"Nasaan pala si Brenda? May kailangan siyang malaman," nag-aalala kong tanong sabay tingin sa kanilang bahay. Nakita kong sarado ang pinto nito kaya't napatingin ako kay mama na noong mga oras na iyon ay nakapasok na sa loob namin.
"Anong importanteng bagay ba iyan at 'tila hindi maipinta 'yang mukha mo?" tanong sa akin ni mama.
Pumasok ako sa loob ng bahay at siya namang sunod ni Isay, umupo ako sa sofa.
"No'ng katext ko siya kanina, ang sabi niya ay papasok siya. Mamayang alas-siyete parehas kami ng klase. May ipapasabi ka ba?" tanong ni Isay sa akin.
"Hija, maupo ka. Ito talagang si Miguel, hindi man lang maayang umupo ang kaibigan niya," pagalit sa akin ni mama. Napatingin naman ako kay Isay at umupo na lang ito sa aking tabi.
"Hindi po tita, ayos lang po 'yon," nakangiting sambit ni Isay. Pumunta si mama sa kusina upang magtimpla ng juice.
"O, may bisita pala tayo," gulat na bulalas ng pababa na si Ate Faye.
"Magandang hapon po Ate Faye," magalang na tugon ni Isay.
"Magandang hapon ganda, anong problema niyan?" tanong ni Ate Faye nang makitang problemado ako. Nagkibit-balikat lamang si Isay.
"Si Brenda!" sabat ko at alam kong nahalata nila ang aking pag-aalala.
"O? Anong meron kay Brenda?" tanong muli ni Ate Faye.
Naisip ko kung sasabihin ko ba ang nakita ko, hindi ko naman kasi sigurado at hindi pa malinaw sa akin ang lahat. Ayaw kong sabihin dahil baka lalong mag-alala sina mama sa kalagayan ko. Minabuti ko na lamang na ilihim ang nakita ko.
"A, wala 'yon, may kailangan lang ako sabihin sa kaniya nang personal," pagsisinungaling ko sa kanila.
"Ang OA naman nito. Akala ko mamamatay na si Brenda sa reaksiyon mo. Magpagaling ka na nga nang hindi ka nagiging OA," biro ni Ate Faye sabay tawa nang malakas. Dumating si mama dala ang tray kung saan nakalagay ang isang pitsel na juice at mga baso.
"Bakit mo nga pala hinahanap si Brenda?" tanong ni mama sabay lapag ng tray sa lamesita. Binuksan naman ni Ate Faye ang box ng pizza.
"OA lang yan si Migs 'ma. May sikreto lang siguro silang magpinsan," nangingiting pang-aasar ni Ate Faye sa akin. Hindi ko naman pinansin si Ate Faye at kumuha na lang ako ng pizza para ibigay kay Isay.
"Nakita ko kasi 'yong mag-ina na lumabas ng bahay, mukhang may lakad yata. Hindi ko naman nakitang kasama si Brenda," paglalahad ni mama.
"May pasok po siya tita, sigurado nasa school po iyon ngayon," tugon ni Isay bago pa kagatin ang hawak na pizza.
"A, ganun ba. Itext o tawagan mo na lang kung may importante kang sasabihin," pagbibigay suhestiyon ni mama, tumango lang ako bilang pagsang-ayon.
Hindi pa kami natatapos kumain ay bigla namang dumating ang asungot na manliligaw ni Ate Faye nang mahigit isa't kalahating taon, si Max.
Ewan ko ba, pero kahit wala siyang ginagawa sa akin ay asar na asar ako sa kaniya, mukha siyang hindi gagawa ng maganda. Gusto naman siya ni Ate Faye pero hanggang ngayon ay hindi pa din siya nito sinasagot. Marahil ay ako ang iniisip ni ate, alam kasi niya na ayaw ko kay Max.
"Magandang hapon po tita, magandang hapon Migs," bati niya sa amin at nang makita nito si Isay ay nginitian niya ito.
"Magandang hapon din Max, maupo ka at magmeryenda," sagot ni mama.
Hindi ko napansin na may dala din itong dalawang box ng Meryl's pizza at iniabot niya ito kay Ate Faye.
"Ano ba yan, gusto yata kaming purgahin sa pizza. Tsaka bibili lang ng pizza 'yong mumurahin pa," pang-asar kong bulong. Natawa si mama at Isay pero si Ate Faye ay halatang napikon at nilakihan ako ng mata.
"Salamat Max sa pizza, a. Favorite talaga namin 'to, e, kasi MURA NA MASARAP PA," pagdidiin ni Ate Faye. Ngumiti lang si Max at iniabot sa akin ang tsokolateng paborito ko.
"Ano 'to, suhol?" maangas kong tanong. "A, hindi, nasabi kasi sa akin ng ate mo na favorite mo 'yan," banggit ni Max.
"A, oo, dati. Pero ngayon, hindi na," sabay tingin kay Ate Faye. Nilakihan na naman niya ako ng mata na parang sinasabing umayos ako. Napangiti lang ako, wala na akong nagawa kung hindi kunin ang tsokolateng dala niya, isa pa ay siya lang naman talaga ang ayaw ko.
"Mukhang hindi ako bagay rito. Parang pugad ito ng Love birds kaya mas mabuti siguro kung aakyat muna ako," biro ni mama kaya't namula ako, tiningnan ko si Isay pero mukhang wala siyang ideya sa tinuran ng aking ina. Hindi naman kasi niya alam na may pagtingin ako sa kaniya.
Nakita ko sina Ate Faye at Max na nangingiti habang nakatingin sa akin. Nakaramdam naman ako ng inis dahil 'tila pinagkakaisahan nila ako. Kanina lang ay ako ang nang-aasar, pero mukhang ako ngayon ang nasa hot seat.
Naiilang tuloy ako.
Ilang minuto lang ang lumipas ay nagpaalam na si Isay na uuwi dahil may pasok pa siya nang alas-singko.
"Uuwi na po ako. Gusto ko pa sanang magtagal kaso lang may pasok pa po ako," paalam niya.
"Inumin mo muna itong juice," sabay abot ni ate ng isang basong juice kay Isay. Dahan-dahan niya iyong inubos bago tuluyang umalis.
"Sige, ingat ka pauwi, a," nakangiting pagpapaalam ni ate. Sakto naman na pababa na si mama kaya't nagpaalam na din si Isay sa kaniya.
"Sige hija, mag-iingat ka," sagot ni mama nang magpaalam si Isay.
"Sasabay na ako kay Isay, uuwi na rin po ako," paalam din ni Max. Akmang bebeso pa ito kay ate ngunit nang makita niyang nakatingin ako ay hindi na niya itinuloy.
"Mabuti naman," bulong ko, kinurot naman ako ng pasimple ni ate sa tagiliran.
"Sige na at magsabay na kayo, ingat kayo," nakangiting sambit ni mama.
Sakto naman at may humintong tricycle sa tapat ng bahay namin at doon na sila sumakay. Bago umandar ang sasakyan ay kumaway pa sina Isay at Max bilang tanda ng pagpapaalam.
Pinagmasdan ko nang maigi ang kagandahan ni Isay bago siya umalis, nakangiti ito sa akin. Dahil doon ay para akong nasa langit, subalit panandalian lamang iyon dahil nang umandar na ang kanilang sinasakyan ay bigla akong napatingin kay Max, katulad ng nakita ko kahapon sa pinsan kong si Brenda ay WALA itong ULO habang kumakaway. Sa takot ay agad kong kinuskos ang aking mga mata, nang muli kong tingnan si Max ay may ulo na siya.