CHAPTER 15: Why Can’t it Be
Maaga ulit pumasok si Trish nang araw na iyon. Mukhang inspired syang magtrabaho matapos makausap si Stan kagabi. Sa takbo ng usapan nila kagabi, halata ni Trish sa tinig ni Stan na malungkot ito at may dinaramdam. Pero kagaya nga ng inawit niya, handa nya itong damayan. Nagsimulang magtrabaho si Trish pagdating niya sa cubicle nito. Hindi mawala ang mga ngiti nito dahil makikita na niya muli ang binata. Panay pa ang silip nito sa salamin na katabi ng laptop na gamit niya.
“Oo na, maganda ka na,” si Patty na kadarating lang. Nginitian ito ni Trish.
“Good Morning Patty!” masiglang bati ni Trish sa kaibigan.
“Hmmm.... Masaya ka yata,” tanong ni Patty sa kaibigan.
“Bakit masama ba?” ganting tanong din nito.
“Alam mo sign yan.... In love ka ‘no?” si Patty habang nagbubukas ng laptop nito.
“Sinong in love?” singit ng bagong dating na si Shane. Tumingin dito si Patty at ngumuso sa direksyon ni Trish. “Talaga Trish! Kanino naman?” kinikilig na tanong nito sa kaibigan. Hindi naman sumasagot si Trish at patuloy lang ito sa ginagawa.
“Hay naku, dinededma na tayo, wala na tayong mahihita dyan”, tugon ni Patty. Naupo na ito at nagsimulang tumipa sa laptop. Bumalik naman sa pwesto nito si Shane.
Maya-maya lang ay dumating na si Stan. Seryoso ang mukha nito habang naglalakad papunta sa sariling opisina. Bawat madaanan ay bumabati sa binata kabilang na ang magkaibigang Patty at Trish. Magalang na bumati si Trish na sinamahan pa ng matamis na ngiti subalit ni hindi man lang sumulyap sa kanya ang binata. Napawi tuloy ang mga ngiti nito habang sinusundan ng tingin palayo si Stan.
Ano kayang problemo nun?, tanong nito sa sarili. Nagkibit-balikat na lamang si Trish at binalikan ang ginagawa.
“Dinedma ka ng prince charming mo”, bulong dito ni Patty. Inaasar nito ang kaibigan. Hindi naman kumibo si Trish.
Nang makapasok sa sariling opisina si Stan, ay kaagad nitong tiningnan ang mga papeles sa ibabaw ng kanyang lamesa. Pinirmahan ang mga dapat pirmahan at inihiwalay ang mga dapat unahin. Nagbukas din ito ng computer upang mag-check ng email. Habang abala sa pagbabrowse ng kanyang mga email ay bumukas ang pintuan ng kanyang opisina. Hindi ito namalayan ng binata dahil seryosong seryoso ito sa ginagawa.
“Sir Coffee po,” si Trish. Dala nito ang isang tasa ng mainit na kape. Since naging intern, ang dalaga na ang inatasan ni Tita Lucy na magserve ng kape para sa binata. Hindi umangal ang dalaga.
Nang maipatong ang kape sa table ni Stan ay saka lamang nag-angat ng mukha ang binata. Muli ay ang magandang mukha ni Trish ang nakita nito. Nagtatalo ang isipan ni Stan kung babatiin ba nito ang dalaga o hindi. Nakatingin lang ito sa mga mata ng dalaga na tila nangungusap. Wala ring maapuhap na salita ang dalaga. Pilit nitong binabasa ang mga mata ni Stan na tila binabalot ng iba’t-ibang emosyon. Ilang Segundo rin ang lumipas ng biglang tumunog ang cellphone ng binata. Laking pasalamat nito at kaagad kinuha ang telepono. Tumayo ito at naglakad patalikod kay Trish. Mukhang emergency ang tawag dahil saglit lang itong nakipag-usap at kaagad pinatay ang aparato. Mabilis ang kilos na kinuha nito ang jacket at walang sabi-sabing lumabas ng opisina. Naiwan mag-isa si Trish na napako na sa kinatatayuan nito.
Napayuko si Trish at nagawi ang paningin sa kapeng tinimpla nito. Parang bumigat ang pakiramdam ng dalaga. Ang excitement na naramdaman kanina ay biglang naglaho at napalitan ng lungkot. Hindi nito maintindihan ang tila pag-iwas sa kanya ni Stan. Nasasaktan siya sa biglaang pagbabalewala sa kanya ng binata. Bigla na lang nalaglag ang mga luha ni Trish. Kaagad din naman niya itong pinahid ng likod ng kanyang palad. Kinuha nitong muli ang tinimplang kape at lumabas ng opisina.