CHAPTER TWENTY SIX: Bad Day
“E kumusta na po kayo ni Engineer Stan, sinagot nyo na po ba?”, hindi inaasahang tanong ng trabahador. Ngumiti pa ito na tila tinutukso ang dalawa. Nahinto tuloy sa pagkagat sa bananacue si Stan. Napatingin ito kay Trish na natigilan din.
Hindi naman kumibo sina Dianne at Keith at inaabangan ang magiging reaksyon ng dalawa.
“Sagutin nyo na kasi Ms. Maganda, bagay na bagay naman talaga kayo eh! Ang saya-saya nyo nga dito noon, naghahabulan pa kayo dyan o. Parang yung sa teleserye, si Christine at Jerico... bagay!”, hirit pa ulit ng madaldal ng trabahador. Mukang kinikilig pa ito habang nagkukuwento.
Lalo naman napako sa mga kinatatayuan nila sina Trish at Stan. Parang gusto ng lumubog ni Trish sa kinatatayuan nito samantalang nais na sanang isubo ni Stan sa bibig ng trabahador ang hawak na babanaque para tumigil na sa pagkukwento.
Unti-unting sumisimangot si Dianne dahil sa mga naririnig. Ewan niya kung totoo ang mga sinasabi ng lalaking ito o exaggerated lang magkwento, pero ganunpaman, iisa lang ang epekto sa kanya... naiinis ang dalaga! Hindi rin naman kumikibo si Keith, nakikinig lang ito sa kwento ng trabahador habang pinag-aaralan ang reaksyon ng nobya. Makikita sa mukha ng binata ang takot at pangamba.
Magsasalita pa sana ang batang trabahador ng batukan ito ng nakakatandang kasama. Napakamot naman ito sa ulo at nakasimangot na tumalikod at naglakad palayo sa grupo. Tila napahiya ito sa ginawa ng Ama.
“Naku, pagpasensyahan nyo na ho ang kadaldalan non. Masyado ho kasing malawak ang imahinasyon kaya kung anu-anong sinabi. Pasensya na ho talaga”, hinging paumanhin ng matanda.
Kahit papano ay nakahinga na ng maluwag sina Stan at Trish dahil wala na ang batang trabahador. Muling nagsalita ang matandang trabahador.
“Boss Stan, nung nagpasabi ho kayo na bibisita ay nabanggit ko ho sa Misis ko. Naikwento ko ho kasi kayo nung una ninyong bisita. E gusto niya daw kayong makilala, kung okay lang po, gusto ko po sana kayong imbitahan sa bahay at doon na manghalian. Nagluto ho kasi siya.”
Natuwa si Stan sa binanggit ng trabahador pero bago ito nagdesisyon ay tumingin muna ito sa mga kasama. Unang nagsalita si Dianne.
“Why not babe, excited na rin akong kumain ng lutong pinoy!” wika nito na tila nagbago na ang mood. Kumapit pa ito sa mga braso ng nobyo. Sumang-ayon naman sina Keith at Trish.
Habang naglalakad ay walang umiimik kina Keith at Trish. Tumingin si Trish sa nobyo subalit masyadong seryoso ang expression nito. May pagkaseloso si Keith at sigurado siyang hindi nito nagustuhan ang narinig kanina. Hinayaan na lamang muna niya ito at nakisabay na lang sa paglalakad nito. Hindi naman bumibitaw sa mga braso ni Stan si Dianne na tila nakapagkit na ang dalawang kamay dito. Hindi naman nagrereklamo ang binata ngunit wala ding ma-aaninag na expression sa mukha nito.
Hindi naman kalayuan ang bahay ng matanda, isa itong kubong gawa sa pawid at kawayan at puno ng niyog. May kalakihan ang nasabing kubo at medyo moderno na ang disenyo. Agad napansin ni Trish ang disenyo nito at hindi napigilang magkumento.
“Ahmmm... Tay, kayo po ba ang nagdesign ng bahay nyo?” si Trish na makikita ang katuwaan sa mukha.
“Ay opo mam, kami po ni Abet”, na ang tinutukoy ay ang batang trabahador. “Tulong ho kami sa paggawa pero sa kanya po ang disenyo, magaling ho kasing gumuhit ang batang yan. Medyo kapos nga lang ho kaya hindi na nakapagkolehiyo”, paliwanag ng matanda, halata sa boses nito ang panghihinayang. Nalungkot naman si Trish dahil sa narinig.
Lumabas mula sa bahay ang isang matabang babae, may katandaan na rin ito pero mukhang masayahin pa rin. Agad itong lumapit sa matandang lalaki.
“Carding, sila na ba ang kinukwento mo?” excited na tanong ng ginang, ang asawa ni Mang Carding.
