Nagising ako dahil narinig ko sina Mama at Ate Faye na nag-uusap hindi kalayuan sa aking hinihigaan. Kahit gising na ako ay hindi ko pinahahalata dahil mukhang ako ang pinag-uusapan nila. Medyo mahirap ang sitwasyon ko ngayon. Kahit kasi may makati ay hindi ko puwedeng kamutin dahil mapapansin nilang gising na ako't nakikinig sa kanila. Tulad ngayon, makati yung eggpie ko pero hindi ko puwedeng kamutin.
Teka, tama ba yung narinig ko? Nagkasakit daw ako? Pero bakit hindi ko alam 'yon?
Madami palang itinatago sa akin sina mama, at may imaginary friend pa pala ako. Ang ipinagtataka ko, bakit hindi ko naaalala ang mga iyon? Maaari kayang dulot ito ng sinasabi ni Ate Faye na sakit ko raw noong bata? Pati raw sila ay hindi ko naaalala.
Ewan, ang gulo.
Naguguluhan ako sa mga nalalaman ko.
Parang sasabog ang utak ko sa kalituhan, hindi ko na napigilan kaya't nagsalita na ako.
"Ma?" Kunwari ay wala akong narinig sa usapan nila. Napansin ko na nagulat sila at nagtinginan pa bago magsalita si mama.
"O? masama pa ba ang pakiramdam mo?" nababalisang tanong niya sa akin.
"Medyo okay na po ako," sagot ko kay mama, "O, ate, wala kang pasok?" baling ko naman kay Ate Faye, kadalasan kasi ay gabi na siya kung umuwi kaya't nakapagtataka na sa ganitong oras ay nasa bahay na siya.
"A-e. Meron, nag-undertime ako. Kumusta na ang pakiramdam mo?" nauutal niyang tugon sa akin, mahahalata mo sa kaniya ang pinaghalong pag-aalala at gulat.
"Kasasabi ko lang na okay, e. Wag kayong mag-alala, lagnat laki lang ito," biro ko para mawala na ang kanilang pag-aalala, hindi ko rin pinahalata na kanina pa ako nakikinig sa kanilang usapan.
Tumayo si Mama at nagpaalam na bibili ng meryenda. Humiling pa si ate ng Pizza, pero 'yong mumurahin lang. Naiwan akong mag-isa sa sala dahil umakyat si Ate Faye sa kaniyang kuwarto upang magpalit ng damit.
Pinakiramdaman ko ang paligid dahil hindi ko pa rin lubusang nakakalimutan ang mga nangyari, dumagdag pa ang rebelasyon na nagkasakit ako noong bata,
Hindi kaya amnesia iyon? Wala kasi akong maalala. Sa isip-isip ko.
Maya-maya ay tumunog ang aking telepono at nakita ko ang isang mensahe mula sa isang kaibigan, si Isay.
Ang katrabaho ko sa pinagtatrabahuhan kong fast food chain. Siya ang pinaka-close ko sa lahat. Siguro ay dahil may itinatago akong pagtingin sa kaniya. Sobrang ganda at sobrang simple, hindi maarte at madaling pakisamahan. Kumukuha lang ako ng tyempo dahil kagagaling lang niya sa isang relasyon. Ayaw ko muna siyang makaramdam ng kahit anong sakit dahil nakita ko kung paano siya nasaktan nung maghiwalay sila ni Ron. Ayaw ko ring isipin niya na bantay-salakay akong kaibigan. Parehas din kami ng eskuwelahang pinag-aaralan.
Dali-dali kong binasa ang ipinadala niyang mensahe. Sabi niya ay dadaan siya sa bahay ngayong araw.
Nasabik ako dahil makikita ko na naman siya. No'ng isang araw lang ay nag-usap kami pero saglit lang. Ewan ko ba, kahit sandaling panahon ko pa lang siyang hindi nakakasama ay sobra ko na siyang nami-miss. Ipinakilala lang siya sa akin ng pinsan kong si Brenda at iyon nga, tinamaan na ako ng pana ni kupido.
Mga ilang minuto lang ang lumipas ay mayroon akong narinig na magkakasunod na katok mula sa pinto.
Bubuksan ko ba? Parang ang bilis naman niyang makarating. Medyo kinakabahan ako at medyo kinikilig na rin.
Teka? Mas uunahin ko pa bang kiligin kesa pagbuksan siya ng pinto? Baka mamaya ay umalis 'yon at isipin na walang tao rito sa bahay.
Binuksan ko ang pinto agad-agad.
Pero nagulat ako nang makita kong walang tao sa labas. Tumingin ako sa aking kaliwa at kanan pero wala akong Isay na natanaw. Nanghina ako sa nangyari, guni-guni na naman ba iyon? Pero sigurado akong may kumatok.
Wala lang iyon, marahil ay sa sobrang pag-iisip ko lang ang lahat ng ito. Hindi ako nababaliw. Hindi.
Sa 'di kalayuan ay natanaw ko ang paparating na si mama dala ang meryendang binili niya. May kasama siyang babae, sinigurado ko kung sino ang kasama niya. Tama ako, si Isay nga ang babaeng kasama niya. Pero sino 'yong kumatok kanina? Maaari kayang galing na siya rito sa bahay at inakalang walang tao. Naisipan niyang umuwi na lang, pero nakasalubong niya si mama sa daan kaya't magkasama sila ngayon. Puwedeng gan'on nga ang nangyari.
Sinalubong ko sila para kunin ang dala ni Mama na meryenda, may dala rin na paper bag si Isay kaya't tinulungan ko na rin. Nakasuot ito ng itim na slacks at puting t-shirt. Siguro ay kagagaling lang nito sa pinapasukan naming fast food chain.
"Napadaan ka? May problema ba?" tanong ko kay Isay.
"Wala naman, may dala lang ako para sa iyo, mga prutas. Nabalitaan ko kasing may sakit ka," sagot niya. Kinuha ko ang hawak-hawak niyang Eco Bag.
"A, pasensiya na kanina kung hindi kita napagbuksan kaagad no'ng kumakatok ka," nahihiya kong sabi sa kaniya.
"Ha? Anong sinasabi mo? Anong kumatok?" pagtataka niya.
"Kanina, hindi ka ba kumatok?" kunot-noo kong tanong.
"Hindi ako iyon, nakita ko si tita doon sa bilihan ng pizza kaya't pinahinto ko na ang tricycle at doon na ako bumaba," paliwanag pa niya sa akin.
Hindi ako nakapagsalita sa sinabi niyang iyon, kung hindi siya ang kumatok. Sino iyon? Letse naman, o. Nababaliw na talaga yata ako.
"O? bakit lumalabas ka na pala, hindi ba't may sakit ka?" nagtatakang sambit ni Isay.
"Wala na, okay na ako. Nilagnat lang kagabi. Bukas ay papasok na rin ako," sagot ko sa kaniya.
"Sigurado ka? Baka mabinat ka hijo," sabat naman ni mama.
"Opo, okay na ako. Promise," tugon ko kay mama habang nakataas ang kanang kamay.
Saglit lang ay nasa tapat na kami ng aming bahay. "Tuloy ka hija. Magmeryenda tayo," aya ni mama kay Isay.
"Ay hindi na po tita, may pasok pa po ako nang alas-singko. Dinalhan ko lang ng prutas 'tong kaibigan ko dahil may sakit daw siya sabi ni Brenda," pagtanggi ni Isay.
Si Brenda, oo nga pala, may kailangan akong sabihin sa kaniya. Iyong nangyari kahapon. Hindi ko pa naikukuwento sa kaniya. Biglang nagbago ang timpla ng aking mukha.
"Nasaan pala si Brenda? May kailangan siyang malaman."