CHAPTER 20

5.8K 111 0
                                    

Maganda ang umaga at nagdesisyon si Kamille na puntahan ang mga trabahador sa hacienda, siya ang magluluto ng tanghalian para sa mga ito. Wala ang Daddy niya ngayon dahil nasa opisina ito, ang Mommy naman niya ay pinuntahan ang tita Emy niya. Matalik na kaibigan nito iyon simula daw noong nag-aaral pa ito sa kolehiyo.

Kahit papaano ay nakahinga siya ng maluwag at gumaan ang kalooban niya nang malamang wala ang mga ito.

Lumabas siya sa malaking pintuan ng kanilang mansyon, tanaw niya agad ang mga tauhan nila at pansin niyang nag-uusap usap ang mga ito. Base sa anyo ng mga ito ay parang mayroong problema.

Lumapit siya sa mga ito at natahimik naman ito bigla nang lumapit siya.

“May problema ho ba?” tanong niya at nagpapalit-palit ng tingin sa mga ito.

Para bang may ayaw sabihin ang mga ito sa kaniya, hindi tuloy mapalagay ang kalooban niya at parang may nakadagan sa dibdib niya dahil sa nakikita niyang ikinikilos ng mga ito.

“Aling Eba?” pukaw niya sa matandang babae.

Sunod na tiningnan niya si Mang Nestor, punong-puno ng pagtatanong ang mga mata niya.

Yumuko ito ngunit nagsalita rin.

“Senyorita...” mahinang sabi nito.

“Ano ho bang problema? sabihin niyo ho sa akin.”

Tiningnan siya nito sa mga mata at naroon ang kalungkutan sa anyo nito.

“Senyorita ang totoo kasi ay magta-tatlong buwan na kaming hindi napapasweldo rito sa hacienda,” pagtatapat nito. Nabigla siya.

Wala siyang alam dahil buong akala niya'y maayos na napapasweldo ang mga ito. Kay Aling Eba bumabagsak ang pera noon kapag pinapasweldo ang mga tauhan nila.

“Senyorita, nahihiya kaming magsabi sa iyo pero ito lang ang kabuhayan namin, at matagal-tagal na rin kaming nagtitiis sa paulit-ulit na sinasabi ni Sir Ricky na maghintay lamang daw kami,” sabi ni Aling Eba.

Gulat at naguguluhan siya sa sinabi ng mga ito. Paano nangyaring hindi pala sumusweldo ang mga tauhan nila na nagpapakahirap sa trabaho? Wala na bang pampasweldo ang ama niya para tumagal ng tatlong buwan na halos hindi pala tumatanggap ang mga ito ng sahod?

Hindi siya makapaniwala at punong-puno ng katanungan ang isip niya.

Siya ang nahihiya ngayon sa mga ito.

“Ganoon ho ba? Wala ho akong kaalam-alam sa nangyayari. Pasensya na ho kayo hayaan niyo't kakausapin ko si Daddy mamaya,” magalang na sabi niya.

Pilit na ngumiti ang mga ito sa kaniya, nakaramdam siya ng awa at kunsensya dahil hindi niya akalaing may ganitong kaganapan na pala sa hacienda.

“Maraming salamat po Senyorita,” sagot ng mga ito.


Bumuntong-hininga siya at niyakap ang dalawang nakatatandang trabahador. Si Aling Eba at Mang Nestor. Nahihiya siya sa mga ito.

“Pasensya na ho kayo wala man lang akong alam. Sana'y noon niyo pa sinabi upang hindi na umabot ng ganito katagal, naiintindihan ko ho kayong lahat. Ito lang ang kabuhayan ninyo, paano na lang kayo kung wala naman pala kayong natatanggap na sahod?” malungkot na turan niya.


“Ang pakikisama mo sa amin ay mabuti Senyorita kaya nagtiis pa rin kami kahit papaano, sapat na ang pumasok kami ng hindi kami napapabayaan sa mga miryenda at pagkaing niluluto mo para samin,” sabi ni Lara. Isa rin itong tauhan sa hacienda. Mas lalo siyang nakunsensya, nagtitiis ang mga ito sa simpleng pangtawid-gutom dahil walang ibang trabaho na mapapasukan ang mga ito.

“Gagawan ko ho ng paraan ito,” sabi niya sa mga tao at mapait na ngumiti.

Bakas ang kalungkutan sa bawat mukha ng mga ito ngunit naroon pa rin ang respeto at pakikisama. Napakaswerte ng pamilya niya dahil may mga tauhan silang kagaya ng mga ito. Malalaki at busilak ang mga puso.

Tumulong muna siya sa mga ito at dinalaw ang mga pananim nila na unti-unti ng nagbubunga. Hitik sa bunga ang kanilang sinigwelas ganoon din ang kalamansi at papaya.
Ang puno naman ng kanilang duhat ay naroon sa rancho at unti-unti na ring nagbubunga ang mga ito.

Pumitas siya ng isang sinigwelas at tinikman iyon. Napangiti siya dahil sa tamis. Nakakatuwang pagmasdan ang mga bunga nito.

Ang sabi ni Aling Eba ay ilang linggo na lang at aanihin na ito upang dalhin sa sinusuplayan nilang tao.

Naroon pa rin ang ngiti sa mga tauhan ng hacienda kahit na problemado na ang mga ito. Hindi niya maiwasang makaramdam ng lungkot sa tuwing maiisip niya si Franco. Dati-dati ay masaya niya itong nasisilayan at ito ang nagpapabuo ng araw niya. Wala man lang siyang balita sa binata. Nasaan kaya ito ngayon?
Gusto man niyang tanungin sila Elmer ay mas minabuti na lang niyang manahimik muna.

Mas aalas-syete ng gabi nang marinig niya ang sasakyan ng kaniyang ama. Nagulat siya dahil ito na ang nagmamaneho at wala na ang kaniyang Kuya Art.

Kanina pa niya hinihintay ang ama dahil gusto niya itong makausap.

Pumasok siya sa loob at sinundan ito, para bang ang bigat ng mga panik nito sa hagdan nila. Sinundan tuloy sila ng tingin ng Yaya Hilda niya. Sinenyasan niya ito na okay lang siya at wag itong mag-alala.

Bago pa nito pihitin ang seradura ng pintuan sa kwarto nito ay nagsalita ito.

“Anong kailangan mo Kamille?”

Humarap ito sa kaniya. Nakatingala ang Yaya Hilda niya sa kanila mula sa ibaba.

“Dad we need to talk,” seryosong sabi niya.

“Kamille kung tungkol na naman ito sa walanghiyang hampaslupang iyon better to shut up your mouth,” may riin sa salita nito.

Kahit nasaktan siya sa sinabi nito para kay Franco ay pinilit niyang balewalain iyon

“Dad this is not about Franco, tungkol ito sa mga tauhan ng hacienda!”

Nagulat at natigilan ito sa sinabi niya ngunit pinilit nitong itago iyon.

“What about them?” Patay-malisya ito at naging mailap ang mga mata.

Bumuntong-hininga siya.


“Dad will you please tell me the truth? Anong nangyayari bakit hindi sumusweldo ang mga tauhan natin? Bakit umabot ng tatlong buwan na wala pala silang natatanggap na perang para sa pinagpaguran nila?!” bahagyang lumakas ang boses niya.

“Si Kuya Art nasan siya? Pinalayas mo na rin ba? Bakit?! Please tell me everything—”

“Dahil baon na tayo sa utang Kamille!” malakas na sagot nito.

Pakiramdam niya'y nanigas siya sa kinatatayuan niya dahil sa narinig. Gulat na gulat siya.

“W-what?”

Nasapo ng Daddy niya ang sariling noo at problemado ang mukhang tiningnan siya nito.

“Wala na akong pampasweldo sa kanila dahil baon na tayo sa utang. Dahil nalulong ako sa casino, ang mga lupain at halos lahat ng ari-arian natin ay malapit na nilang kunin.”

Para siyang pinagsukluban ng langit at lupa dahil sa tinuran nito. Nananaginip lang ba siya? Hindi ito totoo! Naluluha na siya dahil sa emosyong nararamdaman.

“A-ang hacienda?”

Nauutal man at hilam sa mga luha ay ang hacienda pa rin ang nasa isip niya hindi niya kayang mawala iyon dahil napakaimportante nito sa kaniya.

“Hindi na sa atin ang hacienda...”

Hinihiling niya na sana ay lumubog na lang siya sa kinatatayuan dahil sa sinabi ng kaniyang ama.

No!

Hindi niya kayang tanggapin!

“Bawiin mo yung sinabi mo Dad hindi pwedeng mawala satin ang hacienda!”

Mahal niya ang hacienda at maging ang lahat ng mga tao rito. Hindi niya kayang tanggapin na basta-basta na lang itong mawawala sa kanila. Napakaraming ala-ala ang ibinigay nito sa kaniya.

“I'm so sorry!”

Patakbong bumaba siya ng hagdan at hilam ang luhang tinalikuran niya ang kaniyang ama. Hindi niya kayang tanggapin lahat ng sinasabi nito. Daig pa niya ang binabangungot ngayon. Sana nga ay bangungot na lang ang lahat ng ito ngunit hindi. Ito ang katotohanan at sobra-sobra ang sakit na dulot nito.

Hindi niya alam kung saan siya pupunta.

Lumabas siya ng hacienda at punong-puno ng hinanakit ang dibdib niya, hindi niya alam kung saan siya dadalin ng mga paa niya. Bahala na. Gusto niyang mag-isa, gusto niyang huminga. Gusto niyang lumayo at takasan na lamang ang mundo ngunit paano? Nanghihina siya at walang sapat na lakas dahil sa sabay-sabay na kalupitang nangyayari. Hindi na yata niya kakayanin pa.

Sweet Seduction (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon