Labing-siyam

9.3K 155 54
                                    

Naramdaman kong parang may mali kay Ate Faye kaya agad akong pumasok ng bahay para kausapin siya. Naabutan ko siyang naka-upo sa sofa pero hindi ako kaagad nagsalita, nag-isip muna ako ng topic para maka-usap siya. Kahit hindi kasi siya mag-salita ay alam kong may problema siya sa sinabi ko kanina.

"Grabe no? Natatandaan mo yung sinabi ko sa'yo kanina? Kaya pala kinakabahan ako. Ito pala yung mangyayari," tiningnan lang niya ako pero hindi siya sumagot. Tama ako, may nasabi nga akong hindi maganda. May nasabi akong hindi niya nagustuhan. Umupo ako sa tabi niya at kiniliti ko ang kaniyang tagiliran.

"Uy, galit ka ba? May nasabi ba ako kanina. Sorry na kung hindi ko kaagad nasabi sa inyo yung tungkol kay Brenda." Ayun ang sinabi ko dahil wala naman akong maisip na ibang dahilan na puwede niyang ikasama ng loob.

"Ewan ko sa'yo Migs. Hindi naman yun tungkol doon eh. Ang ikinaiinis ko sa iyo, ay yung pagbintangan mo kami ni mama na pag-iisipan ka namin ng masama. Yun ba ang tingin mo sa akin? Yun ba ang tingin mo sa amin ni mama?" pagmamaktol niya.

Ah ayun.. Hindi ko naman akalain na ikasasama pala niya iyon ng loob. Malay ko ba, yun naman talaga kasi ang nararamdaman ko. Lalo na noong marinig ko ang usapan nila ni mama.

"Ayun ba? Hindi ko naman kasi maiwasan," tugon ko. Ang sensitive naman nitong ate ko. Pero hindi ko siya masisisi, naiintindihan ko kung bakit siya nagtatampo.

"Wala ka naman dapat ikatakot eh. Nakakasama lang ng loob na parang sinasabi mo na hindi ka namin maiintindihan. Alam mo naman kung gaano ka namin kamahal tapos ganiyan. Naku." Hindi tumitingin sa akin si Ate Faye, nagtatampo talaga. Anong paliwanag kaya ang gagawin ko?

"Eh sorry na. Hindi ko naman talaga sinasadyang pag-isipan kayo ng ganun. Marami lang siguro talaga akong iniisip simula noong linggo. Kung anu-anong bangungot yung nararanasan ko. Pero promise, hindi na mauulit," pagsusumamo ko kay Ate Faye. Hindi ako sanay na siya yung nagtatampo sa akin. Madalas kasi na ako ang nagtatampo. Tumingin siya sa akin nang pailalim. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng tingin na iyon.

"Naku, ewan ko talaga sa iyo." Hindi pa din niya ako napapatawad. Aba, mahal kaya ang paghingi ko ng sorry. Minsan lang ito, mataas kasi yung pride ko. Ayaw ko lang dagdagan pa yung bigat na nararamdaman ko sa pagkamatay ni Brenda kaya pilit ko siyang sinusuyo. Pero bukal ang paghingi ko ng tawad. Ayaw ko ding matulog nang may sama siya ng loob sa akin.

"Sige, bahala ka. Hindi kita patutulugin hangga't hindi nawawala yung usok diyan sa ilong mo. Sorry na kasi. Natakot lang talaga ako dahil sa mga nangyayari. Lalo na noong narinig ko kayong nag-uusap ni mama." Hala. Nasabi ko ang tungkol doon. Hindi ko sinasadya, nadulas lang ako. Eto naman kasing si Ate Faye eh.

"Ha? Anong usapan?" natatarantang tanong ni Ate Faye. Ang alam nga pala nila ay tulog ako noong mga oras na iyon. Naloko na. Hindi ko tuloy alam kung paano ako lulusot.

"Wala yun. Sige na kasi, wag ka nang magalit. Hindi ako makakatulog niyan, malamang pati ikaw. Kaya mo bang makatulog nang galit sa akin?" pangongonsensiya ko sa kaniya. Alam kong kaunti na lang at mapapalamig ko na din ang ulo nitong sensitive kong ate.

"Tse! Kung hindi lang talaga kita mahal eh. Hindi naman ako galit, nakakainis lang yung mga sinabi mo kanina," katwiran niya sa akin sabay irap. Alam ko namang hindi niya ako kayang tiisin eh. Kaunting drama lang at bibigay na din siya sa mga maaamo kong mata. Tsaka alam ko din kung gaano kabuting kapatid si Ate Faye, mana siya kay mama. Sobrang bait, pero grabe kung magalit. Tsaka totoo yung sinabi niya, hindi pa siya galit niyan. Hindi mo gugustuhin na magalit yan. Promise.

"Okay na tayo ah? Wag ka nang mag-inarte diyan. Sorry talaga," muli kong paghingi ng tawad.

"Oo na. Sorry din. Mainit lang din siguro yung ulo ko kanina. Basta sinasabi ko sa iyo, huwag na huwag ka na ulit maglilihim sa amin ni mama. Kakampi mo kami. Kung alam mo lang kung paano nag-aalala si mama sa iyo," tugon niya. Nakita ko na siyang ngumiti kaya medyo napanatag na ako.

"Bakit naman mainit ulo mo? Dahil kay Max yan ano? Sasapakin ko yun kapag pumunta ditto," pagbabanta ko kay Ate Faye na may halong biro.

"Salbahe ka talaga. Hindi. Wala iyon, may problema lang ako sa trabaho," sagot niya, alam kong hindi siya nagsasabi ng totoo kaya naging makulit ako.

"Sus, kunwari ka pa. Siguro pinipilit ka na niyang sagutin mo siya no? Naku, wag lang talagang magpapakita sa akin yang manliligaw mo," muli kong pagbabanta. Nakatawa ako pero nakakaramdam ako ng inis. Sigurado kasi akong si Max ang dahilan ng pag-init ng kanyang ulo. Nakakainis dahil halatang apektado si Ate Faye, eh sobrang ayaw ko nga kasi talaga sa lalaking iyon para sa kanya.

Napatingin lang si Ate Faye sa akin, hindi siya umiimik. Seryoso ang kanyang mukha at parang may gustong sabihin. "Migs, paano kung...." Bigla siyang huminto sa pagsasalita at yumuko.

"Ano yun ate?" Tanong ko sa kanya, mukhang siya naman ang may inililihim sa akin. Kanina lang pinagsasabihan niya ako tungkol dito. Ate ko talaga siya walang duda.

Napabuntong-hininga lang siya.

"Wala. Tsaka na natin pag-usapan. Anong oras na pala? May pasok pa ako." Tanong ni Ate Faye, alam kong umiiwas lang siya sa usapan.

"Yan.. yan... Kakasabi mo lang sa akin na huwag maglilihim, pero ikaw yung may mukhang may inililihim ngayon," pangongonsensya ko sa kanya.

"Basta sasabihin ko din sa iyo, inaantok na ako. Baka ma-late ako sa trabaho. Ikaw din, hindi ba may pasok ka mamaya sa trabaho?" Hindi ko na siya pinilit pa, inaantok na din kasi ako.

"Hindi ko alam. Baka mag-resign na din ako, sa mga nangyayari ngayon hindi ko alam kung makakapag-trabaho pa ako nang maayos."

Naguguluhan pa ako sa ngayon, parang hindi ko pa kayang magtrabaho dahil sa bigat ng mga pangyayari. Pero siguro pipilitin ko na lang kayanin. Para kahit hindi pa ako nakakatulong, nakakabawas naman ako sa gastusin.

"Bukas na natin pag-usapan yan. Inaantok na talaga ako. Sige, akyat na ako. Matulog ka na din ha?" paalala ni Ate Faye, naghihikab pa siya habang sinasabi yun. Nakatanaw lang ako sa kanya habang umaakyat siya sa hagdan.

Inaantok na din ako, pero natatakot akong matulog sa aking kuwarto. Dyahe naman kung tatabi ako kay Mama o kaya kay Ate. Nagpasya akong sa sala na lang muna matulog, kahit na mag-isa ako ay wala namang aparador at kamang tataguan yung batang nakita ko sa aking kuwarto.

Napansin ko na sobrang tahimik kaya naisipan kong buksan ang TV. Nung hinahanap ko yung remote ay nakita ko ang phone ni Ate Faye sa lamesita. Nakalimutan niya siguro sa sobrang antok. Noong una ay hindi ko ito pinansin at nagpatuloy lang ako sa paghahanap, pero maya-maya ay bigla akong nagka-ideya na basahin ang inbox ng cellphone ni ate. Gusto ko talagang malaman kung bakit mainit ang ulo niya at kung ano yung dapat ay sasabihin niya kanina. Tinitigan ko ang cellphone ni ate. Iniisip ko kung babasahin ko ba o hindi. Alam kong mali ang mangialam ng gamit ng iba at masamang panghimasukan ang pribadong pagmamay-ari ng isang tao kahit kapatid mo pa.

Natukso ako, kinuha ko ito at binuksan. Tumingin pa ako sa itaas dahil baka gising pa si ate at makitang pinakikialaman ko ang personal niyang gamit. Nanginginig pa ang aking kamay habang hawak ang kaniyang cellphone. Mabuti at alam ko ang code nito dahil madalas ko itong hiramin tuwing maglalaro ng games.

Huminga muna ako nang malalim at saka inisa-isang basahin ang latest messages sa kaniyang inbox, pero wala akong nabasa kahit isa. Malamang binura na ni ate yung naging usapan nila kanina. Ilalapag ko na sana yung phone pero bigla kong naisipan na maghanap ng luma nilang conversation. Sa paghahanap ko, madami akong nabasa at may isang bagay akong natuklasan. Nag-init bigla yung ulo ko at hindi malaman kung ano ang mararamdaman sa lahat ng aking nabasa. Pakiramdam ko ay pinagtaksilan ako. Pinagsasabihan niya ako na huwag maglihim pero bakit siya, ginawa niya?   

THE PLAYMATETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon