CHAPTER 30

6.1K 116 9
                                    

Mabilis na narating ni Kamille ang Hacienda Monreal, matagal ng wala roon ang mga dating tauhan nila dahil nga hinayaan niyang ang ama niya ang mamahala ulit noon. Hindi na nito pinataniman ang lupa.
 
Sarado ang malaking gate at napansin niyang iba na rin ang naging kulay noon. Para bang bagong pintura.
 
Tiningnan niya ang anak sa gilid niya, hindi ito ang unang beses na napunta ang bata sa lugar na iyon dahil minsan na siyang dumalaw sa magulang niya na kasama niya ito.
 
"Mommy bakit po binago na ang kulay ng gate?" tanong ni Mathew sa kaniya.
 
"Kasi anak mayroon ng bagong may-ari nito eh. Mayroon ng ibang nakatira sa tinitirhan nila Lolo Ricky at Lola Verna mo," sagot niya sa anak. Kumunot naman ang noo nito na tila ba nagtaka.
 
"P-po? Eh 'di wala na pong tinitirhan sina Lolo at Lola? Mommy dun na lang sila satin!" 
 
Bumuntong-hininga siya sa anak at kapagkuwan ay ngumiti.
 
"Anak mayroon pa rin namang tirahan sila Lolo at Lola, mamaya ay pupuntahan natin sila," sagot niya sa anak. Hindi naman na nagsalita si Mathew at inilinga-linga lamang ang paningin sa malawak na lugar.
 
Biglang bumalik sa kanya ang mga ala-ala ilang taon na ang nakalilipas. Saksi ang lugar na ito sa lahat ng masasaya at masasalimuot na pangyayari sa buhay niya.
 
Itinulak niya ang gate, walang bantay at tahimik masyado ang paligid.
 
Hindi iyon nakasusi. Hindi niya alam kung bakit hinayaan na lamang na bukas iyon.
 
Naglakad-lakad sila ni Mathew at sobrang laki na ng pinagbago ng lugar dahil wala ng mga pananim. Tila lumungkot ang paligid.
 
Ang mansyon nila na ngayon ay pag-aari na rin ni Franco ay tila ba isang abandonadong lugar na rin.
 
Nalulungkot siya dahil hindi niya gusto ang nakikita ng mga mata niya.
 
Huminto siya sa fountain na malapit sa garden at napangiti siya.
 
Dito siya madalas maglaro noon at magbasa, ngunit tila wala ng kulay ang paligid.
 
Hinayaan niya si Mathew na magtatakbo sa maluwag na lugar na iyon. Ganoon din naman siya noong bata pa siya, mahilig din siyang magtatakbo sa kaluwangan niyon.
 
Isinahod niya ang kamay sa tubig na nagmumula sa fountain at halos mapalundag siya sa kinatatayuan nang may magsalita mula sa likuran niya.
 
"It's nice to see you here Mrs. Lao."
 
Nilingon niya ang boses na kahit kailan ay hindi niya makakalimutan, tumambad sa kaniya ang gwapong mukha ni Franco. Seryoso itong nakatingin sa kamay niya na may wedding ring at pagkuwan ay bumaling ito sa mga mata niya.
 
Ang pamilyar na tibok ng puso niya ay muli na naman niyang naramdaman. Tila may mga kabayong naghahabulan roon at ayaw paawat.
 
Nagbaba siya ng tingin dahil hindi na niya kaya pang labanan ang malalalim na titig nito sa kanya.
 
"B-binisita ko lang ang hacienda ikaw pala ang nakabili nito," sabi niya sa bahagyang nanginginig na tinig.
 
"Ako nga."
 
"Bakit?" tanong niya sa binata.
 
Tiningnan niya ito sa mukha kahit pa alam niyang mag-iiba na naman ang pakiramdam niya. Hindi niya alam at hindi niya maintindihan kung bakit ganito pa rin ang epekto ng binata sa kaniya.
 
"Anong bakit?" salubong ang kilay nito.
 
"Sinasadya mo ba ang lahat ng ito Franco?"
 
Napailing ito.
 
"Come on, Kamille here we go again..." 
 
"Then sabihin mo kung bakit!" Tumaas ang tono ng boses niya.
 
Nagulat ito sa kaniya at ngayon ay mas naging seryoso na ang mukha nito.
 
