Tatlumpu't Isa

19 0 0
                                    

Tatlumpu't Isa

Third year na ako. Isang sem ko nang hindi nakikita si Eronin. Wala akong balita sa kaniya, kahit ang tatay niya na si Mang Noli, ayaw sabihin sa akin kung nasaan siya.

"Pasensya ka na, Summer, ha? Ayaw kasi talagang ipasabi ni Eronin kung nasaan siya." Tinapik ni Mang Noli ang balikat ko. Nakatayo ako sa labas ng bahay nila dahil hinintay ko siyang umuwi galing sa terminal ng bus. "Nangako ako sa anak ko. Sana maintindihan mo."

Malungkot siyang ngumiti bago ako iwan. Nangingilid man ang luha sa mga mata ko, pinilit kong tumalikod. Umuwi ako sa bahay na bigo na namang makahanap ng balita kung nasaan na ba talaga si Eronin.

Anim na buwan na akong nagsisisi sa ginawa ko. Magmula noong mag-usap kami ni Freya, saka ko lang naisip ang lahat ng mali sa lahat ng naging desisyon ko. Pero wala na akong magagawa, hindi ko naman kayang ibalik ang panahon. Nasaktan na ako, nasaktan ko na si Eronin. Wala nang saysay ang panghihinayang sa oras. Ang tama ko na lang sigurong gawin ngayon ay ang hanapin si Eronin para makahingi ako ng tawad. Hindi ko na inaasam na bumalik kami sa dati. Ang akin na lang, iyong masiguro ko na ligtas siya at nasabi ko na ang mga salitang anim na buwan ko nang kinikimkim sa sarili ko.

Miss na miss ko na si Eronin.

"Anong nangyari?" bungad sa akin ni Tatay pagkabukas ko ng pinto. Nakaupo sila sa hapag at ako na lang ang hinihintay para makapaghapunan.

Nagtataka ko siyang tinignan. "Po?"

Sinigurado ko namang walang bahid na luha ang mukha ko nang pumasok ako, pero sa pag-aalalang ipinapakita nila Nanay at Tatay ay parang gusto ko na naman ulit humagulgol. Kahit ilang buwan na akong iyak nang iyak, hindi ko pa rin maiwasan ang hindi mapaluha kapag naiisip ko si Diaz.

"Okay ka lang ba, Summer?" malumanay na tanong ni Nanay saka ako tinignang mabuti. Tumango ako. "Sigurado ka?"

"Opo."

Kinagat ko ang ibabang bahagi ng aking labi para pigilin ang nagbabadyang pagluha. Narinig kong nagbuntong-hininga si Nanay bago sila nagkatinginan ni Tatay.

"Dapat na ba nating sabihin?" tanong ni Nanay na hindi inaalis ang tingin kay Tatay.

"Ikaw ang bahala," sagot nito. "Siguro. Kung doon lang gagaan ang loob ng anak natin, bakit hindi?"

"A-ano pong meron?" Taka ko silang tinignan habang hindi mapakali si Nanay sa bimpo na hawak niya.

"Anak." Nilingon ako ni Nanay at muli siyang nagbuntong-hininga. "Dapat ay hindi pa talaga namin sasabihin ito sa'yo pero. . ."

"Pero ano po?" Hinawakan ni Tatay ang kamay ni Nanay upang palakasin ang loob nito. Bigla akong kinabahan. Bihirang magsalita si Nanay na hindi agad pinupunto ang sasabihin niya. Prangkang tao si Nanay, at kapag nagsimula na siyang magputol-putol ng sinasabi, dapat ka nang mabahala. "'Nay, ano pong meron?"

Ramdam ko ang panginginig ng boses ko.

"Sa tuwing nakikita ka naming malungkot at naririnig ka naming umiiyak sa kwarto mo, hindi namin maiwasang makunsensya." Nakita kong nangilid ang mga luha sa mata ni Nanay habang tinitignan niya ako. "Kung alam lang namin na ganiyan kasakit para sa iyo ang lahat, sana noon pa namin ipinaalam."

"'Nay, bakit. . . ano po bang—

"Alam namin kung nasaan si Eronin, anak." Natulala ako nang putulin ako ni Tatay. Sa lakas ng kabog ni dibdib ko, pakiramdam ko ay mahihimatay ako. "Nakiusap sa amin si Eronin na 'wag sabihin sa'yo hangga't hindi ka pa nakaka-graduate, pero hindi na namin matiis ang makita kang ganiyan. Mabigat para sa amin ng Nanay mo na makita kang araw-araw malungkot, na araw-araw nagkukulong sa kwarto. Kung ito lang ang paraan para mapanatag ang loob mo, sana nga dati pa namin sinabi."

Summer's LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon