Hindi ko na alam kung saan ako pupunta. Wala akong kakampi. Wala akong karamay. Isa akong takas sa bilangguan, at ang mas masaklap ay isa akong demonyo. Demonyo na nang-agaw ng katawan ng isang musmos. Wala akong kasing-sama.
Hindi ko mapigilan ang bugso ng aking damdamin. Wala akong mukhang ihaharap kina Mama at Ate Faye, lalong-lalo na kay Kuya Marco.
Naisipan kong puntahan ang kaibigan kong si Isay. Siya lang ang tanging tao na alam kong malalapitan upang mahingan ng tulong. Naging mabait siya sa akin sa ilang taong pagkakaibigan namin. Kahit siguro na malaman niya ang tunay kong pagkatao, tatanggapin pa din niya ako. Kailangan kong mapigilan ang puwedeng mangyaring masama kay Ate Faye, at alam kong matutulungan niya ako.
Nang makarating ako kina Isay ay naabutan ko sina Ate Dan at ang kanilang ina na aalis.
"Ate Dan, nandiyan po ba si Isay?" Hindi ako makatingin sa kanya nang diretso.
"Hindi mo ba siya kasama? Kanina pang umaga umalis." Napansin kong aligaga ngayon si Ate Dan. Bakas sa kanyang kilos ang pag-aalala.
"Kani-kanina lang ay may tumawag sa amin at ang sabi ay naaksidente raw si Isay. Pupunta kami ngayon sa ospital para siguraduhin kung totoo ba iyon." Hindi ko napigilan ang magulat. Naaksidente? Maaari kayang—?
Huwag naman sana. Anim ang kaluluwang kailangan upang maangkin ang katawan ni Liza. Apat na ang nawalan ng buhay, ibig sabihin ay may dalawa pa. Kung si Ate Faye ang pang-lima, posibleng si Isay ang pang-anim.
"Ha? Kailan pa? Saang ospital daw?" natataranta kong tanong. Kaya pala iba ang kutob ko kanina pa. Hindi ito maaari, hindi puwede na may mangyaring masama kina Isay at Ate Faye.
"Papunta na kami ngayon doon, ayaw mo bang sumabay?" pag-aya ni Ate Dan sa akin. Mukhang nagsasabi nga siya ng totoo.
Gusto ko sanang sumama at puntahan ang babaeng minamahal ko. Pero naalala ko na hindi ako puwedeng magpakita basta-basta. Isa akong takas at anumang oras ay maaari akong mahuli. Kapag nangyari iyon ay mapupurnada ang naisip kong plano.
"Ah— salamat na lang Ate Dan, maaari ko bang malaman kung saang ospital para makasunod kaagad ako?" pagdadahilan ko.
"Sige," Binigay lang niya sa akin ang pangalan ng ospital at kaagad din silang umalis.
Hinding-hindi ako makakapayag na magtagumpay ang batang iyon. Ito na lang siguro ang tanging magagawa ko upang makabawi sa trahedya na naidulot ko noon. Gagawin ko ang lahat upang maitama ang mali ng nakaraan.
Isa lang ang naiisip kong paraan upang hindi makuha ng demonyong iyon ang katawan ni Liza. Alam kong magiging mahirap ngunit kailangan ko itong maisakatuparan bago pa mahuli ang lahat.
Napagpasyahan kong silipin ang kalagayan ni Isay sa ospital, nagbabakasakali na makita siya sa huling pagkakataon. Gusto kong makasiguro na walang mangyayaring masama sa kanya. Pagkatapos ko siyang masilayan ay gagawin ko na kaagad ang naisip kong paraan.
Bago ako magtungo doon ay dumaan muna ako sa tindahan ng mga lumang gamit. Naisip ko na bumili ng magagamit ko para hindi ako makilala ng mga pulis.
Noong nandoon na ako ay saka ko lang naalala na wala pala akong perang pambili kaya naisipan kong kunin na lang ang makita ko nang walang bayad. Tutal ay isa na naman akong kriminal, paninindigan ko na. Kumuha ako ng sumbrero at salamin. Tyumempo akong walang nakatingin kaya't malaya ko itong naitago at nailabas.
Unang beses ko itong ginawa. At sobrang labag sa kalooban ko, pero siguro nga totoong may mga bagay tayong nagagawa kahit hindi natin gusto. Yung mga bagay na napipilitan lang tayong gawin dahil hinihingi ng pagkakataon.