"Malalaman mo rin ang dahilan Kamille," sagot nito.
 
Magsasalita pa sana siya pero biglang dumating si Mathew at nagulat siya sa ginawa nito.
Humawak ito sa kamay ni Franco.
 
"Tito Franco ano pong ginagawa mo dito?" 
 
Tila ba gulat na gulat ang anak niya habang nakatingala sa muka ni Franco. Hindi niya mapigilan ang kabahan lalo na nang makita niya ang mga kamay nitong magkahawak ngayon. 
 
Alam niyang malambing ang anak niya at natural na iyon kay Mathew.
 
"Ah—"
 
Sasagot pa sana si Franco pero inunahan na niya ito.
 
"Ah, anak siya na kasi ang may ari nitong place nila Lolo at Lola," maagap na sabi niya.
 
 
Alam niya kasing mahihirapan lang si Franco magpaliwanag. Matanong pa naman si Mathew.
 
"Ang galing!"
 
Mukhang namangha pa ang anak niya sa nalaman. Bata pa nga talaga ito at wala pang masyadong kamuwang-muwang sa mundo.
 
Kung tititigan mo ng husto si Mathew mapapansin mo kaagad ang pagkakamukha ng ilong nila ni Franco. Ang mga mata nito ay ganoon din sa pagtingin ni Franco. Malamlam ngunit malalim. Tanging labi lang ata niya ang nakuha ni Mathew sa kaniya. Mapapansin mo ang malaking pagkakahawig ni Franco sa bata kapag pinagmasdan ng husto ng sinomang titingin sa anak niya.
 
"Tito Franco akyat po tayo sa treehouse!" Hinila ni Mathew ang kamay ni Franco habang tinuturo ang malaking puno kung saan may munting bahay sa itaas.
 
Siguro ay pinagawa iyon ni Franco dahil ngayon lang naman nagkaroon ng ganun doon.
 
Tiningnan siya ni Franco na tila ba hinihingi nito ang permiso niya.
 
Tiningnan niya ang anak at kitang-kita niya ang excitement at kasiyahan sa mukha nito.
 
Gusto man niyang pigilan ito pero hindi niya kayang hadlangan ang kasiyahan ng anak niya. Magulang siya at gusto niyang nakikita itong masaya.
 
Tumango siya kay Franco kaya bigla na lamang itong ngumiti.
 
Pakiramdam niya ay lumutang siya sa ngiting iyon na ngayon na lang ulit niya nakita pagkatapos ng ilang mga taon.
 
Naglakad ang mga ito habang nakakapit pa rin ang anak niya sa kamay ni Franco.
 
Gustong magbadya ng mga luha niya pero pinigilan niya.
 
Masamang tao ba siya kung nililihim niya ang katotohanan?
 
Sobra siyang nasaktan. Hindi siya masisisi sa mga nangyari. Sa mga oras na ito kahit ngayong araw lang pipilitin niya munang kalimutan ang lahat alang-alang sa anak niya.
 
Inalalayan ni Franco si Mathew papunta sa itaas.
 
Naupo naman siya sa isang bench malapit sa garden, tanaw niya pa rin ang mga ito.
 
Pinagmamasdan niya ang dalawa na tila ba masayang-masayang nag uusap, kitang-kita nya ang ngiti ng anak niya sa mga simpleng pagpapatawa ni Franco.
 
Hindi niya alam kung napapansin iyon ni Franco. Maging ang pagtawa ng mga ito ay parehas na parehas. 
 
Unti-unti na yata siyang sinasampal ng katotohanan.
 
Pinahid niya ang luhang naglandas sa gilid ng pisngi niya, hindi niya man lang iyon namalayan. May luha na palang tumulo roon.
 
Nakatingin sa kaniya si Franco habang masaya pa rin itong nakikipag-kwentuhan kay Mathew mula sa itaas.
 
Pasulyap-sulyap ito sa kaniya at siya naman ay pilit na iniiwasan ito ng tingin kapag nagtatama ang mga paningin nila.
 
Ilang taon niyang itinago ang katotohanan, at ngayon kusang pinaglalapit ng tadhana ang mag-ama. Pipilitin niyang labanan ito sa abot ng kanyang makakaya. Sana ay kayanin niya dahil hindi niya gustong masira ang pamilya nila.

Sweet Seduction (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon