumating ang mag-ina," paalam ko sa kanya.

"Saan ka pupunta?" tanong niya sa akin. Nakaupo siya sa sofa habang hawak ang kanyang cellphone.

"May mga katanungan lang daw yung mga pulis na nag-imbestiga sa pagkamatay ni Brenda, ako daw kasi ang unang nakakita sa bangkay niya," paliwanag ko sa aking kapatid.

"Osige, mag-iingat ka," sambit ni Ate Faye.

Nagmadali akong lumabas para makisakay sa sasakyan ng mga pulis. Agad na umandar ang sasakyan at natanaw ko mula sa malayo ang pagdating ni Ate Divine, halata ang pagtataka sa kanyang mukha nang makita na madaming tao sa kanilang bahay.

Pagdating ko sa pulisya ay agad akong pinaupo sa isang maliit na silya katapat ng isang mesa na may nakapatong na makinilya.

"Anong oras mo huling nakitang buhay ang iyong pinsan?" bungad na tanong sa akin ni Detective Alfred.

"Kahapon ng mga bandang alas-dos ng hapon, magkausap kami sa aming bahay," sagot ko sa kanyang tanong. Habang nagsasalita ako ay mabilis namang nagtitipa ang isang lalaki gamit ang lumang makinilya.

"Wala ba siyang naikuwento sa iyo, kung mayroon siyang problema o kaaway?" muling tanong ni Detective Alfred.

Saglit akong nag-isip at inalala ang mga napag-usapan namin, medyo hindi ko kasi maalala ang ilan sa mga nangyari noong hapon na iyon. Biglang pumasok sa isip ko ang ikinuwento niya tungkol sa alaga niyang si Liza, pero kung ikukuwento ko ba iyon ay maniniwala siya? Baka pagtawanan lang nila ako dito.

"Uulitin ko, wala ba siyang naikuwento sa iyo, kung mayroon siyang problema o kaaway?" Paulit na tanong niya sa akin.

"Wala naman sir. Tungkol sa eskuwelahan lang ang napag-kuwentuhan namin nung araw na iyon," paglilihim ko. Bigla na lang akong nagging hindi kumportable.

"Anong oras mo nakita ang kanyang bangkay?" usisa pa niya.

"Hindi ko na po matandaan 'yung eksaktong oras, pero palagay ko ay mga bandang alas-kuwatro iyon," sagot ko sa kanya. Hindi ako sigurado dahil wala naman na akong panahon pa para tumingin sa orasan.

"Bakit po may mga dugo ang damit niyo kanina? Saan niyo po nakuha ito?" magkasunod niyang tanong.

"Nilapitan ko ang bangkay ng aking pinsan, inalam ko kung may pulso pa ba siya at kung maaari ko pa ba siyang mailigtas," kampante kong sagot sa kanyang tanong.

"Wala ka bang napansin na kahina-hinalang tao sa lugar bago mo nakita ang bangkay?" muli niyang tanong.

Nag-isip akong muli kung ano ang isasagot ko sa kanyang tanong, hindi ko puwedeng sabihin na mayroon akong nakitang kahina-hinalang bata. Hindi puwede. Magmumukha akong gumagawa lang ng kuwento.

"Ah—eh," bigla-bigla ay nauutal ako, hindi ko alam pero bigla akong kinabahan sa halos sunod-sunod niyang mga katanungan. Pinagpapawisan ako pero hindi ko maintindihan kung bakit.

Maya-maya ay may narinig ako na isang paswit mula sa aking likuran, kinakabahan akong lumingon.

"Pssst," narinig kong muli iyon. Mga apat na beses na paswit ang rumehistro sa aking pandinig.

Napapikit ako sabay hinga nang malalim.

"Sir, okay ka lang ba?" tanong ni Detective Alfred sakin.

"Wala. Wala akong nakita," matigas na tugon ko sa kanila.

"Puwede na ba akong umuwi? Sumama bigla ang pakiramdam ko, kung wala na kayong katanungnan aalis na ako," paalam ko kay Alfred.

"Sige sir, puwede na kayong umuwi. Ipapatawag na lang namin kayo kapag may lead na sa kasong ito," sagot niya na parang hindi kumbinsido sa mga sagot ko. Tumayo ako sa aking upuan at tiningnan ang direksyon kung saan nanggagaling ang kanina ko pa naririnig na paswit, nabigla ako sa aking nakita.

"Pogi, Anong pangalan mo? Kunin ko number mo," sabi ng isang matandang lalaki na mayroong makapal na kolorete sa mukha, nakapambabae itong baro at nakasapatos na mayroong mataas na takong.

Napailing lang ako sabay talikod sa kanya, akala ko naman kung ano na. Nakahinga ako nang maluwag.

Napansin ko naman na nakangiti ang lahat ng mga pulis na nandun.

"Hoy. Ikaw talaga, tinatakot mo 'yung bata. Hindi ka na lalabas diyan, palagi ka na lang nababagansiya," pang-aasar ng isa sa mga pulis.

"Tse. Inggit ka lang kasi hindi kita pinapansin," mataray na kutya nito sa pulis.

"Uy pogi, sige na. Kunin ko 'yung number mo. Kakailanganin mo ang tulong ko," pangungulit pa nito.

Nairita ako sa sinabi niya dahil kung pera ang tinutukoy niya ay hindi ko kailangan nun.

Lumabas na ako ng pulisya at agad na nag-abang ng masasakyan pauwi.

***

"Sir, mukhang may tama yung kausap niyo kanina ah?" sabi ng isa sa mga pulis kay Alfred.

"Siya ang una sa listahan ng ating suspek, mukhang hindi siya nagsasabi ng totoo kanina," sambit ni Alfred sa lalaking nagtitipa kanina.

"Sige sir," sagot naman nito sa kanya.

"Malakas ang kutob ko na may inililihim ang Miguel na iyon, kung ano man 'yun, aalamin ko," seryosong saad ni Detective Alfred.

Lumapit ang isa sa mga kasama ni Detective Alfred na nag-imbestiga sa pinangyarihan ng krimen, may iniabot siyang malaking box na naglalaman ng mga maaaring gamiting ebidensiya para mahuli ang gumawa ng krimen.

"Sir, ito po yung mga nakalap namin na possible evidence sa crime scene. Nakita po namin ang mga yan malapit mismo sa bangkay ng biktima." Bungad nito kay Detective Alfred.

Binuksan ni Alfred ang box at nakita niya ang mga laman nito. Strands ng maikli, itim at kulot na buhok, sample ng dugo na nakita sa crime scene, at isang kulay puti na panlalaking panyo na may kaunting bahid ng dugo.

THE PLAYMATETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon