CHAPTER 24

6.1K 91 3
                                    

Mag aalas-otso na ng gabi nang makabalik sa loob ng mansyon si Kamille. Sumama pa siya kila Aling Eba upang kausapin ang mga taong nakausap ng mga ito tungkol sa mga prutas. Naging maayos naman ang kanilang usapan at wala naman naging problema.
 
Paakyat na siya ng hagdan nang maulinigan niya ang kanyang ama, nagsasalin ito ng tubig sa baso.
 
"Akalain mo nga naman na ang taong ipinaglalaban mo eh lumayo na pala at iniwanan ka na."
 
Sa pakiwari niya ay gusto na naman makipagtalo nito sa kaniya. Ano na naman bang sinasabi nito?
 
"Alam mo Dad hindi ako magpapaapekto sa kung ano mang sasabihin mo kay Franco," malamig na sagot niya sa ama pero tumawa lamang ito ng pagak.
 
"Talaga? Kahit pa mabasa mo itong sulat na ipinabigay niya kay Elmer para magpaalam sayo?"
 
Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. Nagsimula itong pumanik sa hagdan habang hawak-hawak ang isang papel na tila nilalaro pa nito sa kamay.
 
"A-ano 'yan?"
 
Tiningnan niya ang papel at nabasa niyang para sa kaniya iyon.
 
Mabilis na kinuha niya iyon sa kamay ng kaniyang ama.
 
Nakangiti lamang ito.
 
"Sige basahin mo," sabi pa nito.
 
Binuksan niya ang papel at tumambad sa kaniya ang isang sulat-kamay na ayon sa ama niya ay galing daw kay Franco at ipinabibigay sa kaniya.
 
 
Kamille, hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang lahat pero mas mabuting malaman mo na ito kesa tumagal pa at umasa ka sa wala. Umalis na ako. Hindi ko kayang makita kang nahihirapan ng dahil sakin kaya minabuti ko na lang lumayo, ang totoo ay may nobya rin ako sa Maynila at babalikan ko na siya. Napagtanto ko na siya pa rin ang mahal ko at siya pa rin ang hinahanap-hanap ko. Patawarin mo ako kung hindi ko sinabi sayo kaagad, hindi na ako babalik Kamille sana ay maging masaya ka at mapatawad mo ako pagkatapos ng lahat. Kalimutan mo na ang lahat ng tungkol sa ating dalawa.
 
-Franco
 
 

Daig pa niya ang pinagbagsakan ng buong mundo dahil sa nabasa niya ngunit pinilit niya pa rin ang sarili na hindi totoo ang sulat na iyon. Na niloloko lang siya ng kanyang ama.
 
"H-hindi yan totoo, hindi yan magagawa sakin ni Franco nagmamahalan kami!" mangiyak-ngiyak na wika niya.
 
"Hindi ka naniniwala? Gusto mo bang iharap ko pa sayo si Elmer para patunayan sayo na kay Franco galing ang sulat na iyan?"
 
Tuluyang bumagsak ang mga luha niya na kanina pa gustong mag unahan. Hindi niya alam kung bakit nagawa iyon ni Franco sa kanya. Kitang kita niya sa mukha ng ama ang determinasyon na galing talaga ang sulat na iyon kay Franco.
 
Gusto niyang saktan ang sarili, saan ba siya nagkulang? Kaya niya naman itong ipaglaban ngunit naging mahina ito at mas nauna pang bumitaw sa kaniya.
 
Akala niya ay minahal siya nito. Lahat ng masasayang sandali nila, lahat ng akala niyang pagmamahal na ipinaramdam nito ay pawang kasinungalingan lang pala. Niloko lang siya ni Franco.
 
Galit, poot, at sakit ang tanging nararamdaman niya ngayon. Hindi niya lubos maisip na kayang-kaya pala nitong paglaruan ang damdamin niya.
 
Naramdaman niya ang pagyakap sa kaniya ng ama. Kahit masakit din ang loob niya rito ay sumuko siya sa mga bisig nito. Nanginginig ang tuhod niya at hinayaan niya ang sariling sumuko sa mga bisig nito kahit ngayon lang.
 
Walang tigil ang pagbagsak ng mga luha niya. Wala naman palang saysay lahat ng pinaglalaban niya. Lahat ng masasayang ala-ala at pangarap na nabuo sa isipan niya ay tila binagyo ng malakas. Mabilis na nabura iyon at napalitan ng galit at hinanakit.
 
Kaya pala hindi niya nasisilayan ang binata dahil wala na pala ito. Iniwanan na siya nito at hindi ipinaglaban, niloko siya nito at sinaktan, pinaglaruan lang ni Franco ang damdamin niya. Labis na pagsisisi ang nararamdaman niya ngayon.
 
Lumipas ang umaga at muling pamumugto ng mga mata ang masisilayan sa kaniya. Wala na bang magbabago doon? Puro na lang ba sakit ang mararamdaman niya?
 
Nakahanda na ang pagkain sa lamesa nang magising siya, ngunit napansin niya na naroon si Elmer at kasama ito ng kanyang ama.
 
"Kamille mabuti at gising ka na," sabi ng kanyang ama.
 
Hindi siya kumibo.
 
"Elmer kanino galing ang sulat na pinabigay sayo at inabot mo sa akin kahapon?" tanong ng Daddy niya dito.
 
"Kay Franco po iyon galing at ipinabibigay niya ho kay Senyorita bago sya umalis," mabilis na sagot ni Elmer.
 
Napailing siya ng mapait. Ang kanyang ama ay nakatingin lang sa kaniya at tila pinagmamasdan ang reaksyon niya.
 
"Ngayon Kamille siguro naman ay naniniwala ka na sakin, sige Elmer maaari ka ng umalis."
 
Tiningnan niya si Elmer, hindi niya alam kung bakit may pagtatakha sa mukha nito.
 
"Kumain ka na at wag mong isipin ang hampaslupang iyon, sinabi ko naman sayo matigas lang kasi ang ulo mo," sermon nito sa kanya. Pansin niyang wala ang Mommy niya.
 
Pinilit niyang kalmahin ang sarili at nagawa pa niyang magtanong kung nasaan ang kanyang ina.
 
"Nasa taas ang Mommy mo nakasumpong ang sikmura," sagot ng ama niya.
 
"Pinadalhan ko na ng agahan kay Hilda," dagdag pa nito.
 
Hindi na siya nagsalita at pinilit niyang kumain kahit wala naman siyang kagana-gana. Kailangan niya iyon, mamaya ay magtatrabaho pa siya sa hacienda at tutulong sa mga tauhan nila.
 
"Kamille umaasa pa din sayo si Edward sana ay napag-isipan mo na ang sinasabi ko. Para iyon sa ikabubuti mo at nating lahat." Humigop ng kape ang Daddy noya at nakatitig sa kaniya na tila ba naghihintay ng sasabihin niya.
 
Napaisip siya saglit ngunit hindi niya din alam kung magiging tama nga ba na magpakasal siya sa taong iyon. Sa taong hindi naman niya iniibig. Sa totoo lang mabait naman si Edward ngunit hindi niya yata kayang dayain ang damdamin niya. Naguguluhan siya at nahihirapan sa sitwasyon.
 
"Not now Dad," tipid na sagot niya.
 
"Sige may pagkakataon ka pa naman para pag isipan ang lahat."
 
Hindi na siya kumibo.
 
Kakayanin nga ba niyang mawala ang mga lupain nila? Ang lupain na sobrang napamahal na sa kaniya? Ang mga taong mawawalan ng trabaho na sobrang malapit sa puso niya? Ito ang tanging kabuhayan ng mga ito kaya nakakaraos sa araw-araw, sumasakit ang puso niya kapag naiisip niya ang mga bagay na posibleng mangyari.
 
Sa ngayon hindi niya alam kung anong desisyon ang gagawin niya, hindi siya sigurado ngunit ngayong wala na si Franco kakayanin niyang isugal ang damdamin niya, kayang-kaya niyang gawin iyon para sa mga taong mahal niya at umaasa sa kaniya.

Sweet Seduction (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon