CHAPTER 13

7K 119 0
                                    

Nangingiti si Kamille habang pinapakinggan ang kwento ni Elmer at James. Kanina pa mukhang hindi makapaniwala ang mga ito dahil sa labis na takot. Sa tanang buhay daw ng mga ito ay noon lamang sila nakaranas ng ganoong pangyayari. Totoo daw pala ang mga ligaw na kaluluwa.

Pasimple din na nangingiti si Franco habang pinapakinggan ang mga ito, at pagkatapos ay babaling ng tingin sa kaniya.

“Abay nandoon sina Franco at Senyorita Kamille ha, nakapagtataka namang hindi niyo sila nakita roon,” si Mang Nestor.

Napakagat labi siya. Sana ay wag na itong masyadong magbigay ng detalye dahil baka mamaya ay mabisto pa sila. Hindi niya rin alam pero natatawa talaga siya sa reaksyon ng mga mukha nito habang nagku-kwento.

“Iyon nga ho ang isa pang nakakatakot Mang Nestor, ang sabi ninyo ay nandoon sila Franco pero hindi naman namin sila nakita, siguro nga'y namamaligno talaga kami.”

Ibig niyang humagalpak ng tawa dahil sa sinasabi ng mga ito pero pinigilan niya ang sarili. Nakatipon sila sa kubo at kumakain ng tanghalian. Salu-salo sila sa isang mahabang lamesa. Nakakamay ang mga ito kaya't pati siya ay nakigaya na rin. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lamang kalawak ang ngiti ni Franco habang pinagmamasdan siya nito. Natutunaw siya sa mga tingin nito, ang gwapo pa naman nito sa paningin niya.

Pasimple itong tumabi sa kaniya habang abalang-abala ang iba pa nilang kasamahan sa mga kwento nila Elmer.

“Kanin pa?” patanong na sabi nito sa kaniya at tiningnan ang plato niyang wala ng laman.

“Busog na ako,” pagtanggi niya, hinawakan niya pa ang sariling tiyan at hinimas iyon.

“Kumain ka ng kumain para may lakas ka.”

Alam niya kung ano ang ipinahihiwatig ni Franco at naiinis siya sa binata dahil kung pilya pala siya ay mas pilyo naman ito sa kaniya. Siniko niya ito at narinig niya ang mahinang pagtawa nito.

Nilagyan niya ang pinggan nito ng kanin at ulam.

“Ikaw ang kumain gutom lang yan,” sagot niya pero hindi talaga ito nagpatalo, mas lalo lamang lumawak ang ngisi nito.

“Paano kung ikaw ang gusto kong kainin?” bulong nito sa tenga niya.

Tiningnan niya sila Mang Nestor at Aling Eba buti na lang hindi sila nito alintana, binigyan niya nang nakamamatay na tingin si Franco ngunit tinawanan lang siya nito.

“Ang sarap pala magluto ni Senyorita ha, pinakbet paborito ko pa naman ito,” sabi ni Elmer.

“Lahat naman ay paborito mo eh,” pambabara dito ni James

“Ikaw pala ang nagluto?” takhang tanong ni Franco sa gilid niya. Hindi yata ito makapaniwala. Natuto siyang magluto ng ilang mga putahe dahil sa panonood niya kay Yaya Hilda.

“Oo,” tipid na sagot niya.

Naramdaman niya ang paghapit ng kaliwang kamay nito sa baywang niya kaya pasimpleng napadikit siya sa katawan nito.

“Galing!” puri nito at tila mas ginanahan pang kumain dahil sa nalaman. Pinagmasdan niya lamang ito habang nakakamay. Napakagwapo pa rin nito. Hindi siya magtataka kung maraming babae ang nagkakagusto sa binata, kahit na hindi ito nakasuot ng unipormeng pang-opisina o kahit na hindi man ito nakasakay sa mamaling sasakyan ay walang panama ang mga katulad ni Max sa kakisigang natural na taglay nito kahit pa bilad ito sa araw.

Sumulyap ito sa kaniya at kumindat. Pakiramdam niya'y lumundag ang puso niya dahil sa ginawa nito. Hindi niya akalaing tatablan pa siya ng mga ganitong kilig.

“Saan ka natutong magluto nito?” tanong nito sa kaniya.

“Pinapanood ko kasi minsan si Yaya Hilda. Sa kaniya ko yan natutunan,” sagot naman niya.

Pinunasan niya ang pawis sa gilid ng noo nito, nakita pala iyon ni Elmer kaya naman bigla na lang itong nanukso.

“Hoy Franco! Baka mamaya ay magselos si Paula kay Senyorita ha. Masyado kayong close nakakainggit naman,” sabi nito at ngumuso.

“Wala naman kami ni Paula at hindi ko siya nobya,” sagot ni Franco.

“Ha? Paanong hindi nobya hindi ba't nagsasama na nga kayo sa iisang bubong?” naguguluhang sabi nito.

“Matagal na kaming wala, siya lamang ang makulit. Umalis na nga kanina eh,” ani Franco at sumeryoso ang mukha.

Napatingin siya sa binata dahil sa sinabi nito. Hindi nito nabanggit sa kaniya na umalis na pala si Paula sa bahay nito.

“Ganoon ba? Sayang din ang pinagsamahan niyong matagal. Kung ganoon ay puwedeng-pwede na pala kayo ni Senyorita,” tukso nito sa kanila.

Ngumiti lamang siya.

“Abay ako eh botong-boto sa inyong dalawa,” sabi naman ni Mang Nestor.

Umakbay si Franco sa kaniya.

“Ayan ha may basbas na ho ninyo kami,” biro nito.

Nagtawanan lamang sila at muli ng bumalik sa trabaho, nahiya tuloy siya bigla, hindi niya alam kung anong meron sa kanila ni Franco. Pero alam niyang masaya sila sa isa't-isa at ayaw niyang maputol ang ugnayang iyon kahit na minsan hindi pa naman nito sinabing mahal siya nito. Ayaw niyang umasa, alam niyang may namumuo na siyang pagtingin sa binata, ang lahat ng kalokohang naglalaro sa isip niya noon para rito ay tila ba unti-unti ng nagbabago. Kung noon ay naiinis lang siya dahil hindi niya makuha ang atensyon nito, ngayon naman ay nararamdaman niyang pati puso nito ay gusto na rin niyang makamit. Mahal na nga ba niya ito? Saglit pa lamang silang magkakilala pero ang damdaming namumuo sa puso niya ay alam niyang may ibang ipinahihiwatig na.

Iniligpit niya ang mga pinggan nang matapos na silang kumain. Tinulungan siya ni Franco bago ito bumalik sa trabaho.

“Ako na ho, Senyorita.” Sinalubong siya ng isang katulong.

“Ako na ho Manang madali lang naman ho ito,” sagot niya at kinumbinsi ito na hayaan na lang siya.

Mas okay na rin ang natututo siya sa mga simpleng gawaing bahay. Hindi na dapat pa iyon iasa sa katulong kung kaya naman din niyang gawin, lalo na at wala naman siyang ibang pinagkakaabalahan.

Tinanguan lamang niya si Franco nang kuhanin ng katulong rito ang ibang pinggan. Bumalik na ito sa trabaho at siya naman ay pumasok na sa loob.

Naligo siya pagkatapos at nagbasa-basa muna ng libro. Nakatulog siya dahil sa sobrang pagod, pero enjoy naman ang araw niya lalo na at kasama niya si Franco. Napapalapit na talaga siya sa binata at alam niyang mahihirapan na siyang pigilin iyon. Tila hinahanap-hanap na niya palagi ang prisensya nito, para bang hindi mabubuo ang araw niya kapag hindi niya nasisilayan ang gwapong mukha nito o kahit ang tikwas man lang ng maganda nitong katawan. Iba na ang epekto nito sa kaniya. Maaaring nahihirapan siyang aminin pero unti-unti na siyang nahuhulog dito.

Sweet Seduction (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon