CHAPTER 23

5.8K 95 0
                                    

“Kamille kailangan mong pakasalan si Edward kung ayaw mong mawala satin ang hacienda! Hindi ka ba naaawa sa mga tauhan natin? Akala ko ba mahal mo sila? Ikaw na lang ang pag-asa para maisalba ang lahat ng meron tayo!”

Hindi siya makapaniwala sa sinasabi ng Daddy niya ngayon, umaga na naman at nananatili ang pagtatalo sa pagitan nilang dalawa.

“This is all your fault Dad. Kasalanan mo ang lahat ng ito! Tapos ngayon kailangan na ako ang magdusa?!” Halos pumiyok na siya dahil kagabi pa siya buong magdamag na umiiyak. Masakit na pati ang lalamunan niya. Ang mga mata niya ay namamaga na at halos takasan na ng kulay ang mukha niya.

Naramdaman niya ang prisensya ng Mommy niya.

“Nagtatalo na naman kayong mag-ama for God's sake! Please tumigil na kayo!” galit na sabi nito.

Bakas ang pag-aalala sa mukha ng Mommy niya. Alam niyang isang bahagi ng pagkatao nito ang nakakaintindi sa kaniya. Wala lamang itong magawa.

“No Verna!” mariin na sagot ng Daddy niya at muli siyang binalingan.

“Makinig ka Kamille, kung ayaw mong makulong kami ng Mommy mo at kung ayaw mong maapektuhan pati ang mga tauhan ng Rancho at Hacienda, magpapakasal ka kay Edward.  Wala kang ibang choice, nasayo kung kaya ng kunsensya mong makita kami sa bilangguan!”

Gusto niyang paulanan ng suntok ang Daddy niya dahil sa kaselfishan nito. Kung lalaki lang siya malamang na ganoon na nga ang nangyari. Kasalanan na nga nito ang lahat at pagkatapos ay siya pa rin ang iniipit nito, ni hindi na niya ito makilala ngayon.

Sumulyap siya sa kaniyang ina na ngayon ay tila nakikiusap rin sa kaniya. Nagsusumamo ang mukha nito.

Marahas niyang naisuklay ang kamay sa kaniyang buhok. Tila mababaliw na siya! Hindi na niya alam. Masakit ang puso niya at pati isipan niya ay bugbog na bugbog na.

Muli niyang tinalikuran ang ama, wala na siyang ibang magawa kundi ang talikuran na lamang ito sa tuwing nagtatalo sila.

Pagod na pagod na siya sa mga argumento.

Lumabas siya ng hacienda at nakita niya ang mga tauhan nilang namimitas ng mga prutas na dadalhin sa mga sinusuplayan nilang tao.

Lumapit siya sa mga ito. Pinawi niya muna ang inis ng kalooban bago humarap sa mga ito.

“Magandang umaga Senyorita!” bati ng mga ito sa kanya.

“Magandang umaga po sa inyo,” sagot niya at pinilit na ngumiti.

Ramdam niya ang lungkot sa mga ito at ang pananamlay ngunit sinisikap pa ring magtrabaho.

“Ang tamis ng mga sinigwelas nakakatuwang naging maganda ang mga bunga nito,” sabi ni Lara.

Napangiti siya at kumuha rin ng basket upang mamitas ng mga sinigwelas.

“Senyorita, yung mga puno ng duhat sa rancho ay may nakausap na kaming tao upang bilhin ang mga bunga. Marami daw benipisyo ang duhat sa katawan, mukhang gagawin itong gamot ng bibili tulad ng mga nakikita namin sa TV, yung tungkol sa manggustin,” sabi ni Aling Eba.

Oo nga ginagawa itong gamot at nakakatuwang malaman na may magandang benipisyo ito sa katawan.

“Magandang balita po iyan Manang Eba, mamaya ay sasama rin akong mamitas,” nakangiting sabi niya.

Nakita niya si Elmer na kinakausap ang Daddy niya. Malayo siya sa mga ito kaya hindi niya alam kung ano ang pinag-uusapan ng mga ito. Hindi na niya iyon pinag-aksayahan pa ng panahon upang alamin.

——


“Sir Ricky magandang umaga po. Nariyan po ba si Senyorita Kamille?” tanong ni Elmer sa ama ni Kamille.

Pinagmasdan lamang siya nito na tila ba nanunuri. Ang akala ni Elmer ay umalis na si Kamille dahil sinabi nito noon na matapos nitong gumraduate ay maghahanap agad ito ng trabaho.

Hindi nito napansin ang dalaga na nananatili pa ring nasa hacienda at kasalukuyang tumutulong sa mga tao roon.

Nakatalukbong kasi ito sa ulo tulad ng mga iba pang tauhan.

“Bakit anong kailangan mo kay Kamille?” tanong ni Ricky.

Napatingin ito sa kamay ni Elmer na may hawak-hawak na papel.

Nahalata iyon ni Elmer kaya naman mabilis niya sanang aalisin ang kamay niya upang itago ang papel pero mabilis na nahablot iyon ni Ricky.

“Ano ba ito?”

“S-sir Ricky akina po iyan. Sulat po iyan para kay Senyorita...”

Nagdilim ang paningin nito. Pinagpawisan naman si Elmer ng malapot. Alam niyang naramdaman na ni Ricky na galing iyon kay Franco.

Wala siyang alam sa laman ng sulat basta ang sabi Franco ay ibigay daw iyon kay Kamille. Wala rin siyang alam kung bakit umalis si Franco wala man lang itong sinabing dahilan basta ang sabi nito ay babalik siya sa tamang panahon.

“Hmm, ganoon ba? Ako na ang magbibigay nito kay Kamille.”

Nagulat pa si Elmer sa tinuran ni Ricky dahil tila kalmado ito at hindi man lang nagalit. Biglang naging maliwanag ang mukha nito.

“P-po sigurado po kayo?” nag-aalangan pang sabi ni Elmer.

“Oo ako na ang magbibigay sa kanya. Sige na bumalik ka na sa trabaho.”

Nagtataka man ay iniwan na ito ni Elmer at hinayaang ito na lamang ang magbigay ng sulat para kay Kamille.

——

Nasa rancho na si Kamille at binisita niya naman ang mga duhat kasama si Lara at Manang Eba, hinimas-himas niya muna ang ulo ni Jewel bago ito iniwan. Naalala niya tuloy si Franco, kasama niya ito noon na sumakay sa kabayo. Nami-miss niya na naman ito.

“Senyorita iniisip niyo ho ba si Franco?” tanong ni Lara.

“H-ha?” Nagulat pa siya sa sinabi nito.

“Opo kitang-kita naman sa mata mo ang pagka-miss sa kanya, hindi pa ba kayo nagkita buhat noon?”

Napaisip siya, tatlong araw na din ang lumipas buhat noong huli silang nagkita ni Franco. Mas mabuti na rin iyon, baka mahuli pa ito ng Daddy niya at gawan pa ng hindi maganda. Pangako niya na maging maayos lamang ang mga tauhan sa hacienda at maibigay ang dapat na para sa mga ito ay siya na mismo ang pupunta kay Franco upang magpakalayo-layo na sila.

Sasama na siya sa binata dahil mahal na mahal niya ito. Gusto niya itong makasama sa araw-araw. Hindi niya muna magawang humanap ng trabaho dahil mas mahal niya ang hacienda at ang mga tao roon ang labis na iniintindi niya.

Niyakap niya ang mundo ng mga ito at patuloy na yayakapin maging ang mga karapatan ng mga ito. Hindi niya pababayaan ang mga tauhan nila.

Kailangan muna nilang magpalamig ni Franco alam niyang dadating ang araw na magkakasama muli sila at wala ng hahadlang sa pag iibigan nila. Magiging maayos din ang lahat.

Titiisin niya muna ang pangungulila sa binata dahil para sa kanila din naman ang lahat ng ito. Gusto niyang maging maayos ang lahat upang wala ng maging hadlang sa kalooban niya kapag natapos ang problema sa hacienda.

Binalingan niya si Lara at hindi pinansin ang sinabi nito. Ngumiti na lamang siya sa dalaga.

“Halika na nga at manguha na lang tayo ng duhat,” pag-iiba niya ng usapan at nauna ng maglakad sa dalaga.
Sumunod naman ito sa kaniya.

Sweet Seduction (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon