CHAPTER 09

7.8K 133 0
                                    

“Masaya ka ba?”

Sumulyap  siya sa binata nang magsalita ito habang nakahiga siya sa braso nito.

“Masaya?” ulit niya. Hindi niya kasi maintindihan kung ano ang tinutukoy nito o ang ibig nitong sabihin.

“Sa buhay mo, nag iisa ka lang di ba?” Parang naging interesado naman ito bigla sa buhay niya.

“Masaya naman ako kahit pa wala akong mga kapatid. Nandiyan naman kasi ang mga tauhan ng rancho at hacienda, sila na ang pamilya ko,” sagot niya, napansin niyang ngumiti ito.

“Eh, ikaw nag iisa ka lang ba?” Siya naman ang nagtanong dito.

Hindi ito kumibo at parang nalungkot ang mga mata nito.

“Si Tatay Isko lamang ang pamilya ko,” sagot nito sa mapait na tinig, naroon ang lungkot sa boses nito. Parang umiiwas ito pagdating sa usapan tungkol sa sariling buhay nito.

Hindi siya kumibo at nanatili lamang silang tahimik, mga ilang saglit pa ay bumangon na ito sa pagkakahiga. Alas dose na ng madaling araw.

“Kailangan ko ng umalis,” paalam nito sa kaniya. Kinuha nito ang damit na nakakalat sa sahig at isinuot iyon. Pinagmasdan lamang niya ito.

Kung pupwede lang ay wag na niyang paalisin ang binata pero mas mabuti na rin na mag ingat sila dahil baka mamaya ay mahuli na sila ng Yaya Hilda niya.

“Mag iingat ka,” iyon lamang ang tanging nasabi niya. Nag iwan ito ng munting halik sa noo niya bago ito lumabas mula sa bintana kung saan ito dumaan kanina. Napapikit lamang siya hanggang sa mabilis na itong naglaho sa paningin niya.

Tumagilid siya at mahigpit na yumakap sa unan.

Sumapit ang umaga at ramdam pa rin niya ang naiwang bakas ni Franco kagabi. Pati ang natural na amoy ng binata ay naiwan na yata sa ilong niya.

Tatlong katok ang narinig niya mula sa pintuan ng kwarto kaya naman nagmamadali siyang bumangon upang isuot ang kaniyang damit.

“Senyorita, nakahain na ang umagahan sa lamesa.“ Ang Yaya Hilda niya ang kumakatok sa pintuan.

“Opo Yaya susunod na ho ako,” sagot niya.

Saglit na inayos niya ang sarili at pagkatapos ay lumabas na rin ng kwarto upang tunguin ang hapag kainan.

“Tumawag ang Daddy mo kanina. Bukas ay uuwi na sila dahil isang importanteng tao na naman ang kailangan daw nilang kausapin.”

Napatitig siya sa Yaya Hilda niya dahil sa tinuran nito.

“H-ho? Uuwi na sila?” ulit niya.

“Oh, bakit parang nagulat ka naman yata? Oo uuwi na sila, base sa tinig ng Daddy mo kanina ay parang may problema.”

Napatigil siya.

Tiningnan lamang siya ng Yaya Hilda niya.

“Kung tatanungin mo ako tungkol doon Senyorita ay wala rin naman akong alam. Basta ramdam ko lamang ang Daddy mo.” Inuhan na siya nito bago pa man siya magtanong.

Parang biglang tumabang ang kinakain niya, bigla tuloy ay napaisip siya kung anong problema ang tinutukoy ng Yaya Hilda niya. Sana naman ay wala, baka masyado lang nag iisip ang Yaya niya. Lihim tuloy siyang nanalangin para sa Daddy at Mommy niya, sana ay nasa maayos na kalagayan ang mga ito. Namimiss na niya ang mga ito pero kahit gustuhin man niya na makasama ng matagal ang mga magulang niya ay naiintindihan niyang masyadong abala ang mga ito dahil sa trabaho. Nahihirapan man siyang pagkasyahin ang kakarampot na oras na madalang maigugol ng mga ito sa kaniya ay balewala na iyon basta't makita lang niyang maayos ang mga ito.

Ang rancho at hacienda nga ay hindi na naaasikaso ng mga ito, pasalamat na lamang sila at may mga mabubuti silang tauhan na hindi na rin itinuring na iba ang kanilang pamilya. Kung wala ang mga ito, siguro ay matagal ng wala sa kanila ang hacienda at rancho Monreal.

Tumunog ang telepono at naputol ang kaniyang malalim na pag iisip.

“Hello?” sagot niya mula sa kabilang linya.

“Ikaw ba ang anak ni Mr. Monreal? Nais kong ipaalam mo sa magaling mong ama na hindi magtatagal ay mapapasakin na ang lahat ng lupain niya, kailangan ko ng maningil!”

Nakakatakot ang tinig mula sa kabilang linya kaya naman halos mapako siya sa kinatatayuan. Namatay na ang tawag at ilang ulit pa siyang nag hello pero wala na ito, nanatili lamang siya sa kaniyang pwesto. Naguguluhan siya at nabigla dahil sa sinabi ng lalaki.

Anong ibig nitong sabihin? May hindi ba sinasabi ang kaniyang ama sa kaniya? Sino ang taong iyon?

Sunod-sunod ang tanong sa isipan niya.

Nanlulumong napaupo siya sa malaking sofa ng kanilang sala. Kasalukuyang nasa itaas ang kaniyang Yaya Hilda kaya hindi siya nito nakita.


-

"Mahal isama mo naman ako sa hacienda.”

Pilit na iniiwasan ni Franco ang makulit na si Paula. Gusto nitong sumama sa kaniya sa hacienda pero hindi niya ito pinapansin. Matabang ang pakikitungo niya rito dahil sa mga nangyari. Hindi niya rin alam kung bakit nakakayanan pa nitong tumagal sa panunuyo sa kaniya kahit ang totoo'y matagal nang sarado ang puso niya para rito.

Kung bakit ba naman kasi may mga taong pipiliin ang kahangalan, tapos kapag natauhan ay babalik sayo na para bang walang nangyari. Winasak na siya nito, napatawad na niya ito sa puntong iyon, pero ang pagmamahal niya para dito noon ay mukhang malabo nang maibalik pa.

“Hindi ka puwedeng sumama,” malamig ang boses na turan niya, parang linta naman ito na kumapit sa braso niya.

“Sige na mahal gusto kong sumama sayo.”

Naiirita s8ya sa pagtawag nito ng 'mahal' sa kaniya palagi.

Inilayo niya ito.

“Wag kang makulit hindi ka puwedeng sumama.”

Naglakad na siya palayo pero hindi niya namalayang sinusundan din pala siya nito.

Nasa hacienda na siya nang muli itong humawak sa kamay niya at bumulaga. Nagtatago lamang pala ito kanina at nakasunod pa rin sa kaniya.

“Bakit ka pa sumama dito? 'Di ba ang sabi ko ay hindi ka puwede rito?” tinitimpi lamang niya ang sarili.

Imbes na sumagot ay kumapit ito sa braso niya at inakay na siya papasok sa loob ng hacienda. Naiiling na lamang siya sa ikinilos nito.

“Naks, ang sweet!”

Narinig niya ang dalawang mokong na sina James at Elmer. Nakatingin ang mga ito sa kanila ni Paula. Napabuga siya ng hangin at kahit anong waksi niya sa babae ay mas lalo lang itong pumulupot sa kaniya na parang bata. Ganito naman talaga ito noon pero iba na ngayon, kung noon ay natutuwa siya rito at tanggap niya lahat kung saan mas lalo niya itong minamahal dahil sa pagiging makulit nito, ngayon naman ay kabaligtaran na ang nararamdaman niya.

Nakalapit na siya sa dalawa nang mapansin niya si Kamille sa di kalayuan. Nakatayo ito ngunit kitang-kita niya ang kunot na noo nito habang nakatanaw sa kanilang dalawa ni Paula. Mabilis siyang kumalas sa pagkakahawak ni Paula at napalakas yata ang pwersa niya dahil halos tumilapon ito sa ginawa niya. Daig pa niya ang nakuryente.

Gulat na napatingin si Paula sa kaniya.

“Aray ko! Ang sakit nun ha! Daig mo pa ang nakakita ng multo, ano bang nangyayari sayo?” nagtatakang tanong nito at sumulyap sa direksyon na tinitingnan niya, pero wala na roon si Kamille. Nakapasok na ito sa loob at tila may naghahabulang mga kabayo sa dibdib niya ngayon. Kita niya ang paniningkit ng mata ni Kamille kanina, tila ba hindi nito nagustuhan ang nasaksihan ng mga mata. Muli siyang napabuga ng hangin. Baka kung ano ang isipin nito sa kanilang dalawa ni Paula. Matalim na sinulyapan niya ang babae mula sa gilid niya. Kung bakit ba naman kasi sumama pa ito sa kaniya.

Sweet Seduction (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon