Mga ilang minuto na rin ang nakalilipas nang lumabas sila mama rito sa aking kuwarto pero hindi pa rin ako makatulog. Marahil ay sobra kong iniisip ang mga nangyari kanina pati na ang aking panaginip. Kahit anong pilit ko sa aking sarili na mag-isip ng mga positibong bagay ay ganoon pa rin—wala pa ring epekto.
Iniangat ko ang aking sarili mula sa pagkakahiga at nagtungo sa switch ng ilaw na nasa dingding—sa bandang pintuan upang i-switch off ito. Pagkatapos ay agad na akong bumalik sa higaan.
Madilim na at sigurado ako na maya-maya lang ay dadalawin na rin ako ng antok. Pagkalipas ng ilang minuto, tulad ng aking inaasahan ay bumagsak na ang aking mga mata.
Tuluyan na sanang inagaw ng antok ang aking diwa nang marinig ko ang langitngit ng pinto sa aking kuwarto na dahan-dahang bumubukas.
Bahagya kong binuksan ang aking mga mata para makita kung sino iyon. Si mama lang siguro, baka inaalam lang niya kung tulog na ba ako.
Nakita ko na unti-unting bumubukas ang pinto subalit wala namang tao na pumasok. Dahil nga inaantok na ako at naisip ko din na baka mamaya ay mahirapan na naman akong makatulog ay ipinikit ko na lamang ang aking mga mata.
Pero ilang segundo lang ay may narinig naman akong mga yabag ng taong tumatakbo sa aking kuwarto, maging ang mga mahihinang hagikhik nito ay rumerehistro sa aking pandinig.
Nandito ba ang mga anak ni kuya? Sa isip-isip ko.
Bakit naman dis-oras na ng gabi sila dumating, at ang alam ko ay sa isang araw pa sila luluwas? muli kong tanong sa'king isipan.
Hindi ko na lang pinansin dahil mas importanteng makatulog ako at makapag-pahinga. Patuloy pa rin ang naririnig kong pagtakbo nito.
Idinilat ko ang aking mga mata para sana makita kung ano ang ginagawa ng aking mga pamangkin dito sa kuwarto pero wala naman akong nakita. Marahil ay nagtataguan sila. Iginala ko ang aking mga mata nang biglang may tumakbong batang lalaki papunta sa likod ng kurtina.
Si Pong, ani ko sa aking isipan.
Hindi man ako sigurado ay inisip ko na lang na si Pong—ang panganay na anak ni kuya Marco—ang batang nakita ko. Sila lang naman ang batang nakakapasok sa aking kuwarto nang hindi kumakatok.
Patuloy pa rin sa pagtakbo si Pong. Hindi naman ako naiinis dahil sobrang lapit ko sa mga pamangkin kong iyon kaya hinayaan ko lang silang mag-laro.
Habang nakapikit ay naramdaman ko na parang may umakyat sa aking kama, tumalon-talon muna ito tsaka humiga at tumabi sa akin. Marahil ay naglalambing ang aking pamangkin at gusto akong makatabi. Kahit hindi ko siya nakikita ay ramdam kong magkatapat ang aming mga mukha dahil nararamdaman ko ang malalim niyang paghinga.
Nginitian ko na lang ang aking pamangkin at saka niyakap, pero ramdam ko ang malamig niyang katawan. Maya-maya ay nakatulog na ako habang yakap-yakap si Pong at magkatapat pa ang aming mga mukha.
***
Kinabukasan ay maaga akong nagising dahil sa sinag ng araw na nakatapat sa akin, galing ito sa maliit na butas ng aming bubong pero pagdilat ko ay wala na sa tabi ko ang aking pamangkin.
Ang agang nagising, a. Marahil ay excited sa lulutuing almusal ni mama, sabi ko sa aking isipan at agad na nag-unat ng ngiti.
Naamoy ko ang niluluto ni mama, nakaramdam ako ng gutom kaya bumaba na agad ako para makakain.
Pagbaba ko ay si mama lang ang naabutan kong tao, nagluluto ng almusal. Napansin ko din na dalawa lang ang platong nakahain sa lamesa.
"Si Ate Faye?" bungad na tanong ko kay mama.
Lumingon siya at nagsalita, "O, gising ka na pala. Umupo ka na riyan at maluluto na itong almusal. Si ate mo, maagang umalis. Nagmamadali nga at may kikitain pa raw bago pumasok."
"Sigurado, makikipagkita na naman muna iyon sa mokong niyang manliligaw," irita kong sabi sabay upo sa harap ng hinanda niyang pinggan.
"Hayaan mo na ang ate mo, mukhang mabait naman si Max," pagtatanggol pa nito sa manliligaw ni ate.
"Mabait ba 'yon? Parang hindi naman. Basta, wala akong tiwala sa taong iyon," tutol ko sa kaniya.
"Hmmm. Ikaw talaga, umiral na naman 'yang pagka-seloso mo,"
Ang aga-aga naman akong asarin ni mama. Hindi naman siguro sa selos, pero mabigat talaga ang loob ko sa taong 'yon lalo na tuwing nakikita ko 'yong pagmumukha niya. Para hindi na ako mairita pa lalo ay iniba ko na lang ang usapan.
"E, sina Kuya Marco? Nasaan sila?"
"Ha? Sa isang araw pa ang luwas no'ng mga iyon. Bakit mo naman natanong?" nagtatakang tanong ni mama.
Hindi ko alam ang isasagot dahil kinilabutan ako sa aking nalaman.
Sino 'yong bata sa kuwarto ko kagabi?
Sino 'yong batang tumabi sa akin?
Sino 'yong batang kayakap ko?
Maraming tanong ang pumapasok sa aking isipan, kasabay nito ay takot sa kung anong kababalaghan ang aking nararanasan.
"Akala ko kasi kagabi ay nandito sa sila, may pumasok kasi sa kuwarto ko kagabi at ang akala ko ay sina Pong at Xyrylle iyon," kuwento ko kay Mama.
"Imposible 'yang sinasabi mo dahil sa isang araw pa darating ang mga iyon, baka naman nananaginip ka lang?" tutol pa niya.
"Baka nga po."
Sumang-ayon na lamang ako sa suhestiyong iyon ng aking ina dahil hindi rin naman ako sigurado. Baka nga panaginip lang iyon, sa lahat kasi ng nararanasan kong ito ay hindi ko na alam kung alin ang panaginip at alin ang totoo.