Tiningnan ko nang diretso sa mga mata ang pinsan kong si Brenda kung seryoso ba ito sa mga sinasabi—baka kasi tinatakot lang niya ako. Pero nakita ko naman ang sinseridad sa kanyang mga mata.
Natakot din ako para sa aking pinsan, dahil kung ako mismo ang makakaranas ng gan'on ay siguradong hindi ko na aalagaan ang batang katulad ni Liza. Kung sabagay, kailangan naman talaga niya 'yung maliit na halagang inaabot sa kanya ni Ate Divine dahil mahirap mamuhay nang mag-isa dito sa Maynila. Kahit na maliit ay makakatulong pa rin sa kanya iyon.
"Pero sa susunod na pasukan naman ay hindi na ako ang mag-aalaga kay Liza dahil uuwi na ako ng Cebu, doon na ako mag-aaral. Kinukuha kasi ako ni kuya para siya na ang mag-papaaral sa akin. Kaso. . ." Saglit siyang huminto at itinuwid ang kanyang pagkakaupo at ngumisi. "Mag-aalaga pa rin ako ng mga pamangkin ko. Wish ko lang hindi sila weird katulad ni Liza," pagbibiro nito na bahagyang tumatawa. Pakiwari ko ay dinadaan na lang niya sa biro ang nararamdamang takot.
"Pero kung titingnan mo, bibong bata naman si Liza at hindi mo aakalain na gan'on kung magsalita. Inosenteng-inosente, nakakatuwa nga siya, e," pagbibigay ko ng opinyon.
"Yun nga. Baka isipin din ni ate ay kung ano-ano ang itinuturo ko sa anak niya, ako lang naman ang madalas kasama ng batang 'yon," aniya na puno ng kaba’t pagtataka.
"Hindi kaya sa mga napapanood niya sa TV?" tanong ko sa kaniya.
"Malabo, e. Kasi nga ako ang madalas niyang kasama, e hindi naman ako nagbubukas ng TV kapag kaming dalawa lang dahil 'yon ang bilin ni ate."
"Pinagbabawalan din siya manood ng TV kung hindi naman educational program 'yong panonoorin. Istrikta si ate pagdating sa telebisyon," patuloy na paliwanag ni Brenda.
"Baka siguro dahil bata lang, kung ano-ano siguro ang naririnig sa mga tambay riyan sa labas kaya ginagaya niya," sagot ko naman sa kaniya.
"Hindi ko nga maintindihan kung bakit siya natakot sa akin, e, bago ako dumating ay ang saya-saya pa niya," nagtataka kong paglalahad.
"A, 'yong kanina? E, nakakatakot ka naman talaga kasi," pang-aasar niya at napahawak sa tiyan nang humalakhak siya ng tawa.
"Grabe ka naman, parang hindi kita pinsan diyan, a," pabiro kong tampo sa kaniya at kunwari'y nalungkot ako.
"Ano ka ba, nagsasabi lang ako ng totoo 'no." Patuloy lamang siyang humagkikhik ng tawa.
"Minsan nga bawas-bawasan mo iyang pagsasabi mo ng totoo, nakakasakit ka na, e."
Natawa siya sa tinuran ko kaya't sabay kaming nagsitawanan.
Habang nagkukuwentuhan, nagulat na lamang kami dahil biglang pumasok si Liza. Binigyan nito ng mabalasik na titig si Brenda.
Nagkatinginan kaming dalawang mag-pinsan.
"Ano 'yon baby? Hinahanap na ba ako ni ate?" usisa niya sa bata.
Pero hindi pa rin inaalis ang nanlilisik na tingin nito kay Brenda.
Ngumiti lamang ang aking pinsan at agad na tumayo.
"Tara na baby, uwi na tayo. Paliguan na kita, ang baho mo na, o," aniya habang inaamoy-amoy ang leeg ng pamangkin.
"Sige na Migs, i-uuwi ko lang 'to. Maya na lang ulit tayo magkuwentuhan," paalam niya sabay hawak sa mga kamay ni Liza.
"Ok. Sige."
Hindi pa rin nawala ang tingin ko sa pamangkin ng aking pinsan. Iniisip ko kung bakit masama ang tingin nito kay Brenda—sa tita niya, sa taong nag-aalaga sa kaniya—pero wala akong maisip na dahilan. Pinilit ko na lang balewalain ang misteryosong tingin na iyon.
Nang papalabas na sila ay hindi ko namalayan na sa akin na pala nakatitig nang masama si Liza, nagulat ako dahil doon. Parang matanda kung tumingin ang apat na taon na si Liza, parang may pinaghuhugutan.
Hindi ko alam kung ano pero hindi basta simpleng titig iyon.
Para siyang galit sa akin, pero bakit?
Ano naman ang puwedeng dahilan?
Ang huling pagkakatanda ko ay takot na takot siya sa akin tapos ngayon ay parang siya na ang naninindak.
Tama nga ang pinsan ko, kakaiba ang batang ito. Nang makalabas sila ay tumalikod na rin si Liza, kasabay naman nito ang pagtingin ko sa pinsan kong si Brenda.
Agad na nanindig ang mga balahibo ko sa aking nasaksihan.
Pugot ang ulo ang aking pinsan!
Nagsimula nang sumikip ang aking dibdib. Pakusang nagsilabasan ang mga malalagkit at malalamig na mga likido sa buo kong katawan. Tila natunaw ang buo kong pagkatao't espiritu.
Pinikit ko na lamang ang aking mga mata, baka naman kasi namamalik-mata lang ako. Ngunit pagmulat ko ay wala pa ring ulo ang aking pinsan.
Unti-unti nang nanlabo ang aking paningin at tuluyan na akong naubusan ng hininga. Bigla na lamang nag-blanko ang lahat . . . .