CHAPTER 60

422 12 1
                                    

Kinabukasan ay maagang tinungo ni Paula ang Hacienda Monreal, talagang wala siyang balak na sumuko para makuha ang mga gusto niya. Dadalhin niya ngayon si Amirah sa ama nito. Alam niyang maaawa si Franco sa bata kaya si Amirah ang magiging alas niya.

Habang naglalakad siya ay agad niyang nakita ang mga tauhan sa Hacienda, nagkukumpulan ang mga ito sa bahay kubo at natanaw din niya si Kamille doon. Nakikipagtawanan ito sa mga tauhan, mukhang masayang-masaya ito. Napairap siya sa hangin.

Agad na hinanap ng mga mata niya si Franco pero hindi niya ito nakita sa kubo. Siguro ay nasa loob ito ng mansyon.

"Bata laro tayo!"

Napataas ang isang kilay niya nang may lumapit na batang lalaki kay Amirah.

Ito ang anak ni Franco at Kamille.

"Sige gusto kong maglaro!" nakangiting sagot naman ng anak niya. May hawak na lego box ang anak ni Kamille at mukhang na-excite doon ang anak niya.

"Amirah, hindi ka puwedeng makipaglaro sa batang ’yan!" suway niya sa anak niya. Nakatingala lang sa kaniya ang anak ni Kamille at nagpapalit-palit ito ng tingin sa kanila ni Amirah.

"Pero Mama gusto ko pong maglaro." Yumuko ang anak niya at nalungkot ang tinig nito. Nakaramdam siya ng kunsensya kaya muli siyang napairap sa hangin at bumuntong-hininga.

"Sige makipaglaro ka na sa kaniya," pagsuko niya kay Amirah kaya nagtatakbo na ang mga ito patungo sa malawak na bakuran nila Kamille.

Inilinga niya ang paningin at muli siyang napatingin sa kubo. Nakita niyang nakatingin sa kaniya si Kamille, nagtama ang mga mata nila at ngayon ay naglalakad na ito palapit sa kaniya.

Hindi siya umalis sa kinatatayuan niya at humalukipkip lang habang hinihintay itong makalapit sa pwesto niya.

"Ano na naman ang ginagawa mo dito Paula?" nakataas ang isang kilay na tanong ni Kamille sa kaniya.

"Wala kang pakialam," sagot naman niya rito.

"May pinaplano ka na naman bang masama? Huwag mo ng tangkain Paula dahil ako na ang nagsasabi sayo, hindi ka magtatagumpay."

Umirap lang siya kay Kamille dahil sa sinabi nito.

"Hinatid ko lang si Amirah dahil gusto niyang maglaro," pagdadahilan niya at tumalikod na rito. Iiwan na muna niya ang anak kahit labag sa loob niya na makipaglaro ito sa anak ni Kamille, pero sa isang banda ay mainam din naman iyon. Kapag napalapit ang anak niya sa anak nito ay mapapalapit din si Franco kay Amirah. Napangisi siya habang naglalakad paalis. Ramdam niya na nakasunod sa kanya ang mga mata ni Kamille pero hindi na niya ito nilingon pa.

*****

Napabuntong-hininga si Kamille habang sinusundan ng tingin ang papaalis na si Paula. Mukhang may binabalak na naman ang babaeng ito pero sinisiguro niyang hindi ito magtatagumpay dahil lagi siyang nakabantay sa bawat ikikilos nito.

Sweet Seduction (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon