CHAPTER 17

5.8K 113 0
                                    

Mahigpit na hinawakan ni Franco ang kamay niya pagkapasok nila sa hacienda. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lamang ang kabang nararamdaman niya habang papalapit sila sa mansyon.

Naramdaman niyang pinisil ni Franco ang kamay niya. Siguro ay nararamdaman nito na kinakabahan siya.

Hindi pa man sila nakakatungtong sa loob ay bumukas na agad ang pintuan at iniluwa niyon ang mga magulang niya.

Gulat na gulat ang mga ito nang makita siya, nakangiti ang mommy niya samantalang ang daddy naman niya ay mapanuring tingin ang ibinungad sa kanila.

Naramdaman niya ang mahigpit na pagyakap ng ina niya sa kaniya. Bibitaw na sana siya sa pagkakahawak niya sa kamay ni Franco upang mawala ang tensyon sa tingin ng ama niya  pero hinigpitan ni Franco ang paghawak roon at hindi siya binitawan.

Sunod na tumingin ang mommy niya sa kamay nilang magkahawak matapos itong bumitaw sa pagkakayakap sa kaniya. Pakiramdam niya'y napako na siya sa kinatatayuan.

“Anong ibig sabihin nito?”

Malalim ang tinig ng ama niya at ramdam niya na hindi nito gusto ang nakikita ng mga mata ngayon.

Hindi siya makapagsalita dahil hindi niya inaasahang mga magulang niya pala ang bubungad sa kanila at hindi ang Yaya Hilda niya. Handa niyang aminin sa yaya niya kung ano man ang meron sila ngayon ni Franco. Nawala sa isipan niya na ngayon ang dating ng Mommy at Daddy niya.

“ANONG IBIG SABIHIN NITO?!” ulit ng Daddy niya sa mas nakakatakot na tinig. Malinaw ngayon na galit ito.

Bumaling ito ng tingin kay Franco at akmang susuntukin ito pero humarang siya. Maging ang tingin ng Mommy niya sa kaniya ay punong-puno ng katanungan.

“Tarantado ka! Pinagkatiwalaan kita sa hacienda ko noon pala'y anak ko ang pupunteryahin mo!”

“Daddy tama na!” mabilis na agap niya sa ama.

Tumulo ang luha niya habang ang Mommy naman niya ay umaawat sa likod ng Daddy niya.

Takot, kaba, at lungkot ang nararamdaman niya ngayon dahil malinaw sa kaniya ang pagka disgusto ng ama niya kay Franco.

“Mahal ko po ang anak ninyo at wala po akong masamang intensyon sa kaniya,” buong tapang na binitawan ni Franco ang mga salitang iyon. Mas lalo lamang nagalit ang Daddy niya.

“Kailanman ay hinding-hindi kita kayang tanggapin para sa anak ko! Umalis ka sa harapan ko kung ayaw mong makapatay ako!”

Nakita niya ang pagbunot nito ng baril kaya niyakap niya agad ang ama at umiiyak na pinatigil ito.

“Daddy tama na!” pagmamakaawa niya.

“Nagmamahalan ho kami ni Kamille—”

“Sumasagot ka pang p*tang*na ka!” galit na litanya nito kay Franco.

Sunod-sunod ang pag-agos ng luha sa mga mata niya kasabay ng nagsusumamong tingin ni Franco sa kaniya ngayon. Hindi niya kayang makita ang binata na ganito. Nasasaktan siya ng sobra. Alam niyang handa siyang ipaglaban nito, pero ayaw niyang mahirapan ito dahil siguradong hindi ito titigilan ng kaniyang ama.

“Lumayas ka na ngayon din! Verna ipasok mo sa loob yang anak mo!” galit na sabi ng ama niya. Hinila naman siya ng kaniyang ina sa loob ng mansyon.

Ang huling sulyap na ibinigay niya kay Franco ay punong-puno ng luha ang mga mata niya. Alam niyang posible talagang sa ganito humantong ang lahat pero hindi niya akalaing magkakatotoo nga ito. Umaasa pa rin siya na hindi magiging hadlang ang estado ng buhay nila.

Mahal niya ang binata, tila isang bangungot na naglaho ngayon ang lahat para sa kanila. Kailan lamang sila nagkaintindihan subalit napakabilis na binawi iyon ng tadhana. Mabait ang mga magulang niya at ngayon lamang niya nakita ang Daddy niya na ganito, tila ito isang bulkan na ano mang oras ay sasabog na dahil sa galit.

Nakatatak pa rin sa isipan niya ang mukha ni Franco nang puntahan siya ng ama at galit na isinalya siya sa sarili niyang kama.

Ang Yaya Hilda niya ay nakasunod sa kanila at kitang-kita niya ang pag aalala sa mukha nito. Hindi ito hinayaan ng Daddy niyang makapasok sa loob ng kwarto niya.

Nanlilisik ang mga mata ng kaniyang ama nang harapin siya nito. Ang Mommy niya ay awang-awa sa kaniya dahil sa mga luha niyang ayaw tumigil sa pagpatak kanina pa, pero wala itong magawa.

“Hindi ka ba nag-iisip Kamille?! Anong ipapakain sayo ng lalaking iyon? Buong akala ko ay nagpapakabuti ka rito sa hacienda noon pala'y nakikipagmabutihan ka sa hampaslupang iyon!”

“Hindi siya masamang tao Daddy!”

“Hindi ganoong buhay ang pinangarap namin sayo Kamille! Isang hardinero? Anong ibubuhay niya sayo? Napakaraming lalaki diyan ano ba ang nangyayari sayo?!”

Mas lalo siyang naiyak dahil sa pangmamaliit nito kay Franco ngunit nagawa pa rin niyang sumagot.

“Mahal ko siya! Hindi mahalaga kung anong estado ang buhay na mayroon siya dahil nagmamahalan kaming dalawa. Bakit ninyo pipigilan iyon? Masaya ako sa kaniya!”

Dumapo ang kaliwang palad ng ama niya sa pisngi niya, nabigla rin ito sa ginawa ngunit mas nabigla siya dahil hindi niya akalaing magagawa siya nitong saktan. Nasapo niya ang mukha ngunit mas ramdam niya ang sakit dahil sa paghihiwalay nila ni Franco. Iniisip niya kanina na maaaring matatagalan na bago ulit sila magkasama dahil ga-graduate na siya at sisimulan na niyang maghanap ng trabaho pagkatapos. Pero hindi pala iyon ang magiging dahilan kundi itong pangyayaring ito ngayon sa pagitan nila at ng kaniyang ama.

Lumabas ng kwarto ang kaniyang ama at yakap ng kaniyang ina ang huling naramdaman niya, hinagod nito ang likod niya. Umiyak lang siya ng umiyak. Gusto man niya itong kausapin ngayon ngunit hindi niya kaya, baka hindi rin siya nito maintindihan at ipilit din nitong hindi sila nararapat ni Franco para sa isat-isa.

Masyado lamang na madodoble ang sakit na nararamdaman niya.

“Intindihin mo na lang ang Daddy mo Kamille, kapakanan mo lamang ang iniisip niya.”

Hindi siya sumagot, maging ang kaniyang ina ay tila ba kaparehas lamang ng iniisip ng kaniyang ama. Bakit ba sila bumabase sa estado ng buhay ng isang tao? Dahil ba mayaman sila at mahirap lamang si Franco? Dahil ba tauhan lamang nila ito? Para sa kaniya ay hindi iyon hadlang. Nagmamahalan sila at wala silang inaapakang tao.

Bukas ay graduation na niya. Akala niya ay magiging masaya ang araw na iyon ngunit kabaligtaran pala ang lahat. Paano siya magiging masaya kung pinaglalayo sila ng taong mahal niya?

Pagmamahal nito ang lahat para sa kaniya, mas lalo pa siyang nag-aalala dahil alam niyang hindi pa tapos ito at ang kanyang ama. Siguradong hindi ito titigil hanggat hindi napapaalis si Franco sa hacienda. Mawawalan pa ito ng trabaho ngayon. Awa, galit, sakit ng loob at pagkamuhi ang nararamdaman niya ngayon. Sobrang sakit ng mga pangyayari.

Lumabas na ang kaniyang ina dahil walang salita na lumalabas sa bibig niya at tulala lamang siya sa isang sulok ng kama. Abot lamang ang bagsak ng luha niya at hindi niya kayang pigilan iyon. Masyadong mabilis ang mga pangyayari para paglayuin sila ni Franco.

Hanggang sa sumapit ang gabi ay hindi pa din siya lumalabas ng silid. Natutuyo na lamang ang luha sa mga mata niya. Ang Yaya Hilda niya ay dinalhan siya ng hapunan kanina pero ni hindi man lang niya iyon nagalaw. Wala siyang ganang kumain. Nanghihina siya dahil sa sobrang kalungkutan. Kinakausap siya ng Yaya Hilda niya pero tila hangin lamang ito. Hindi niya ito magawang kausapin. Natutulala na lamang siya.

Muli siyang nahiga sa kama at niyakap ang unan na siyang sumasalo sa lahat ng luhang bumabagsak mula sa mga mata niya.

Paano na siya ngayon? Parang hindi niya kakayanin. Graduation niya bukas ngunit napakasakit ng regalong nakamit niya.

Kamusta na kaya si Franco? Nasaan kaya ito ngayon? Ano kayang ginagawa nito?

Hanggang sa huling sandali ay ito pa rin ang iniisip niya. Okupado nito ang buong isipan niya. Mababaliw na yata siya.

Hindi niya kayang mawala ito.

Hindi niya kaya...

Sweet Seduction (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon