RC --- Special Chapter ONE --- XaS' POV

322 3 0
                                    

December 16, Sunday

11:00 AM

NAIA

Pinagmasdan ko ang sabay-sabay na pagtalikod, paglalakad, at paghihiwalay ng aking mga kaibigan. Pamilyar ang eksenang ito sapagkat ganito rin ang ginawa namin tatlong taon na ang nakalipas. Yun nga lang, isa ako dun sa papalayo.

Pagkatapos ng ilang minuto, umikot na ako pabalik sa paradahan ng mga sasakyan. Nakakalungkot isipin na tila kung masasaktan ang isa sa amin, sumasabay yung iba. Para bang isang pagsubok ng tadhanang kelangan naming lagpasan bilang magkakaibigan.

Kagaya noon. Tatlong taon na rin ngunit ang bawat ala-ala ay sariwa pa rin. Ang takot, hirap at pait ng pinagdaanan ko at ni Alex. Ang pagkamatay ng kapatid nya at ang muntik ko na ring pamamaalam sa mundong ito.

Isa akong biktima ng kidnap and ransom. Kumpara kay Alex, o kaya ni Nix hindi gaanong mayaman ang pamilya ko pero mayaman din namang maituturing. Pauwi ako noon sa aming probinsya sa Cabanatuan nang bigla akong madukot.

Walang nakakaalam nito sapagkat naitago sa awtoridad. Sampung araw din ako sa isang madilim at masikip na selda, kumakain ng kararampot lamang. Ika-siyam na araw ng sabihan ako ng aking mga kidnappers na nakuha nila ang sampung milyong ransom. Akala ko palalayain na nila ako nun. Mali pala ako.

Pang-sampung araw nang makaaninag ulit ako ng liwanag. Nasa isa kaming gubat. Kinalagan nila ako at sinabihang tumakbo papalayo. Nagtaka ako ngunit dali-dali akong sumunod. Kumaripas ako ng takbo. Makalipas ang ilang minuto, narinig kong may mga sumusunod sa akin. Nagtatawanan sila’t nagpapaputok ng baril.

Binalot ako ng panibagong takot. Alam kong may iba pa silang balak. Bagamat mahina ako’t naubusan ng hangin sa dibdib, pinag-igihan ko ang paglayo subalit hindi sapat. Naabutan ako nung isa. Wala na akong lakas lumaban nang bigla akong hubaran nung lalaki. Taimtim akong nagdasal na sana kunin na lang ako ng Panginoon, na sana hindi ko maramdaman ang kahayupang gagawin sa akin.

Mabait ang Diyos dahil bago pa man nagawa ng hayop na lalaki ang  binabalak nya, nabaril na ito. Natuntun pala ng mga kinauukulan ang kinaroroonan namin.

Naiuwi ako sa amin ng buhay ngunit ang karanasang iyon ay nag-iwan ng isang malaking pilak at batik sa akin. Araw-araw akong binabangungot, araw-araw akong umiiyak. Hanggang sa napagpasyahan kong lumayo muna.

Kasabay nun ay ang nangyari sa kapatid ni Alex. Pareho kaming wasak at sugatan. Si Lexy naman noon ay kahihiwalay sa kanyang kasintahan ng limang taon. Bagamat hindi kasing bigat ng naranasan namin, ginusto nya ring lumayo pansamantala.

Doon namin napagpasyahang humayo muna. Dalawang linggong pagmumuni-muni’t paghahanap ng sarili sa magkakahiwalay na destinasyon. Pagkatapos ay sabay-sabay kaming babalik ng Pilipinas at magkikita sa paliparan. Yun ang aming kasunduan.

Ngunit hindi ako bumalik. Mahigit isang taon akong namalagi sa Pransya. Akala ng mga kaibigan ko dahil sa kagustuhan kong maging isang mang-aawit pero ang rason ay higit pa dun.

Pero sa ngayon, hindi pa ako handang sabihin sa kanila. Lalo na’t may mga pinagdadaanan sila ulit.

Nagtaka akong pati si Nix ay may problema rin sa kanyang asawa. Wala itong nabanggit sa amin nang dumating siyang umiiyak gabi ng Biyernes kungdi niloko daw siya ng lalaki. Pinakasalan lang daw siya dahil sa kanyang kompanya.

Mababaw man ang rason ng paglayo ulit ni Lexy, hindi ko siya masisi. Masyadong malambot at mahina ang puso nito. Mabilis magmahal at madaling masaktan. Pero inaasahan kong babalik ito sa tinakda naming panahon.

Ang kinakatakot ko ay si Alex. Hindi man nya sabihin ng diretso pero nakikita ko sa kanyang mga mata ang lalim ng nararamdaman nyang kirot. Liban sa sakit, alam kong pakiramdam nya ay nilinlang siya ni Miguel.

Kayat binulungan ko siya kanina. Sinabihan ko siyang siguraduhin nyang bumalik at wag tumulad sa akin na lumayo ng isang taon. Tumango man ito, hindi ibig sabihin na hindi nya gagawin iyon. Kilala ko si Alex. Kilalang kilala ko siya.

Matatag siya. Pero ang lahat ay may hangganan.

Alam kong napagod na siyang magpakatibay.

Lalo na’t puso na ang sangkot.

Roller CoasterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon