CHAPTER 37

5.5K 113 3
                                    

Ramdam na ramdam ni Franco ang sakit sa bawat agos ng luha ni Kamille, araw na ng libing ngayon ni Edward at narito siya sa loob ng sasakyan niya. Pinagmamasdan niya ito mula sa di kalayuan, pansin niya na mabilis itong namayat, siguro ay dahil na rin sa puyat at malamang na hindi pa ito nakakakain ng maayos dahil sa ganitong sitwasyon.

Ang Mommy naman nito ay buha-buhat si Mathew, naaawa siya dahil walang kamuwang-muwang ang bata at mapapansin mong naguguluhan ito sa nakikita ng mga mata nito.

Nagsimula ng lumakad ang ibang taong makikipaglibing. Idadaan daw muna sa simbahan si Edward upang mamisahan at pagkatapos ay saka ito ililibing.

Pinaandar niya na ang sasakyan at marahan na sumunod sa mga taong nauunang maglakad, marami ang nakipaglibing at marami din ang hindi na naglakad dahil medyo tirik ang araw.

Malapit lamang ang simbahan at ang paglilibingan kay Edward kaya naman mabilis itong naidala sa loob ng simbahan upang dasalan.

Pumasok na rin siya at isinuot ang shades niya. Hindi niya alintana ang ibang mga taong nagbubulungan pagkakita sa kaniya, hindi naman na bago sa kaniya ang ganitong senaryo. Wala rin siyang mapapala kung pag-aaksayahan niya pa ng oras at papatulan kung ano man ang tingin ng mga ito sa kaniya.

"Tito Franco?!"

Nagulat siya nang bumaba si Mathew sa Mommy ni Kamille at nagtatakbo patungo sa kaniya. Nakita pala siya nito kaagad.

"Tito Franco nandito ka rin po," sabi ng bata.

Hindi kasi sila nagkita noong isang punta niya sa burol ni Edward. Siguro ay nasa itaas ito noon at natutulog na.

Sinalubong niya ito at yumakap naman ito sa baywang niya. Biglang gumaan ang pakiramdam niya dahil sa pagyakap nito na tila ba sabik itong makita siya.

"Mathew kamusta ka na?" Pinilit niyang ngumiti at kinarga ito, kumapit naman ito sa batok niya at ngumuso na tila ba malungkot.

"Tito Franco hindi ko po sila maintindihan lahat. Ano po bang nangyayari kay Daddy? Iniwan na po ba niya kami? Hindi na ba siya babalik?" sunod-sunod ang tanong ni Mathew.

Napabuntong-hininga siya. Paano niya ba maipapaliwanag dito ang sitwasyon?

"Shh! Mamaya tayo mag-usap makinig muna tayo kay Father," sagot niya at itinuro dito ang pari.

Alam niyang wala itong naiintindihan sa mga nangyayari, batid niya rin na nahihirapan si Kamille ipaliwanag kay Mathew ang totoong nangyari.

Nanatili lang si Mathew sa kaniya habang sumusulyap naman ang Daddy at Mommy ni Kamille sa pwesto nila. Nakita niya na lalapit sana sa kaniya ang Daddy ni Kamille pero pinigilan ito sa braso ng Mommy ni Kamille. Alam niyang hanggang ngayon ay mainit pa rin ang dugo sa kaniya ni Mr. Monreal.

Malungkot na tumingin si Kamille sa gawi nila at nang makita nitong nasa kaniya si Mathew ay napayuko na lang ito habang malamlam ang mga mata. Hinayaan nito na nasa kaniya ang bata.

Nang matapos dasalan si Edward ay nilapitan siya ni Kamille upang kunin sana si Mathew pero tumanggi ang bata.

"Mommy gusto ko po dito muna kay Tito Franco," sabi nung bata at mahigpit na humawak sa leeg niya.

Nakita niya na parang nag-aalangan pa si Kamille pero bumuntong hininga rin naman at sumuko.

"Okay lang ba Franco?" tanong nito sa kaniya.

"Oo naman Kamille, wag mong intindihin si Mathew, ako muna ang bahala sa kaniya. Ihahatid ko na lang siya mamaya sa bahay niyo pagkatapos," sagot niya rito.

Pinilit nitong ngumiti at matamlay na tumango.

Lumabas siya ng simbahan na kasama niya si Mathew, pinaupo niya ito sa tabi ng driver's seat, ihahatid na sa huling hantungan ang Daddy nito.

"Tito Franco wala na po ba akong Daddy?" May kaunting luha sa gilid ng mata ni Mathew.
Napalunok siya dahil nakaramdam siya ng awa.

"Ahm, Mathew makinig ka sakin ha? Alam mo, lahat naman tayo mapupunta sa heaven kasama ni Lord, si Daddy mo nauna lang siya dahil siguro may mas magandang plano si Lord dun para sa kaniya," paliwanag niya.

Jeez! Hindi niya alam kung tama ba yung sinabi niya o kung mauunawaan ba siya nito.

"Ibig po ba sabihin hindi ko na makakalaro ang Daddy ko?
 

Inayos niya ito sa pagkakaupo at pagkatapos ay tiningnan niya ito sa mga mata, hindi niya ipinahalata ang lungkot. Oo pati siya ay sobrang nalulungkot para sa batang ito.

"Sa tamang panahon magkikita pa din naman kayo ni Daddy mo, pero wag kang mag alala okay? Nandito naman si Tito Franco eh palagi tayong maglalaro," sabi niya, gusto niyang mapagaan man lang ang loob nito dahil kahit alam niyang wala pa itong kamuwang-muwang ay nalulungkot rin ito sa nakikitang nag-iiyakan na mga tao sa paligid nito, lalo na ang Mommy nito.

"Talaga po? Promise mo po ’yan Tito Franco?"

Ngumiti siya at tumango rito.

"Oo naman promise!" Itinaas niya pa ang isang kamay niya bilang pangako.

Sumilay ang ngiti sa labi ni Mathew, pinaandar niya na ang sasakyan.

Nang makarating sila sa libingan ni Edward upang ihatid ito sa huling hantungan ay nagpakawala ng maraming puting lobo. Karga-karga niya pa rin si Mathew at mapait siyang ngumiti ng kumaway ito sa mga lobo, tila yata naintindihan na nito ang nangyari kahit papaano dahil narinig niya ang sinabi nito.

"Paalam Daddy ko!"

Umiyak si Kamille na hindi niya namalayang nasa gilid niya na pala.

Kahit nag-aalangan pa ang isang kamay niya ay kusa iyon na humagod sa likod nito.

"Mommy, wag ka na po umiyak ayaw ko pong umiiyak ka," alo ni Mathew sa Mommy nito.

Tumingin si Kamille sa kaniya at pagkatapos ay kay Mathew, umiiyak pa rin ito at doble yung kirot na nararamdaman niya. Ewan niya, basta ayaw na ayaw niyang nakikita ito na ganoon, nasasaktan at nagdurusa, hindi niya kaya.

"Kamille, ihahatid ko na kayo," pagpiprisinta niya.

Hindi na ito tumanggi at sumunod ito sa kanila ni Mathew.

Tahimik lang ito nang pumasok sa loob ng sasakyan at naupo sa tabi niya habang si Mathew ay nasa kandungan naman nito.

Hindi na rin siya nagsalita pa, hinayaan niya na lang na mamayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa.

Nang makarating sila sa bahay nito ay pinagbuksan niya ito ng pintuan ng sasakyan.

"Salamat Franco," sabi nito sa nanghihinang boses.

"Tito Franco pwede bang dito ka po matulog samin?" bigla ay sabi ni Mathew.

Nagkatinginan sila ni Kamille at saglit na natigilan.

"Ahm, anak baka marami pang gagawin si Tito Franco mo, hindi siya pwedeng mag-stay dito," sabi ni Kamille.

"Hmm, Mathew ganito na lang, bukas ay dadalawin kita at maglalaro tayo. Okay ba sayo ’yun?"

Ngumiti si Mathew sa kaniya habang si Kamille naman ay nagpapalit-palit lang ng tingin sa kanilang dalawa, hindi ito nagsalita, alam niyang pagdating sa kaligayahan ng anak nito ay hindi nito magagawang humadlang.

"Yehey! Hihintayin po kita bukas Tito Franco ba-bye po!"

Nakipag high-five siya kay Mathew at pagkatapos ay sumulyap siya kay Kamille. Nagpaalam na siya rito.

"Mauna na ako Kamille," paalam niya.
Tumango naman ito sa kaniya.

"Mag-iingat ka, salamat ulit." Tumango siya at ngumiti dito bago tumalikod paalis.

Sweet Seduction (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon