Tatlumpu't apat

5.7K 123 21
                                    

Faye's P.O.V

Nasaan ako? Anong ginagawa ko rito? Bakit ako nakasuot ng damit pang-ospital?

Hindi ako pamilyar sa kuwartong ito.  Para bang isang lumang ospital. Ang buong paligid ay kinagat ng kadiliman. Tanging ilaw lamang sa pasilyo ang nagsisilbing liwanag na pumapasok sa silid.

Dugo?

Tama ba ang naaaninag ko?

Nagkalat ang dugo sa sa dingding. Hindi ako sigurado pero mukhang dugo nga ito.

Hinang-hinang ako at masakit ang aking katawan. Mistula akong isang lantang gulay. Para bang may isang malaking bagay ang bumagsak sa akin. Minabuti kong hindi muna gumalaw upang mabawasan ang pananakit nito.

Hindi ko maalala kung paano ako napunta dito. Sa tuwing binabalikan ko ang mga huling pangyayari ay matinding sakit lang ng ulo ang aking napapala.

Nang makabawi ng kaunting lakas ay pinilit kong bumangon para makaalis sa lugar na kinalalagyan ko. Malamang ay hinahanap na ako ni Mama.

Kahit mabagal ay nakarating pa rin ako sa pinto. Marahan kong binuksan ito at sa wakas ay nakalabas na rin ako. Iginala ko ang aking mga mata sa paligid.

Doon ko nasiguro na nasa ospital nga ako, pero bakit walang katao-tao? Anong klaseng ospital ito?

Isa pa, bakit ako na-ospital? Nasaan sina mama? Si Miguel? Si—? 

Si Isay! Kasama ko si Isay kanina na pupunta—

Si Mama! Nasa ospital nga pala si Mama. Bigla akong nakaramdam ng pag-aalala. Pinilit kong maglakad nang mabilis at tinahak ang nakapangingilabot na pasilyo.

Bawat kuwartong madadaanan ko ay saglit kong sinusulyapan.Pero lahat ng mga ito ay walang tao dahil nakapatay ang ilaw. 

Binalot ako ng hilakbot nang marinig ko ang isang nakapangingilabot na tinig. Paulit-ulit na umaalingawngaw ang isang matinis na boses sa unti-unting nagpatayo ng aking balahibo.

"Tagu-taguan, maliwanag ang buwan.."

Hinanap ko kung saan nanggagaling iyon pero wala akong makitang tao sa paligid. Nagmadali ako sa paglalakad at mas ninais kong makaalis sa lugar na ito. 

masarap maglaro sa dilim-diliman..

Sino iyon?

Hindi ko maintindihan ngunit pakiramdam ko ay palapit siya nang palapit sa akin. 

wala sa likod, wala sa harap..

pagkabilang kong tatlo nakatago na kayo..

Hindi ko mawari ang aking takot na nararamdaman. Napakabilis ng pagtibok ng aking puso. Mas lalo ko pang binilisan ang paglalakad.

ISA..

DALAWA..

TATLO.."

Biglang may isang hindi kilalang nilalang ang humila sa akin papasok sa isang kuwarto. Bago pa man ako makasigaw ay natakpan na niya ang aking bibig upang hindi ako makalikha ng anumang ingay. Madilim sa kuwartong ito. Noong umpisa ay nagpupumiglas ako, ngunit nang makilala ko ang boses niya ay biglang nawala ang aking kaba at halos mapaiyak na ako.

"Ate Faye, ako ito. Si Isay." Tinanggal niya ang kanyang kamay sa aking bibig at nagpakilala siya sa mahinang pamamaraan.

Nagsimula nang pumatak ang mga luha sa aking mata. Para akong nabunutan ng tinik nang tingnan ko siya, si Isay nga. 

Mabilis ko siyang niyakap at saka tuluyang humagulgol. 

"Shhh. Ate, huwag kang maingay. Baka marinig tayo nung bata," bulong niya. Sinigurado niyang naka-lock ang kuwarto at para bang may sinisilip sa labas. Halata sa kanya ang pagkataranta.

THE PLAYMATETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon