CHAPTER 59

333 9 2
                                    

Nagtitingin si Kamille ng mga damit ni Mathew habang si Franco naman ay hawak-hawak ang kamay ng anak nila. Paminsan-minsan ay nagtatanong siya kay Franco kung bagay ba kay Mathew ang mga damit na napipili niya. Sumasang-ayon naman ito sa kaniya.

Nandito na sila sa mall at nabilhan na rin nila si Mathew ng sapatos kanina, kaya sa bilihan naman ng damit ang tinungo nila ngayon. Si Franco ang namili ng mga sapatos ni Mathew at tatlong pares ang napamili nila para sa anak.

"Ito mahal magmumukhang binata dito si Mathew," nakangiting sambit niya habang sinusuri ang polo-shirt na pambata. Kulay maroon iyon at maganda ang tela.

"Bagay ’yan sa anak natin dahil maputi siya," sabi naman ni Franco. Madali niya agad na kinuha ang damit. Marami na rin siyang napili buhat pa kanina kaya nagtungo na siya sa cashier upang magbayad.

Nakasunod lang sa kaniya ang mag-ama niya.

Nang makapagbayad siya ay nagyaya si Mathew na bumili ng ice cream kaya naman pinagbigyan nila ito at nagtungo sa bilihan niyon.

Hila-hila ito ng isang kamay ni Franco habang siya naman ay nakaangkla din sa isang braso ni Franco.

"Mommy gusto ko yung chocolate flavor," ani Mathew sa kaniya kaya nakangiting tumango siya sa anak niya.

Habang bumibili siya ng ice cream ay isang pamilyar na babae ang napansin niya at kasabay din nila itong bumibili ng ice cream.

Nakilala niya agad kung sino ito at hindi siya pwedeng magkamali. Kilalang-kilala niya ito kahit nakatagilid.

"Paula..." sambit niya sa sarili pero hindi iyon nadinig ni Franco.

Napatingin siya sa batang babae na kasama ni Paula at ganoon na lamang ang pagtatakha niya nang bigla itong tumingin kay Franco at napangiti ito. Si Franco ay nakita niyang tila naging balisa.

"Papa!" sambit ng bata habang nakatingin kay Franco.

Mas ikinagulat niya ang sunod na ginawa ng batang babae. Lumapit ito kay Franco at humawak sa kamay.

"Papa nandito rin po kayo!" nakangiting sabi ng bata. Doon ay lumingon na rin si Paula at nagulat ito pagkakita sa kanila.

"Amirah," tawag nito sa bata.

"Mama si Papa nandito rin siya," anang batang babae.

Hindi niya nagawang kumilos dahil sa nasaksihan niya.

Anong nangyayari?

Bakit tinatawag ng batang ito na Papa si Franco?

Nakatingin sa kaniya si Franco at nagsusumamo ang mga mata nito.

"Mommy bakit niya tinatawag na Papa si Daddy?" tanong ng anak niya, mukhang naguguluhan na rin ito.

"F-franco ano 'to?" hirap na tanong niya kay Franco dahil tila may dumadagan ng mabibigat na mga bato sa dibdib niya ngayon.

Sweet Seduction (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon