CHAPTER SEVENTEEN: Taking Chances
Pasado alas-dos na ng hapon ay hindi parin umaangat sa upuan nito si Trish. Nakasuot ng salamin at kagat-kagat ang lapis na binubusisi ang ginagawang model ng isang 5-star hotel. Ito ang isa sa mga bagong proyekto ng kanilang company at siya ang head architect nito. Sinipat-sipat pa ng dalaga kung tama ang pagkakalagay ng mga miniature cars at puno dito. Malapit ng matapos ang nasabing model at ayaw itong tigilan ng dalaga.
Pumasok ang isang maganda at seksing babae sa opisina nito na may dalang styro ng pagkain. Si Kate, ang sekretarya ni Engineer Ramos.
“O, dinalan na kita ng Lunch. Alam ko namang hindi ka papaawat dyan”, sabi nito na ibinaba ang dalang pagkain sa table ng dalaga.
“Thanks Kate”, si Trish na sinulyapan ang bagong dating. Bahagyang nag-inat ang dalaga at binuksan ang dalang pagkain ng kaibigan.
“Ano ba yan? Napakabusisi naman nyan. But In-fairnes ha, ang galing ng pagkakagawa mo. Kahit hindi ako architect eh, naiimpres ako.” Puri ni Kate na umiikot-ikot pa sa working table ng dalaga at waring chine-check ang ginawa nito.
“Salamat, Friend talaga kita”, si Trish na sinisimulan na pa lang kainin ang dalang pagkain ni Kate. Nagyon lang siya nakaramdam ng gutom.
“Hmmm.... sigurado marami na namang maiimpress sayo dyan...I’m sure, ikaw na naman ang maraming gift sa valentines”, si Kate na hindi naman kahihimigan ng selos dahil masaya ito sa piling ng boyfriend na isa ring Engineer sa ibang company.
Tinawanan lang siya ni Trish na tuloy lang sa pagkain.
“Alam mo ikaw, napaka-misteryosa mo. Alam mo na yata ang kwento ng buong buhay ko pero ako, bukod sa pangalan at sa mga achievements mo dito sa office, wala na akong ibang alam. Ni hindi ko nga alam kung may boyfriend ka eh.... Type ka pa naman ni Keith”, si Kate na ang tinutukoy ay si Engineer Keith Ramos na anak ng may-ari ng kumpanya. Siya ang sekretarya ng Batang Engineer.
“Ha?!” si Trish na napainom ng tubig sa narinig.
“Oo kaya!... Girl kung alam mo lang, to the max ang praises nun sa mga gawa mo. Daig pa ang proud boyfriend kung makapagkwento sa mga kaibigang Engineers.” Kwento pa ni Kate. Natatawa lang si Trish sa mga kwento ng kaibigan. Muli nitong tinuon ang atensyon sa ginagawa.
“Ikaw naman kasi eh, napaka-ilap mo. Hindi ko alam kung dahil may boyfriend ka na kaya hindi mo man lang pinapansin ung mga umaaligid dyan o man hater ka lang talaga kaya wala kang type sa kanila.... Teka... baka naman iba na type mo ha.... Trish hindi tayo talo!”, seryosong turan nito sa kaibigan.
Pinanlakihan naman ito ng mata ni Trish. Napagkamalan pa syang tomboy nito. Nilapitan nito si Kate at iginiya palabas ng pinto.
“Ikaw, kung anu-anong pumapasok dyan sa kokote mo. Babae po ako no!”,
“Nililinaw ko lang naman, hindi naman ako nag doubt sa gender preference mo. Binibiro lang kita. Ang serious mo kasi dyan!”, tugon ni Kate na nasa may pintuan na.
“Sya, sige na... abala ka”, binuksan na nito ang pinto at itinulak palabas ang kaibigan. ‘Thanks sa food!’, pahabol pa nito.
Nang maiwan mag-isa sa opisina nito ang dalaga ay napaisip ito sa mga sinabi ni Kate. Definitely hindi siya lesbiana at lalong wala siyang boyfriend. Kahit madalas ay inaakala ng marami na nobyo nito ang binatang si Jeric ay malinaw naman sa kanilang dalawa kung ano talaga ang estado ng relasyon nila. Nilinaw na ito ni Trish kamakailan lang.
Sa simula ay hindi niya muna ito sinabi kay Jeric dahil gusto rin naman niyang subukang mahalin ang binata gaya ng pagmamahal nito sa kanya. Wala siyang masasabi sa binata, sobrang bait nito sa kanya at maalaga. Ewan ba niya sa puso niya, kung bakit hindi nito maturuang mahalin si Jeric na higit pa sa pagiging kaibigan.
